Hindi biro ang naranasan ni K Brosas sa taping ng Lakwatsika, ang bagong programa ng TV5 kung saan siya at si Ethel Booba ang main hosts.
Ito ay nang magkaroon siya ng anxiety attack habang nagru-roll mismo ang kamera.
Noon pa ma’y naging bukas na si K pagdating sa usapan tungkol sa kanyang mental health, pero ito raw ang unang pagkakataon na maipapakita ito on national television.
Sabi niya, “Kasi may nangyari sa akin dit,o first time on national television, yung tungkol sa aking mental health.
“Makikita niyo at sasabihin niyo talaga, totoo ang sinasabi niya.”
Ayon kay K, hindi raw niya ine-expect na mangyayari ito habang nasa taping siya mismo ng programa.
Kuwento niya, "In the first two weeks, full-blown anxiety attack. Marami ang makaka-relate, totoo pala yun, hindi echos.
"In a way, di rin ako thankful, kasi noong oras na yun, gusto mong mamatay na, gusto mo lang ma-ospital. May camera, di maiiwasan, reality show ito.
"Yung mga medics, mga tao, nataranta. Di ko ine-expect, first time itong nangyari sa TV, usually nangyayari sa backstage."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si K noong grand press conference ng Lakwatsika noong April 5, 2022 sa TV5 Studio 4.
Nagsimula nang umere ang Lakwatsika kaninang umaga, April 18, 2022, at mapapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes, 11 a.m.
"REALI-TALK" SHOW
Branded as a “reali-talk show,” ipapakita ng Lakwatsika ang pagpunta nina Ethel at K sa iba’t ibang lugar sa bansa para mag-explore at makita ang tinatagong ganda ng mga ito.
Kasama rin nila Ethel at K ang mga baguhang sila Marimar Tua at Queenay bilang mga “Lakwatsikadora.”
Sa press conference, sinabi ni K na maihahalintulad sa mga Kapuso shows na Extra Challenge at Biyahe ni Drew ang Lakwatsika.
Pero ang magpapaiba raw dito ay ang mismong atake nina K at Ethel sa kanilang programa.
Isa na rito ay ang mga kainang kanilang ipi-feature sa show.
Sabi ni K, "Hindi siya fine dining, di mga famous na kainan, ‘tapos mga exotic food.”
Masasabing spontaneous ang mga ganap nila sa show dahil marami silang unscripted moments.
Patuloy ni K, "May nangyari na bigla na lang kaming bumababa ng van, walang script. Si Bakla (Ethel), magsasabi, 'Ay, gusto ko ng softdrink.'
"Naglalakad kami sa gitna ng kalye nun, ha! Naghanap kami ng sari-sari store, kilala ako ng mga tao. 'Si K Brosas! Si K Brosas yun, a!'
"Nakakatuwa ‘tapos sabihin nila, 'Taga-Sing Galing ito.' Nagkantahan sila, 'Sing Galing, Sing Galing,' ‘tapos may choreo pa. Nakakataba ng puso.'
"T'apos si Ethel may dala siyang megaphone, 'Day. Nakakaistorbo, di ba, pero deadma.”
Ang Sing Galing! ang isa pang show ni K na napapanood din sa Kapatid network.
Nakatulong din daw na matagal na silang magkakilala ni Ethel kaya lumitaw ang chemistry nila bilang co-hosts.
"Naku napakagaan, lingid sa kaalaman ng iba, di pa kami artista, magkakilala na kami ni Ethel.
"Hindi naman kami close, aaminin ko naman, hindi kami close kagaya ng kasama ko sa banda before, kasama niya sa banda before.
"Pero bago pa kami nag-artista kilala ko na siya, hindi pa siya ganyan.
"Magkasama kaming kumankanta sa mga lounge. Pareho kaming banda na comedy."
Ang Lakwatsika ay partnership ng Cignal Entertainment, Red Crane Studios, at Department of Tourism (DOT).
K WANTS TO GUEST KRIS AQUINO
Nang tanungin naman si K kung sino sa mga artista ang gusto nitong makasama sa biyahe sa Lakwatsika, nabanggit niya si Kris Aquino.
Dati ring nagkakasama sina K at Kris sa Kris TV ng ABS-CBN, kung saan madalas co-host ni Kris si K.
Ani K, "Si Kris Aquino kasi malaking-malaki ang utang na loob ko sa kanya kasi sa Kris TV ako namulat sa travel.
"Ako ang pinagagawa niya ng mga adventures para happy, di ba?”
Sa katunayan, nami-miss na nga raw ni K na makasama si Kris dahil ilang taon na rin simula nang mawala ang Kris TV.
“Si Kris, nami-miss ko na siya unang-una at siya ang nagpamulat sa akin ng mga travel-travel sa TV.
“Ako yung tagagawa niya ng mga hindi niya ginagawa. Nakaka-miss talaga siya.”
Pero kahit naman daw matagal na silang hindi nagkakasama ni Kris sa telebisyon ay nanatili ang kanilang open communication.
Lagi raw ipinararamdam ni K na hindi niya nakakalimutan ang TV host.
Kuwento ni K, "Pinadalhan ko siya ng flowers and everything, nagpasalamat pa siya.
"Si Kris, napakadaling i-please as a friend. Maalala mo lang siya, malaking bagay na sa kanya yun.
"Kaya hindi ko siya nakakalimutang i-text, flowers, just to remind her na nandito lang ako for her."
Hiling lang ni K na mas bumuti na ang health condition ni Kris para sila ay makapag-bond nang muli.
"Gusto ko lang sana siyang bumalik sa dati niyang sigla, sa dati niyang kulit, saka yung mga side comments niya na natatawa ako.
“Ang dami naming pinag-usapan kaya nakaka-miss siya.”