Dahil sa tagumpay ng tambalang FiLay nina David Licauco (bilang Fidel) at Barbie Forteza (bilang Klay) sa Maria Clara at Ibarra (MCI) ay agad nasundan ang kanilang proyekto at ito ay sa Daig Kayo Ng Lola Ko Presents: Lady & Luke na mapapanood sa GMA-7 simula ngayong Linggo, 6:00pm.
Ano ang aabangan sa bago nilang team-up at gaano ito kahawig o kakaiba sa FiLay sa MCI?
“Siguro ang similarity ng character ni Klay at ng character ni Lady sa Daig Kayo Ng Lola Ko ay parehas silang family oriented, goal oriented, hardworking, responsible, mapagmahal sa kapatid,” ang umpisang pahayag ni Barbie.
“Siguro ang pagiging magkaiba nila ay yung paraan ng pag-approach sa mga problema, yung paraan ng pag-solve ng problema, ganyan.
“Si Klay kasi ano siya e, sensible kasi siyang tao. Si Lady naman parang laging nauuna yung galit, laging mainitin ang ulo, dahil nga ano siya, e… career-oriented siya, e.
“Parang andami niyang gustong mangyari sa buhay.
“’Tapos, kailangan pa niyang palakihin nang maayos yung kapatid niya kasi siya na lang yung natitira dahil nga ulila na sila sa parents.
“So ayun, medyo may pressure sa part ni Lady to be a good role model sa kanyang kapatid na si Sabrina played by Zonia Mejia.”
Sa direksyon ni Rico Gutierrez nasa cast rin ng Daig Kayo Ng Lola Ko Presents: Lady & Luke sina Vince Maristela, Gilleth Sandico, Hannah Precillas, at Bodjie Pascua.
Katuwang rin sa pagbuo ng kuwento ng Lady & Luke sina Creative Director Aloy Adlawan, Creative Consultant Jojo Nones, Headwriter Agnes G. Uligan, at mga episode writers na sina Patrick Louie Ilagan at Loi Argel Nova.
Kasama rin sa team ang mga writers na sina Rona Lean Sales at Renei Dimla.
Mapapanood ito sa apat na araw ng Linggo mula March 12, 19, 26, hanggang April 2.
BARBIE’S DREAM HOUSE NEAR COMPLETION
Samantala, napag-usapan rin sa ginanap na Zoom mediacon para sa DKNLK Presents Lady & Luke nitong March 7 ang tungkol sa bagong bahay na ipinapatayo ni Barbie. Isa ito sa mga patunay na unti-unti nang natutupad ang kanyang mga pangarap.
Lahad niya, “Oo nga po. Naku, nakakatuwa! Kasi parang nung nagdaan ang pandemya parang sobrang imposibleng mangyari na makapagpatayo ng bahay.
“Na hanggang sa ngayon na nakikita ko nasa ano na kami, plastering, nasa roofing na kami, medyo buo na yung itsura niya, so nakakatuwa lang balikan yung times na medyo challenging talaga siya.
“Medyo stressful and challenging, and madaming naging problema pero ngayon nakakatuwa dahil kahit papaano kahit medyo mahirap siya nakikita mo na siyang nabubuo.
“Nakikita mo na yung pinaghihirapan mo. So I’m just really excited na madala ang aking family sa aming dream house kasi si Mama ko ang never pang nakapunta doon sa property namin.”
Ang naturang bahay ba ay para sa sarili niya o regalo rin niya para sa pamilya niya?
Paglinaw niya, “Ahhh, I think regalo ‘to sa aming lahat. Sa aming buong pamilya.
“Kasi this is a very big achievement for all of us because this is our very first house na kami talaga yung may-ari. So ayun, para sa akin, ano siya... bahay namin pero eventually magiging bahay nila, nila Mama tsaka ni Daddy siyempre pag may sarili na akong family.
Hands-on si Barbie sa pagpapagawa at disenyo ng kanilang bahay. Mayroon ba siyang paboritong parte ng bahay?
“Siguro yung studio.
“Meron akong maliit na, may dine-dedicate akong isang maliit na room para gawing studio dahil siyempre di ba nauuso yung mga vlogs and social media contents, so naisip namin na gumawa ng maliit na studio para doon ko i-shoot lahat.
“So feeling ko I’ll be spending a lot of time there,” tugon niya.
Ano ang naging realization ni Barbie ngayong nakapagpatayo na siya ng bahay para sa kanya at sa pamilya niya?
“Ang biggest realization ko ay walang imposible.
“Basta kailangan hindi mawala yung pagpupursige, pagtitiyaga, siyempre pasasalamat sa lahat ng taong tumulong sa iyo para maabot yung gusto mong mangyari,” deklara niya.