Rommel Padilla wishes for son Daniel to guest in 2 1/2 Daddies

Rommel Padilla on being a comedian in 2 1/2 Daddies: "Nailabas ko rito yung pagiging komedyante ko. Kasi simula noong nagsimula akong pumasok sa showbiz, gusto ko maging komedyante talaga. E, kaso nalinya rin ako sa aksyon. So, dito nailabas."


Pangarap pala ni Rommel Padilla na makasama nila ang anak niyang si Daniel Padilla, kahit guest appearance man lang, sa 2 ½ Daddies.

Ang 2 ½ Daddies ay sitcom nila ng mga kapatid niyang sina Robin Padilla at BB Gandanghari sa TV5, na nasa ikalawang season na simula sa Abril 25. Napapanood ito tuwing Sabado, 8 P.M.

Sabi ni Rommel, “Iyan po ang matagal na naming pangarap.

“Pati po si DJ [Daniel], e, pangarap din po niya yun.

“Actually, kailan lang po napag-uusapan namin iyan. Gustung-gusto niya pong sumama nga.

“Sana maging 3 ½ Daddies na raw. Matagal na po kasi naming plano na magkaroon ng sitcom.

“So, katulad po ng inyong iniisip, pinapangarap po namin na dumating yung araw na iyan, na magkaroon po siya ng cameo role dito sa 2 ½ Daddies.”

Nakakontrata kasi si Daniel sa ABS-CBN kaya wish lang ni Rommel na payagan ang anak kahit na mag-cameo o mag-guest man lang sa TV5 sitcom nila.

“Sana nga po, sana,” sambit ng aktor.

Sa ngayon ay nakukuntento na lang daw sila sa presensiya sa show ng ka-look-alike ni Daniel.

“Meron naman po kaming reserve, si Charlie.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Rommel sa presscon para sa Season 2 ng 2 ½ Daddies, na ginanap sa Annabel’s restaurant, kahapon, Abril 20.

PADILLA KIDS ON THE SHOW. Bukod kina Rommel at Robin, nakasama rin nila sa presscon si Aryanna, ang 3-year-old daughter ni Rommel sa bago niyang asawang si Cha.

Si Aryanna ang gumaganap din na anak ni Rommel sa 2 ½ Daddies.

Sa first season ay ang apo ni Rommel na si Rania ang gumanap na baby, at dahil lumaki na ito sa second season ay napunta na ang role kay Aryanna.

Si Rania ang first granddaughter ni Rommel sa anak niyang si RJ Padilla.

Natanong tuloy ng PEP si Rommel kung ano ang pakiramdam na mula sa kanyang apo ay ang anak naman niya ang kasama nilang bata sa 2 ½ Daddies.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tugon niya, “Actually, doon kay Rania, of course masayang-masaya ako.

“Kahit nalaman na ng buong madlang pipol na lolo na ako ay masaya pa rin ako dahil konektado pa rin doon sa dugo ng pamilya.

“Yung tatay niya ay sobrang saya dahil napasama sa palabas namin ng Tito Robin niya.

“Ngayon, dito naman sa sumunod ay yung anak ko naman.”

Biro pa niya, “Sana huwag naman sa susunod ay yung asawa ko naman ang kasama!

“Well, sobrang saya dahil pinangarap ko rin iyon na 'pag dumating yung panahon, yung mga anak ko ay parang kalaro ko lang, barkada.

“So, lahat parang dream come true sa ngayon dahil lahat sila nakakasama ko sa ngayon.

“Batang lolo, batang daddy, yun.”

Dumaan daw sa audition si Aryanna kaya natutuwa si Rommel na nakakasama na nila ito sa taping.

“Oo nga, e, buti pinayagan ng kanyang mommy.

“Siyempre kami’y very honored din na pumasa siya sa audition. Nag-audition din kasi siya.”

Kanino nagmana si Aryanna?

“Sa nanay!” sabay tawa ni Rommel.

Mas madali ba ang pagtatrabaho dahil totoong anak niya ang kasama nila sa cast?

Ayon kay Rommel, “May mga pagkakataon na ganun.

“Pero ‘pag nakikita mo kasing nahihirapan na ['pag sinusumpong], kahit ayaw mo siyang ilagay doon, pero kailangan, medyo may bigat din.

“Pero nakita ko kasi parang gusto niya, e.”

Bigla niya ngang tinanong si Aryanna, na kalong niya during the interview, “Do you like acting?”

Ngumiti naman ang bata kahit medyo nahihiya at nagpahayag ng pagsang-ayon sa tanong ng ama.

Sa kabuuan, ayon kay Rommel, 11 na ang mga anak niya sa iba’t ibang nanay; kasama ang ipinagbubuntis ni Cha, na due sa June.

Ipinagmamalaki rin niya na close sa isa’t isa ang mga anak niya at wala rin siyang problema sa mga nanay ng mga ito.

SUCCESSFUL CONCEPT. Ibang klaseng kasiyahan din ang nararamdaman ni Rommel ngayong nagkaroon ng pangalawang season ang 2 ½ Daddies dahil, ayon nga kay Robin, konsepto nina Rommel at BB ang sitcom na ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oo, sobrang tagumpay!

“Bukod doon sa... as a comedy actor, nailabas ko rito yung pagiging komedyante ko.

“Kasi simula noong nagsimula akong pumasok sa showbiz, gusto ko maging komedyante talaga.

“E, kaso nalinya rin ako sa aksyon.

“So, dito nailabas.

"Tapos yung konsepto namin, nakita yung apo ko, tapos yung anak ko nabibigyan ng pagkakataon.

“So, ang sarap, para kaming nasa bahay lang, extension ng bahay.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN