Labis ang pasasalamat ni Senator Grace Poe sa lahat ng tumututok at nanonood ng FPJ's Ang Probinsyano, na nakatakdang magwakas ngayong linggo matapos ang halos pitong taong pag-ere sa telebisyon
Read: Coco Martin announces last three weeks of FPJ's Ang Probinsyano
Ang senadora ang nag-iisang anak ng Hari at Reyna ng Pelikulang Pilipino na sina Fernando Poe Jr. at Susan Roces, na pareho nang namayapa.
Nitong Martes, August 9, 2022, naglabas ng video sa Instagram ang Dreamscape Entertainment kung saan nagpasalamat si Senator Grace sa mga nagmahal at tumangkilik sa longest-running teleserye sa Pilipinas.
Aniya, "Sa lahat po ng nagmahal sa legasiya ng aking mga magulang na sina FPJ at Susan Roces, tanggapin niyo po ang aking taos-pusong pasasalamat sa inyong pagtangkilik sa FPJ's Ang Probinsyano sa loob ng pitong taon."
Ang sikat na serye ng Kapamilya network ay hango sa pelikula ni FPJ na Ang Probinsyano na ipinalabas noong 1997.
Sa serye, ginampanan ng namayapang si Susan Roces ang papel ni Lola Flora, ang mapagmahal na lola ng bidang karakter na si Cardo Dalisay na ginagampanan naman ni Coco Martin.
Read: Susan Roces, bibigyan ng magandang pamamaalam sa pagwawakas ng Ang Probinsyano
Ipinaabot din ng senadora ang kanyang pasasalamat kay Coco, na nagsilbi ring direktor, at sa lahat ng bumubuo sa FPJ's Ang Probinsyano.
"Nais ko rin pong magpasalamat sa buong cast at crew at sa Kapamilya network na pinangungunahan ni Cardo na si Coco Martin.
"Sa inyong paggawa ng isang dekalidad na programa na nagbigay ng pag-asa, inspirasyon, at kaligayahan sa ating mga kababayan.
"Alam ko na si Coco ay hindi lamang gumanap kung hindi siya rin ay nagsulat at nagdirek ng teleseryeng ito."
Sa huli ay inanyayahan niya ang lahat na tumutok sa tinaguriang "Ang Pambansang Pagtatapos" ng Ang Probinsyano sa Biyernes, August 12.