Glaiza de Castro moved to tears by letters from fans of The Rich Man's Daughter

Glaiza de Castro (left) wants her character Althea to end up with Jade (played by Rhian Ramos, right) in The Rich Man's Daughter.



Tila napapanahon talaga ang GMA-7 primetime series na The Rich Man's Daughter.

Kamakailan lang ay naging legal na ang same sex marriages sa U.S.A.

Nang dalawin namin ang taping ng TRMD, nakasuot pa ng pangkasal si Glaiza de Castro noong June 24 sa Mega Tent, Libis, Quezon City.

Nakasuot rin ng pangkasal sina Jade (Rhian Ramos) at David (Luis Alandy) dahil sa wedding ceremony na ginawa nila para sa teleserye.

Napaka-epektibo ni Glaiza bilang isang lesbian lover. Kaya ang tanong namin sa kanya, mahal na ba niya ang karakter niya?

“Noon umpisa pa lang, minahal ko na siya. Kasi hindi ko siya mapu-portray ng maayos kung hindi ko siya mamahalin. Kahit na sabihin natin na hindi ako sigurado noong umpisa kung paano ko siya ipu-portray pero, habang nagti-taping kasi kami, lalo ko siyang nakikilala, naa-at-ease ako sa kanya.

“At siguro, yun ang masarap na proseso sa pagiging actor. Kapag nagiging fluid na, seamless na ang portrayal as an actor, for me, achievement yun.”

Hindi pa naman niya nailalagay ang sarili niya bilang si Althea sa totoong buhay?

“Sa totoo lang, si Althea, marami siyang qualities na nilu-look-up ko sa kanya as Glaiza. Kasi, confident siya, tapos talagang yung moves niya, swag, smooth,” natatawa niyang sabi.

“Sa totoong buhay kasi, hindi ako ganun. Kaya in a way, nahahatak ako ng character ni Althea to be more confident, to be more outspoken, to be more embracing sa pagkatao ko.

“I mean, sa kung sino talaga ko.

“Siya kasi, wala siyang pakialam sa kahit anong sabihin ng tao sa kanya, kung babae man ang gusto niya, yun siya, e. Ever since pinakilala ang character niya, yun na siya.”

Hindi talaga siya nakaramdam ng takot kahit ngayong matagal ng umeere ang TRMD dahil puwede talaga siyang pag-isipan na baka totoo ang mga isyu sa kanya dati na kesyo tomboy siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Na ang pinag-uugatan naman ay sa dahilang walang nalalamang lovelife niya.

Natawa ito saka sinabing, “Well siyempre, kung alam mo naman ang totoong pagkatao mo, wala ka namang dapat ikatakot.

“Pero, ang isa sa mga bagay na ikinatuwa ko dito sa show na ‘to, yun nga, iba kasi ang tema niya. Matagal na rin itong hinintay ng mga tao, especially yung kagaya nila Althea, Batchi, Wila, hindi ko nga po inexpect.

“Parang in a way, nag-summon kami ng mga tao. For the longest time, discreet lang naman sila. Hindi naman sila yung tipong all-out na maa-identify agad natin. Pero yun, nakakatuwa, ang daming sumusulat sa akin, email or kapag nagmo-mall show ako, mga letters talaga na finally, may nagre-represent sa kanila.”

Kumusta naman siya ngayon sa mga lalaki, mas naging “attractive” ba ang dating niya sa mga ito?

“Hindi ko nga po napapansin kasi ngayon, Babae Power,” natatawa niyang sabi.

Kung minsan pa naman ang ibang manonood, kung ano ang napapanood, akala nila yun ang totoo.

“Oo nga e, feeling ko nga nako-confuse sila,” natawa niyang sabi.

“Pero sa totoo lang talaga, kapag nagmo-mall show ako for my album, Synthesis, halos 90% or sabihin na natin na 100 na, mga babae yung nagpapapirma talaga.”

May nagpaparamdam sa kanyang mga lesbians ngayon?

“Hindi ko naman sasabihing nagpaparamdam kasi, kung nagpaparamdam or nanliligaw, ipu-pursue ka talaga. Sabihin na lang na humahanga.”

Paano niya nasasabing ganun?

“Kasi nga sa mga mall shows, since I started doing mall shows for Synthesis, nao-overwhelm ako sa mga reaction ng mga tao. Tapos parang every mall show, Pasko sa akin.

“Kasi nga may mga gifts,” natawa niyang sabi.

Ano ang mga kadalasang regalo sa kanya ng mga kapwa niya babae rin?

“Kasi, may nag-tweet sa akin kung ano raw ang comfort food ko, so nagsabi ako na Hello Panda at saka Peppero. Hayun, bumuhos ng Hello Panda at Peppero. Merong iba naman, gawa nilang artwork, bears, pillows.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Grabe talaga, as in after ng mall show, tinitingnan ko ang mga letters nila, sometimes nagiging emotional ako. May iba talaga na, Ate Glai, hindi niyo po alam ang impact na ibinibigay niyo sa amin, tuwang-tuwa po kami, may mga tao pa na sinasabi nilang hindi kasi sila tanggap, parang wow,” lahad niya.

Dahil marami na ang humahanga sa kanya na kapwa niya babae, hindi nga kaya isang araw, magising siyang nagkaka-gusto na rin sa kapwa niya babae?

“Nasabi ko naman dati na yung sexuality, it can happen to everyone. Kahit sinasabi kong hindi, baka mamaya kainin ko yung sinasabi ko, ‘di ba?

“So so far naman, I think, meron akong malakas na paninindigan at alam kong hindi ako masu-sway, pero let’s see,” nakangiti niyang sabi.

Sa totoong buhay, labas na siya si Althea sa TRMD, pero kung siya ang tatanungin kanino para sa kanya talaga dapat mapunta si Jade sa ending?

“Kay Althea,” mabilis niyang sagot.

“Nakikita ko yung paghihirap nilang dalawa, e. Bakit mo pipigilan si Jade na makasama ang gusto niya para lang mag-conform dun sa paniniwala ng karamihan na tama.

“Kasi feeling ko, habang-buhay niyang pagsisihan yun kahit na sabihin nating ito ang sabi ng iba na tama. At saka siguro, alam ko ang struggle nila at pinagdadaanan ng characters nila.”




WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN