Pinaghahandaan ni Claudine Barretto ang pagbabalik-showbiz, at posibleng mapanood siya sa AMBS 2, ang magbubukas na network na pag-aari ng pamilya ni former Senator Manny Villar.
Ito ay sa tulong ng talent manager ng aktres na si Arnold Vegafria.
Ayon kay Claudine, "I’m with ALV, Arnold Vegafria, since last year pa. More than a year na kami together.
"And si Arnold ang... I think I’m gonna be signing with the new network."
Sa AMBS?
"Yes, AMBS," pagkumpirma ng aktres sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Café Saronggala sa Tagaytay.
Nang tanungin kung nakapirma na siya ng kontrata sa AMBS, sabi ni Claudine, "Si Arnold actually ang ano... pero hindi ko pa alam kung ano yung mga plano.
"Pero hopefully, soap opera. Nakaka-miss din, oo."
Kung matuloy na makagawa siya ng teleserye sa AMBS, sino ang gusto niyang maging leading man?
Sagot ni Claudine, "Of course, I will still consider sina Piolo, Jericho, Diether, Aga."
Naging leading men na ni Claudine sina Piolo Pascual, Jericho Rosales, Diether Ocampo, at Aga Muhlach sa mga proyekto ng aktres noon sa ABS-CBN.
Ang AMBS Network ay pinamamahalaan ng presidente ng kumpanya na si Maribeth Tolentino katuwang ang TV host na si Willie Revillame.
Sa panayam ng PEP.ph at piling entertainment reporters noong July 15, 2022, kinumpirma ni Willie na siya ang in-charge sa paghahanap ng mga artistang itatampok sa iba't ibang programa ng bagong TV station.
Pero wala pang binanggit si Willie na mga pangalan ng artista na kanegosasyon ng AMBS.
Sinabi rin noon ni Tolentino na October ang target na buwan ng pagbubukas ng network, na ang flagship program ay ang variety show na Wowowin.
Related stories:
- Willie Revillame at AMBS 2, di apektado sa partnership deal ng ABS-CBN at TV5
- AMBS 2 launch moved from September to October
MOVIE WITH PIOLO?
Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP.ph kay Claudine, umaasa siyang matuloy ang pelikulang pagbibidahan nila ni Piolo.
"Yung movie namin ni Piolo na na-hold back bago mag-pandemic... sa Florence [Italy]. Matagal na yun kaya sana matuloy," hiling ni Claudine.
Ang malinaw ay pinaghahandaan ng aktres ang pagbabalik niya sa pag-arte.
Kamakailan ay naiulat ang kapansin-pansing pagkabawas ng timbang ni Claudine base sa social media posts nito.
"Yes, nagpapayat nang husto. Nag-intermittent fasting ako. From 178 pounds, ano na lang po ako ngayon, 125," ani Claudine.
Dagdag niya, "Lifestyle change talaga. Kasi parang nahihirapan na akong kumilos. ‘Tsaka na-miss ko talaga ang showbiz, sobra."
ON FAILED POLITICAL BID
Sinubukan din ni Claudine na pasukin ang pulitika nitong 2022 elections. Pero nabigo siya sa unang attempt niyang pagtakbo bilang konsehal sa nag-iisang distrito sa Olongapo City.
"It was always been the dream of my dad. So, nung dumating yung opportunity, sabi ko i-try ko.
"Pero I was half-hearted nung pagpasok ko. Kasi, it was also during that time na hindi rin ako nakakapagkampanya nang sobra-sobra, nang maayos," saad ni Claudine.
Dahil?
"Because during that time, ang daming ano... nagkasakit si Santino. During that time, may COVID.
"So, parang trinay ko lang. Kapag nag-okay, then work. Ibibigay ko ang 100 percent ko. Pag hindi, okey din."
Hindi raw totoo ang bali-balitang na-depress siya nang husto nang matalo sa 2022 elections.
“Kasi sa dami ng hindi ko napuntahang kampanya... Ang taas ng rating na nakuha ko, oo. Parang sa team namin, ako yung pinakamataas.
"So, parang, yun lang thankful na ako. Tsaka yung makapag-serve ako kahit na konti sa mga taga-Olongapo na doon talaga yung daddy ko, na doon talaga yung lolo ko nag-governor.
"At kahit papaano nakilala ako bilang taga-Olongapo. Kasi alam nila taga-Iloilo ako because of my mom, Ilongga."
May plano ba siyang tumakbong muli next election?
"No more! No more na!" sagot ni Claudine.
Nadala na siya?
"Hindi naman," iling ng aktres. "Pero siguro hindi talaga para sa akin."