Hindi naitago ni Paolo Gumabao ang kanyang saya at excitement nang muli niyang makatrabaho ang beteranong aktor na si Nonie Buencamino.
Unang nakatrabaho ni Paolo si Nonie sa Huwag Kang Mangamba, ang drama series ng ABS-CBN noong 2021 na pinagbidahan nina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Eula valdes, at Sylvia Sanchez.
Read: Paolo Gumabao, bakit tinanggal sa Huwag Kang Mangamba?
Sina Paolo at Nonie ay magkasamang muli sa MMK (Maalaala Mo Kaya) episode ngayong Agosto sa direksiyon ni Raymund Ocampo.
Iikot ang kanilang istorya sa mag-amang nagsasakripisyo sa buhay.
Sa virtual mediacon ng MMK's August offerings noong Martes, August 2, 2022, tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Paolo kung ano ang pakiramdam na makatrabaho si Nonie lalo pa't ito ang kanyang pinakaunang paglabas sa longest-running drama anthology sa bansa.
Ayon sa aktor, "dream come true" ang pagbibida niya sa MMK.
"I've dreamt about this episode for a long time. Dati ko pang pinapangarap na makagawa ng isang MMK episode.
"Well, si Tito Nonie, actually nakatrabaho ko na siya dati sa isang show, the last show that I did, the title is Huwag Kang Mangamba.
"At that time, si Tito Nonie, at every time na mayroon akong tanong about my character, I would ask him, and si Tito Nonie was very accommodating.
"Tinulungan niya talaga ako step by step on how to attack the scene I was asking him about."
Dahil sa pagiging mabait at mahusay ni Nonie, ini-imagine daw noon ni Paolo na pag nag-MMK siya ay makakasama niyang muli ang beteranong aktor.
Kuwento niya, "Nung time na yun, napag-isipan ko, sabi ko... Nung time na yun, wala pa akong MMK. Sabi ko sa sarili ko, gusto ko pag nagkaroon ako ng MMK, gusto ko si Tito Nonie yung kasama ko dun.
"Nai-imagine ko talaga na si Tito Nonie as my father, yun talaga yung na-visualize ko before."
Patuloy ni Paolo, "My handler from Star Magic called me and they sent me yung script, at the same time nandoon na yung mga pangalan ng mga characters pati yung sino yung mag-play sa character.
"Nakita ko yung pangalan ni Tito Nonie, sobrang na-excite ako, because I knew from that moment na mabibigay ko yung lahat ng kaya kong ibigay because Tito Nonie will be there."
Nag follow-up question naman ang host ng mediacon kay Paolo kung ano ang pakiramdam niyang nagkatotoo ang manifestation nitong makatrabaho muli si Nonie.
Sagot niya, "It feels great, as in hindi ko... It's weird kasi pag kinukuwento ko sa mga tao, kinikilabutan ako, sa totoo lang."
Pinuri naman ni Nonie si Paolo at sinabing hinahangaaan din nito ang baguhang aktor dahil sa pagiging matalino, magaling, at propesyunal sa trabaho.
Read: Marco vs Paolo: Sino ang mas magaling na aktor sa Gumabao brothers?
Mapapanood ang MMK episode nina Paolo at Nonie sa August 20, 2022, sa A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya online live sa YouTube at Facebook.