Lola Nidora gives Alden Richards permission to court Yaya Dub

Pinayagan na ni Lola Nidora si Alden na umakyat ng ligaw kay Yaya Dub dahil binubuksan na raw niya ang pintuan ng kanyang mansyon para sa binata. Magaganap ang unang pag-akyat ng ligaw ni Alden kay Yaya Dub sa mansion ngayong Sabado, September 29.


Pinayagan na ni Lola Nidora (Wally Bayola) si Alden Richards na umakyat ng ligaw kay Yaya Dub (Maine Mendoza).

Sa episode ng Kalyeserye ng Eat Bulaga! ngayong araw, September 24, ay binigyan ng regalo ni Lola Nidora sina Alden at Yaya Dub para sa kanilang 10th weeksary.

Pero bago ito ay nagtatampo pa rin si Yaya Dub dahil hindi nabili ni Alden ang hiniling niyang lumpia kahapon.

Kahit na anong pag-aalo at paghingi ng sorry ni Alden ay hindi pa rin maalis ang tampo ni Yaya Dub.

Pagdating nina Lola Tinidora (Jose Manalo) at Lola Tidora (Paolo Ballesteros) ay may dala-dala silang lumpia, pero ayaw pa rin ni Yaya Dub.

Ang gusto raw kasi niya ay ang lumpia galing kay Alden.

Maya-maya ay dumating ang riding-in-tandem na may dalang lumpiang sariwa, na padala ni Alden para kay Yaya Dub.

Agad-agad ay nawala ang tampo ni Yaya Dub at bumalik ang ngiti sa kanyang mga labi.

Maliban dito, may mga inihandang mensahe si Alden para kay Yaya Dub na nakasulat sa cupcakes: "I MISS YOU, FOR YOU I WILL, at ALDUB YOU."

Sagot naman ni Yaya Dub sa huling mensahe ni Alden: "MAALDEN KITA."

Dahil nagkabati na sina Alden at Yaya Dub ay sinabi ni Lola Nidora na ibibigay na niya ang kanyang sorpresa para sa 10th weeksary ng dalawa.

Inilabas ng mga Rogelio ang pitong maliliit na kahon na naglalaman din ng cupcakes na may mga nakasulat na letra sa ibabaw.

Matatandaang sa pamamagitan din ng cupcakes sinabi ni Lola Nidora na puwede nang mag-date sina Alden at Yaya Dub.

MANSYON. Pagkatapos pagpalit-palitin ang mga letra sa cupcakes ay nabuo ang salitang MANSYON.

Ipinaliwanag ni Lola Nidora kung ano ang ibig niyang sabihin sa salitang MANSYON.

Bagamat minsan nang sinira nina Alden at Yaya Dub ang kanyang tiwala, napatunayan naman ng dalawa na mapagkakatiwalaan sila pagkatapos ng maraming pagsubok na pinagdaanan nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya naman binubuksan na ni Lola Nidora ang pintuan ng kanyang mansyon para kay Alden.

Ibig sabhin, puwede nang umakyat ng ligaw si Alden kay Yaya Dub.

Sabi pa ni Lola Nidora kay Alden: "I welcome you to my mansion."

Ikinatuwa naman ito nina Alden, Yaya Dub, Lola Tidora, Lola Tinidora, at maging ang mga nasa Broadway studio.

Nakisayaw at nagtatalon din sila sa magandang balitang ito ni Lola Nidora.

Magaganap ang unang pag-akyat ng ligaw ni Alden kay Yaya Dub sa Sabado, September 26.

Sa Sabado rin ang idineklarang "National Pabebe Wave Day" ng Eat Bulaga.

At tiniyak din ni Lola Nidora na wala nang long table, plywood, mga Rogelio, at kahit na asong haharang o pipigil kina Alden at Yaya Dub.

Kaya mensahe ni Alden kay Yaya Dub: "See you Meng."

Meng ang palayaw ni Maine.

Sa gitna ng kasiyahan kanina, dahil sa magandang balita ni Lola Nidora, ay narinig at nakitang sumigaw si Yaya Dub ng "Aldennn!" nang dalawang beses.

Matatandaang nitong mga nakalipas na araw ay may narinig na tinig ng isang babae na nagsabi ng "Lola," "Alden," at "Aldub you."

Tila nakumpirma ngayong araw na kay Yaya Dub nga nanggaling ang tinig na narinig noong mga nakaraang araw.

Posibleng sa pag-akyat ng ligaw ni Alden sa Sabado ay maririnig na talaga ang tunay na boses ni Maine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN