Kalyeserye Recap: Alden Richards confesses about holding Yaya Dub's hands

Umamin si Alden kay Lola Nidora (Wally Bayola) na nahawakan niya ang kamay ni Yaya Dub noong unang pag-akyat niya ng ligaw noong Sabado, September 26.


Pagkatapos magkaroon ng sapat na lakas ng loob, sinabi na sa wakas ni Alden Richards ang gusto niyang iparating kay Lola Nidora (Wally Bayola).

Ang akala noong una ni Lola Nidora ay hihingi ulit ng date si Alden, pero sinabi nitong hindi pa pupuwede dahil ipinapa-renovate niya ngayon ang mansyon.

Sa episode ng Kalyeserye ng Eat Bulaga! ngayong araw, September 30, ay ipinagtapat ni Alden na may ginawa siya kay Yaya Dub (Maine Mendoza) na mahigpit na ipinagbawal ni Lola Nidora sa unang pag-akyat niya ng ligaw noong Sabado, September 26.

Matatandaang isa sa tatlong bilin ni Lola Nidora nang pumayag siyang dalawin ni Alden si Yaya Dub sa mansyon ay ang “no touch” o hindi sila puwedeng maghawak o magkadikit, kahit na one foot lang ang layo nila sa isa’t isa.

Pero inamin ni Alden na hindi niya sinasadyang nahawakan ang mga kamay ni Maine (ginamit ni Alden ang tunay na pangalan ni Maine) nang mabulunan ito at painumin niya ng tubig mula sa basong hawak niya.

Sa simula ay galit na galit si Lola Nidora nang malaman niyang sinira nina Alden at Yaya Dub ang kanyang tiwala.

Kaya naman panay ang hingi ng sorry ni Alden kay Lola Nidora, pati na rin si Yaya Dub na narinig muling nagsalita: “Lola, sorry na po, Lola. Patawarin niyo na po kami, Lola.”

Pagkatapos makainom ng gamot ay kumalma si Lola Nidora at pinagsabihan niya sina Alden at Yaya.

Sabi ni Lola Nidora, “Mabuti at umamin kayo sa akin.

“Mas gusto ko na nagsasabi kayo ng totoo sa akin. Ang gusto ko, maging tapat kayo sa akin.

“Sa ganyang paraan, nakikita ko na maaari kayong pagtiwalaan.”

Pero dagdag niya, “Hindi niyo natupad ang isang hiling ko.

"Kung ganun, hindi ko rin ibibigay ang premyo ko sa inyo.”

Nangako kasi si Lola Nidora na may ibibigay pa siyang regalo kina Alden at Yaya Dub kapag tinupad nila ang mga kundisyon niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung tinupad sana niyo ang sinabi kong no touch… papayagan ko na sana kayong manood ng sine at kumain sa labas na kayo lang dalawa.”

Laking panghihinayang naman nina Alden at Yaya Dub.

Patuloy ni Lola Nidora, “Nagagalit pa rin ako pero kakalmahin ko ang sarili ko.

“Nakita ko naman kasi ang katapatan ninyong dalawa. Mahalaga ‘yan sa akin kahit anong bagay…

“Nagagalit ako pero may dahilan.

“Tandaan, ang katapatan ang iyong dangal na hindi kayang bayaran.

“Naiintindihan ko na kailangang hawakan mo ang kamay ni Yaya para makainom siya nang maayos.

“Ang hindi ko lang maintindihan, nakaupo lang naman, holding hands agad-agad.

“Hawakan ang kamay dahil may dahilan.

“Hawakan ang puso kung tunay na nagmamahalan.”

Pagkatapos nito ay kumanta si Yaya Dub ng “Someday We’ll Know,” pero totoong boses na ang gamit niya.

Sabay lapit kay Lola Nidora at sinabing "Aldub you, Lola."

Pinaalala naman ni Alden na weeksary ulit nila ni Yaya Dub bukas, October 1.

At bilang regalo ni Lola Nidora sa weeksary nila, pinapatawad na raw niya sina Alden at Yaya Dub.

Nagsalita ulit si Yaya Dub at sinabi kay Alden: “May surprise ako sa ‘yo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN