Binisita ni Coco Martin, kasama ang ilang cast ng upcoming ABS-CBN prime-time series na Batang Quiapo, ang puntod ni “Da King” Fernando Poe Jr.
Ngayong Miyerkules, December 14, 2022, ang ika-18 anibersaryo ng kamatayan ng tinaguring Hari ng Pelikulang Pilipino na si FPJ.
Sa pamamagitan ng Instagram post, ibinahagi ni Coco ang ilang kuhang larawan nila ng cast habang nasa puntod ng yumaong si FPJ sa Manila North Cemetery.
Kasama ni Coco sina Cherry Pie Picache, Mark Lapid, Pen Medina, Mark Andaya, Benzon Dalina, at Senator Lito Lapid.
Mababasang caption ng actor-director: "Mananatiling buhay ang lahat ng iyong obra sa puso’t isipan ng bawat Pilipino!
"Da King, Maraming Salamat sa iyong pamana at alaala!"
Katabi ng puntod ni FPJ ang puntod ng kanyang asawa na si Susan Roces, na yumao noong May 20, 2022.
Noong December 5, 2022, inanunsiyo ng Dreamscape Entertainment na muling magbabalik si Coco sa primetime television upang pagbidahan ang TV adaptation ng isa sa FPJ's classic film na Batang Quiapo.
Makakasama niya rito si Charo Santos-Concio at ang anak ni FPJ na si Lovi Poe.
Read: Coco Martin co-stars with FPJ's daughter Lovi Poe in TV adaptation of "Batang Quiapo"
Noon pa man ay aminado na si Coco na malapit sa kanyang puso ang mga pelikulang nagawa ni FPJ dahil iniidolo niya ito.
Ito rin ang dahilan kung bakit naging matagumpay ang huling teleserye niyang FPJ's Ang Probinsyano, na tumagal ng pitong taon sa ere.
Read: Ang Probinsyano opisyal nang nagwakas pagkatapos ng pitong taon
Maliban kina Lovi, Charo, Lito, Cherry, Mark, Pen, at Benzon, makakasama rin ni Coco sa cast ng Batang Quiapo sina Christopher De Leon, Susan Africa, John Estrada, Ronwaldo Martin, Mercedes Cabral, Alan Paule, at Tommy Abuel.
Sa direksiyon mismo ni Coco kasama si Malu Sevilla, ang FPJ's Batang Quiapo ay target na umere sa 2023.