Nasa ikalawang linggo na ng pag-ere ang second Pinoy remake ng Marimar.
Thankful at happy ang bida rito na si Megan Young na sa mataas agad ang naitalang ratings nito.
Napanood sa unang pagkakataon si Megan sa GMA-7 primetime series na Marimar noong Lunes, August 31.
Ang naturang episode ay nagtala ng 25.8%, base sa overnight ratings ng AGB Nielsen among Mega Manila households.
Ang Marimar ang No. 1 most-watched primetime show sa araw na iyon.
“I really appreciate na marami ang nakagusto sa mga umere ng episodes ng Marimar. Salamat sa suporta sa show namin,” pahayag niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Dahil sa magandang feedback at mataas na ratings ng Marimar, sinasabing si Megan na raw ang next biggest star ng GMA-7. Baka nga raw siya na rin ang maging bagong Kapuso Primetime Queen.
“Ayoko pong lagyan ng label,” sabay ngiti ni Megan. “Kasi po, marami pa akong dapat i-prove.
“You know, kakabalik ko lang ulit ng showbiz. Ayoko naman na lagyan agad ng gano’n.
“Huwag muna. Kasi you know, I mean… the other artists ng GMA have accomplished so much and they’re all hard workers.
“So I want to stay humble and make sure that I really prove my way to the top. Ah… malay natin.
“I mean kung gano’n ang mangyari, masaya ako. But I want to work hard first.”
CHARACTER SHIFT. Simpleng babaeng lumaki sa isla at hindi nakapag-aral ang character ni Megan na si Marimar.
Pero sa istorya, may part na biglang magta-transform ito bilang edukada at sopistikadang si Bella Aldama nang mapag-alaman na siya ang nawawalang anak ni Don Gustavo Aldama at Mia Aldama, portrayed by Zoren Legaspi and Alex Dixson, respectively.
Malaking challenge kay Megan ang nasabing shifting ng character niya from Marimar– na very warm at mapagmahal– to Bella, na maypagka-cold-hearted.
Saad ni Megan, “I think front lang niya [Bella] na cold-hearted siya. Like sa trailer nga, makikita na cold-hearted siya pero muntik na siyang bumigay nang kaharap na si Sergio [Santibanez, na ginagampanan ni Tom Rodriguez], dahil parang ina-acting nga niya na hindi siya si Marimar.
"Feeling ko, gano’n siya, dahil nasaktan siya nang sobra-sobra. Pero deep inside, nando’n pa rin ang puso niya na gustong tumulong sa mga nakapaligid sa kanya.”
WORK-LIFE BALANCE. Magsisimula na ring umere ang bagong StarStruck search, kung saan co-host si Megan kasama si Rocco Nacino.
Malapit na rin ang Miss World-Philippines 2015, at si Megan ang magmi-mentor sa susunod na magiging representative ng bansa sa Miss World pageant.
Paano kaya mapagsasabay ng Miss World 2013 ang mga responsibilidad na ito?
Saad ni Megan, “Most of my work is committed to Marimar. Kasi, we all know na it’s the biggest project of GMA, so majority of my commitment is for this.
“My tapings for StarStruck is only Fridays.”
Kumusta ang personal life niya ngayong sobrang busy siya sa work?
Sagot ni Megan, “Okay naman. Nakakasama ko pa rin ang family ko from time to time, pati mga friends ko.
“But I really don’t have much time for myself. Kasi talagang kapag wala akong taping, nagri-rehearsal kami at nagwu-workshop kami in between.
“Kasi request ko ‘yon. So I’d rather work hard and make sure na tuloy-tuloy ang trabaho ko. Than relax and… saka na lang ang relax dahil puwede naman after work.
“I mean, marami naman akong naging relaxed na [oras], di ba? Noong Miss World, nagta-travel kami. So kahit na sabihin nating trabaho ‘yon, parang bakasyon na rin siya for me.
“And I really miss working. So gusto ko, tuloy-tuloy ang trabaho every day.”