Nora Aunor, Lotlot de Leon and Janine Gutierrez together for the first time in Karelasyon episode

by Rommel R. Llanes
Jun 21, 2015
Lotlot de Leon (left) on finally getting the chance to act alongside mom Nora Aunor (middle) and daughter Janine Gutierrez (right) for the very first time: “Ang saya-saya ko, siyempre! Noon pa kasi may mga nagpaplano na gumawa ng ganitong proyeto, na magkakasama kaming tatlo pero hindi natutuloy. And 'eto na nga, sa wakas, natuloy na rin.”


Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsama sa isang proyektong pangtelebisyon sina Lotlot de Leon, Janine Gutierrez at ang nag-iisang Superstar na si Ms. Nora Aunor.

Maituturing na historical ito dahil hindi pa kailanman nagkasama ang tatlo sa iisang proyekto, mapatelebisyon man o pelikula.

Sa “Recuerdo” episode ng Karelasyon ng GMA-7, tatalakayin ng direktor na si Adolf Alix, Jr. ang tungkol sa relasyon ng isang ina (Nora) sa kanyang anak (Lotlot) at apo (Janine).

Ginanap ang taping para sa naturang programa ng GMA sa magkaibang lokasyon sa San Ildefonso at sa San Miguel, Bulacan at personal namin itong sinadyang puntahan kahapon, Sabado, June 20.

Masayang-masaya si Lotlot dahil ngayon lamang nangyari na nakasama niya sa iisang proyekto ang ina niyang Superstar at ang anak niyang si Janine.


CASTING COUP. Kahit sina Lotlot at Janine ay hindi pa nagkasama sa isang seryeng pang-drama; kalimitan ay sa mga guestings lamang sa mga talk shows at musical variety show tulad ng Sunday All Stars nagkakasama ang mag-ina.

Continue reading below ↓

Ani Lotlot, “Ang saya-saya ko, siyempre!

“Noon pa kasi may mga nagpaplano na gumawa ng ganitong proyeto, na magkakasama kaming tatlo pero hindi natutuloy.

“And 'eto na nga, sa wakas, natuloy na rin,” ang nakangiting pahayag ni Lotlot sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Kahit na abala rin sa tapings niya para sa Kapuso drama series na My Mother’s Secret, hindi nag-atubili si Lotlot na tanggapin ang naturang proyekto.

“Regular kasi ang taping ko for My Mother’s Secret, and si Mommy at si Janine, may mga schedules rin, kaya nung nalaman ko na may ganitong proyekto, sabi ko sana nga ma-push through, na sana mahanapan ng tamang schedule na akma sa aming tatlo,” kuwento niya.


DREAM COME TRUE FOR JANINE. Hindi rin mailarawan ni Janine ang kaligayahang nadarama niya sa kaganapang ito sa kanyang showbiz career.

Sabi ng 25-year-old actress, “Noon kasi, kapag tinatanong ako kung ano ang dream role or dream project ko, sinasabi ko na dream ko na magkasama kaming tatlo in one project, although ang nasa isip ko baka hanggang dream lang kasi parang iniisip ko na parang imposibleng mangyari.

Continue reading below ↓

“Pero eto na nga, nangyari nga, kaya sobrang happy po ako.

“Alam nyo yung magkahalo yung excitement at kaba ko?

“Excitement kasi magkakasama nga kaming tatlo, and at the same time kaba dahil hindi ko alam kung kaya ko bang umarte na kasama silang dalawa na alam naman ng lahat na parehong napakahuhusay na mga aktres.”



DRAMATIC TRIUMPH. Pero base sa napanood namin habang kinukunan ang mga eksena nila, lalo na ang dramatic moments nila, kinaya ni Janine na makipagsabayan sa kanyang ina at lola.

Kahit baguhan pa lamang siya sa larangan ng pag-arte ay kinaya niya na sumabay sa aktingan kina Ms. Nora at Lotlot.

Nang banggitin namin ito sa young actress ay tuwang-tuwa ito.

“Talaga po? Naku, itinodo ko po talaga,” at tumawa si Janine.

Proud na proud naman si Lotlot para sa anak.

“Sabi ko nga kay Janine, ‘Huwag kang kabahan, kakayanin mo 'yan, may tiwala ako sa iyo.’

Continue reading below ↓

“Mahal kasi ni Janine ang trabaho niya, mahal niya ang pag-aartista, kaya naman proud ako para sa anak ko,” lahad niya.

Bakas na bakas naman sa mukha ni Ms. Nora ang labis na kaligayahan habang kausap in-between takes ang kanyang anak at apo.

Madalas nga ay panay ang yakap niya sa apo at anak; madalas rin ay sumasandal ang Superstar sa balikat ni Lotlot habang hindi gumigiling ang kamera.

Tuwang-tuwa rin ito ng makita ang bunsong anak ni Lotlot na si Maxine Gutierrez na isinama ni Lotlot sa taping.

Kahit medyo malalim na ang gabi ay hindi kinakitaan ng pagod ang Superstar at outstanding ang acting na ipinakita nito sa bawat eksena.

Tunay na kaabang-abang ang “Recuerdo” episode na ito ng Karelasyon na mapapanood na ngayong Hulyo.



Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Lotlot de Leon (left) on finally getting the chance to act alongside mom Nora Aunor (middle) and daughter Janine Gutierrez (right) for the very first time: “Ang saya-saya ko, siyempre! Noon pa kasi may mga nagpaplano na gumawa ng ganitong proyeto, na magkakasama kaming tatlo pero hindi natutuloy. And 'eto na nga, sa wakas, natuloy na rin.”
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results