Marvin Agustin very proud to play villain to Robin Padilla


"Challenge ang maging kontrabida ng isang Robin Padilla," says Marvin Agustin about his role in Asian Treasures



Sulit ang lahat ng paghihirap ng bawat cast member at mga tao sa likod ng pinakabagong action-romance adventure ng GMA-7, ang Asian Treasures. Sa pilot episode ng Asian Treasures kagabi ay nakapagtala ito ng rating na 41.83%—isa sa pinakamataas na rating para sa pilot episode na naitala sa kasaysayan ng Philippine television.

Bukod sa mga pangunahing bida ng Asian Treasures na sina Robin Padilla at Angel Locsin, masayang-masaya rin ang main contravida rito na si Marvin Agustin. Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Marvin sa telepono kaninang umaga, January 16, upang kunan ng pahayag tungkol sa napakagandang pilot episode nila.

Hindi pa actually naipalabas ang mga eksena ni Marvin sa Asian Treasures, kung saan gumaganap siya bilang Hector—isang bomb expert na makakasagupa nina Robin at Angel. Sa kabila nito, labis pa rin ang katuwaan ni Marvin dahil simula pa lang ay tinatangkilik na ng mga manonood ang kanilang programa.

Ayon kay Marvin, ang Asian Treasures ang pinakamahirap na proyektong nagawa niya so far, considering na pang-TV lang ito at hindi pampelikula.

"Nag-training ako rito for three weeks. Actually, lahat ng kasama sa cast ay dumaan sa masusing pagsasanay. Ako, in particular, iba't ibang klaseng fight scenes at fight routines ang pinagdaanan ko," unang pahayag ni Marvin.

Ipinagmamalaki rin ni Marvin ang matitinding action scenes na ipinakita nina Robin at Angel kagabi. Impressive ang pilot episode ng Asian Treasures, kung saan nag-guest pa ang mag-asawang Cesar Montano at Sunshine Cruz.

Inamin ni Marvin na nagkaroon siya ng agam-agam noong una kung tatanggapin niya ang role niya rito bilang kontrabida. Subalit dahil sa laki ng scope ng Asian Treasures at dahil isang malaking challenge at karangalan na maging kontrabida ni Binoe, nagdesisyon ang young actor na hindi dapat palagpasin ang ganitong klase ng pagkakataon.

"Yeah, that's true. Pinag-isipan ko muna kung tatanggapin ko ang role dahil gusto ko muna sanang gumawa ng soap opera. Pero nang i-explain sa akin kung ano ang gagampanan ko, nakumbinsi agad ako kasi nga napakaganda talaga ng role ko," pagmamalaki ni Marvin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang sarap ng pakiramdam na makasama mo ang iyong idol. Iba kasi si Binoe, talagang idolo siya ng masa. So, malaking bagay ‘yon na idol mo yung binabaril at pinapasabugan mo," dagdag niya.

"Napakalaking produksiyon kasi nito, hindi lang basta nagpapasabog. Doon sa dagat nagsasabugan, mayroong speed boat chase na ang tindi talaga ng eksena. Parang iisipin mo tuloy na walang limit ang budget dito!" sunud-sunod pang sabi ni Marvin.

Ayon pa kay Marvin, naniniwala siyang panahon na para mas maging daring siya sa mga role na gagampanan niya. Hindi rin daw siya nag-aalala sa kanyang image ngayong tumatanggap na siya ng offbeat roles. Gusto raw niyang ipakita ang kanyang versatility bilang aktor.

"It's about time na gumanap na kontrabida. Hindi naman puwedeng forever bida. Hindi na rin ako matinee idol para hindi tanggapin ang project na ito. Isa akong aktor kaya kung ano man ang hinihinging role sa akin, yun ang dapat kong ibigay," seryosong paliwanag niya.

"And for a change, challenge ang maging kontrabida ng isang Robin Padilla. Robin Padilla ang counterpart ko rito. And maghintay lang sila sa role ko rito dahil napakaganda talaga," pagmamalaki pa ni Marvin.

Ang Asian Treasures ang ikatlong show ni Marvin sa GMA-7 magmula nang lumipat siya from ABS-CBN. Una niyang ginawa ang I Luv New York, na balik-tambalan nila ni Jolina Magdangal. Si Jolina rin ang ka-partner niya sa limited edition horror series na Hooo U?.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN