Nova Villa pleasantly surprised by Megan Young's humility: ??Very down-to-earth pa rin siya.??

IMAGE Noel Orsal

Veteran actress Nova Villa on Marimar lead star Megan Young: "Nakakatuwa naman kasi kahit na lumaki na ang name ni Megan, hindi siya nagbabago. Nandoon pa rin yung pagiging mapagkumbaba—very down to earth pa rin siya."


Mabuti na lang daw at hindi napanood at nasubaybayan ng veteran comedienne na si Nova Villa ang Mexican telenovela na Marimar ni Thalia.

Kahit daw ang unang Philippine version ng Marimar na pinagbidahan ni Marian Rivera ay hindi rin daw niya napanood.

Kaya wala raw siyang naging basehan ng kanyang pagganap bilang si Lola Cruz, ang mabait at maalagang lola ni Marimar.

Nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Tita Nova sa press launch ng Marimar noong August 17, sa GMA Annex Building, inamin niyang bago para sa kanya ang pagganap bilang Lola Cruz.

“Kaya bago ang approach ko sa role na mas gusto ko.

“Kumbaga sa bagong huling isda, fresh ang dating sa akin ng role,” sabi ni Nova.

Mas gusto nga raw ni Nova na siya ang bubuo ng anumang karakter na ginagampanan niya sa TV man o sa pelikula.

“Mas gusto ko kasi na ako ang bumubuo ng ibinibigay na character sa akin.

“Sasabihin lang nila sa akin kung ano ang description ng character at ako na ang bahalang gumawa ng kilos at pananalita niya.

“Tulad nga nitong si Lola Cruz, mapagmahal at maalaga siyang lola kay Marimar. In real life, lola talaga ako at nilalagay ko ang sarili ko sa role.

“At least, wala tayong kinokopya na character, di ba?”

 

 

 

PHYSICALLY-CHALLENGING ROLE. Sa lahat daw ng teleseryeng ginawa niya para sa GMA Network, ito raw Marimar ang masasabi niyang na-challenge siya.

“Sa edad kong ito, pinagsagwan pa ako ng bangka!” tawa niya.

“Sa totoo lang, hindi madali ang ipinagawa sa akin. But I am always up to the challenge.

“Tinatanong naman ako parati ng crew at ng director namin [Dominic Zapata] kung kaya ko ba. Kasi puwede naman daw silang kumuha ng dobol ko.

“Sabi ko naman na kaya kong gawin. Sasabihin ko naman kung pagod na tayo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos ang location namin ay parating sa may tabing-dagat.

“Maganda yung napili nilang location kahit na malayo siya.

“Pero sobra-sobra ang pag-aasikaso sa amin kasi nakakapagod din ang biyahe papunta doon.

“Worth it naman ang biyahe kasi mabilis kaming natatapos sa mga eksena dahil very professional ang lahat sa set.

“This is my seventh teleserye with GMA at four years na pala akong Kapuso.

“Walang nababago sa pag-asikaso nila sa akin.

“Kaya kahit ano pa ang ipagawa nila sa akin ay wala akong reklamo dahil alam kong aalagaan nila ako.”

 

 

 

REUNION WITH MEGAN. Naging reunion nila ng bida ng Marimar na si Megan Young ang naturang teleserye.

Nakatrabaho na ni Nova dati si Megan sa Kokey ng ABS-CBN noong 2007.

Pagbabalik-tanaw niya, “Hindi naman mahaba ang role doon ni Megan at ilang beses lang kaming nagkasama sa mga eksena. Pero lagi kaming nagkikita niyan sa set.

“Napakatahimik na bata niyang si Megan. Mahiyain pa nga pero palabati.

“Kaya iniisip ko na baka nagbago na ito kasi naging Miss World na siya, e.

“Iba na ang level niya, tapos siya pa ang bida sa Marimar.

“Aba, noong magkita kami sa set for the very first time, mabilis niya akong tinawag na ‘Tita Nova!’ Sabay yakap at halik.

"Ramdam mo na na-miss niya ako."

Sana raw ay lahat ng mga sumisikat na artista ay may ugali na tulad daw ng kay Megan na kahit may malaking pangalan na ay hindi nawawala ang magandang asal.

Patuloy niya, “Nakakatuwa naman kasi kahit na lumaki na ang name ni Megan, hindi siya nagbabago.

“Nandoon pa rin yung pagiging mapakumbaba—very down to earth pa rin siya.

“Kaya naman nabibiyayaan siya dahil yung kabaitan niya, hindi nawala.

“Alam mo naman dito sa showbiz, mabilis makapagpalaki ng ulo ng mga artista lalo na kung bigla kang sumikat.

“Marami na akong mga artistang nakatrabaho na nagbago ang pag-uugali.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Noong biglang sumikat, parang hindi ka na kilala. Ni hindi ka nga magawang mabati man lang kapag nakikita ka.

“Doon ako nalulungkot kasi hindi mo naman dapat kailangang magbago dahil sumikat ka. Hindi mo kailangan maging mayabang.

“The more na sumisikat ka, the more na dapat nagiging mapakumbaba ka.

“Mas maraming magmamahal sa 'yo at mas maraming pang biyaya na darating sa 'yo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN