Natuloy
ang story conference last Monday, July 28, para sa bagong Sine Novela ng GMA-7
na Una Kang Naging Akin. Pamamahalaan
ito ni Direk Joel Lamangan at pagbibidahan nina Maxene Magalona, Wendell Ramos,
at Angelika dela Cruz. Papalitan nito ang malapit nang matapos na Magdusa Ka nila Katrina Halili at Dennis
Trillo.
Ang pelikulang Una Kang Naging Akin ay ipinalabas noong 1991 at ang mga nagsiganap ay sina Sharon Cuneta bilang Diosa, Gabby Concepcion bilang Nick/Darwin, at Dawn Zulueta bilang Vanessa. Kasama rin sa cast sina Eddie Gutierrez as Dr. Mallari, Michael de Mesa as Eli, Patrick Guzman as Ronnie, Armida Siguion-Reyna as Doña Margarita, and the late Charito Solis as Agnes. Mula ito sa istorya ni Helen Meriz at screenplay ni Orlando Nadres, si Laurice Guillen ang nagdirek nito sa big screen. Nanalo si Dawn dito bilang best supporting actress sa FAMAS noong 1992.
Kuwento ito ni Nick na engaged kay Vanessa. Pero bago sila ikasal, naganap ang isang helicopter accident at tanging si Nick lang ang lone survivor pero nagkaroon siya ng amnesia.
Napadpad siya sa Palawan at dito niya nakilala si Dr. Mallari, isang marine biologist, na tinulungan niyang maibalik ang bag ng huli mula isang magnanakaw. Sinama siya ni Dr. Mallari sa kanilang bahay at dito niya nakilala ang anak nitong si Diosa, isang artist, at si Tita Agnes, isang matandang dalagang tiyahin. Dito nga nagkakaroon ng bagong buhay si Nick bilang si Darwin. Kung paano siya muling mahahanap ni Vanessa ang siyang itatakbo ng istorya.
Ang iba pang makakasamang artista sa naturang TV remake ay sina Gina Alajar as Agnes, Mel Martinez as Eli, and Alfred Vargas as Ronnie. Kasama rin sa cast ang ex-girlfriend ni Alfred na si LJ Reyes.
Masayang-masaya nga si Angelika dela Cruz dahil isang malaking hamon para sa kanya ang pagganap sa role ni Vanessa. Isa sa mga paborito niyang artista si Ms. Dawn Zulueta at honored siyang nabigay sa kanya ang role nito sa Una Kang Naging Akin.
"Tulad nga ng pagganap ko sa role as Via sa Babangon Ako't Dudurugin Kita, malaking challenge ito for me. Napanood ko itong movie na ito at nagandahan talaga ako. Tapos nanalo pa ng award si Dawn for this role kaya nakaka-pressure. I hope na mabigyan ko ng justice ang role na pinagkatiwala nila sa akin."
Ito rin ang follow-up project ni Maxene Magalona after ng Kamandag. Hindi nga makapaniwala ang magandang anak ni Francis Magalona na siya ang napili para sa role, na originally ay ginampanan ng Megastar.
Magandang break ulit ito for Wendell Ramos dahil second project niya ito as male lead. Matatandaang siya ang naging bida sa unang sinenovela ng GMA-7, ang Sinasamba Kita, at isa siya sa male lead sa primetime TV series na Ako Si Kim Samsoon kung saan leading lady niya si Regine Velasquez.