#AlDub Fever: Meet the Kalye's Angels; Tinidora reveals another secret about Yaya Dub

Nabuo na naman ang JoWaPao dahil lumabas na si Jose Manalo bilang si Tinidora, ang isa pang kakambal nina Nidora (Wally Bayola) at Tidora (Paolo Ballesteros).


Lumantad na sa unang pagkakataon ang bagong dagdag na karakter sa inaabangang KalySerye ng Eat Bulaga.

Ito ay si Tinidora (Jose Manalo), ang isa pang kakambal nina Nidora (Wally Bayola) at Tidora (Paolo Ballesteros).

Bago ang paglabas ni Tinidora, ibinunyag ni Tidora na mayroon pa silang kakambal ni Nidora at ito ang tunay na ina ni Yaya Dub (Maine Mendoza).

Sa episode ngayong hapon ay dumating na nga si Tinidora, na siyempre pa ay kapareho ang suot kina Nidora at Tidora.

At gaya nina Nidora at Tidora, may dala ring bodyguards si Tinidora.

Kung ang mga pangalan ng bodyguards ni Nidora ay sina Rogelio, Rogelio, Rogelio (na naka-blue barong); at ang kay Tidora ay Bernardo, Bernardo, Bernardo (na naka-fit white shirt); ang kay Tinidora naman ay sina Quando, Quando, Quando (na naka-Barong Tagalog).

Bagamat ikinatuwa ni Nidora na nagkasama-sama silang muli ng kanyang mga kapatid ay ikinakatakot naman niya ang pagbubunyag ni Tinidora sa tunay na katauhan ni Yaya Dub.

Kaya naman panay ang utos ni Nidora kay Yaya Dub para hindi nito malaman ang katotohanan.

Ngunit isang nakakagulat na rebelasyon ang ginawa ni Tinidora sa kanyang paglantad.

Ayon kay Tinidora, hindi siya ang tunay na ina ni Yaya Dub dahil wala siyang kakayanang magbuntis.

Si Yaya Dub ay anak daw ng bunsong kapatid nina Nidora, Tidora, at Tinidora.

Ibig sabihin, hindi lang sila triplets kundi quadruplets!

Samantala, nakarating na si Alden sa Bicol para sa ikatlong hamon sa kanya ni Nidora—ang magdala ng laing at pinangat.

Ipinakita ang pagdating ni Alden sa Bicol airport at doon ay sinalubong siya ng napakaraming fans.

Kung tutuparin ni Nidora ang kanyang sinabi, papayagan nitong si Alden mismo ang magdala ng laing at pinangat sa kinaroroonan nila ni Yaya Dub bukas.

Pero kanina ay binalaan muli ni Nidora si Alden na may kakaharapin na naman itong "malalim" na hamon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



MEET THE KALYE'S ANGELS. Sa pagdating ni Jose bilang Tinidora ay nabuo muli ang trio nila nina Wally at Paolo—ang JoWaPao.

Binansagan na nga sila na "Kalye's Angels," kaya nang nagpakilala ang tatlo ay nag-pose sila tulad ng Charlie's Angels.

Umani naman ng papuri mula sa netizens ang tatlo dahil sa husay nilang magpatawa.

May ilan pa ngang nagsasabi na kahit kaunti lang ang exposure ng AlDub kanina ay nadala nang husto nina Jose, Wally, at Paolo ang episode.

May nagsabi pa ngang sina JoWaPao na raw ang mga bagong Hari ng Komedya sa Pilipinas.

At sa pagbunyag ni Tinidora na may isa pa silang kapatid, may mga humuhula nang ang gaganap nito ay walang iba kundi si Allan K.

Muli ring naging top trending topic sa Twitter ang hashtag ngayon ng AlDub: #ALDUBGettingCLOSER.

PEPsters, nagustuhan niyo ba ang episode ng KalyeSerye kanina? Gusto niyo ba na si Allan K ang gumanap na tunay na ina ni Yaya Dub?


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN