Ex-PBB housemate Charlon Petro works with Maine Mendoza in Eat Bulaga Lenten special

Charlon Petro, a foundling, on the actor he wants to portray him in case his life story will be featured in a drama anthology: "Kung puwede pong ako ang gumanap, siyempre malaking break po iyon sa akin. Pero kung ibang artista, siguro po yung mga kasing edad ko rin. Sa GMA po siguro, si Derrick Monasterio o kaya si Alden Richards. Kung sa ABS po, puwede po siguro si Enrique Gil."


Memorable para sa baguhang aktor na si Charlon Petro ang makatrabaho si Maine Mendoza, gayundin ang iba pang Kalyeserye stars ng Eat Bulaga! na sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros.

Nakaeksena kasi ni Charlon ang mga ito sa isang episode ng Lenten special ng Eat Bulaga! na mapapanood sa Holy Week.

Sabi ng 22-year-old newbie actor, “Nag-enjoy po ako na makatrabaho sila.

“Kahit po hindi masyadong mahaba ang role ko, e, malaking opportunity po na makasama ko sa eksena sina Yaya Dub [Maine], Jose, Wally at Paolo. Mababait po silang lahat.

“Sayang nga lang po wala si Alden [Richards].

“Bale nasa isang room po kami kasi ang role ko ay doktor po ako ni Jose.

“Lahat po kami nasa isang room, si Yaya Dub at saka yung tatlo nga po.

“Tapos ginagamot ko po si Jose. Iyon po ang exposure ko doon.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Charlon sa pocket presscon na inihanda ng kanyang management team na JAMS Artist Production, na pag-aari ng mag-asawang Jojo at Angel Flores.

Ginanap ang presscon kaninang tanghali, March 11, sa Congo Grille restaurant, sa Tomas Morato, Quezon City.

YAYA DUB. Ano ang impression ni Charlon kay Yaya Dub?

Sagot niya, “Maganda po kasi siya talaga, e, mabait, at saka makulit.

“Kahit po sikat na sikat na siya, e, very humble pa rin siya.

“Siya pa nga po ang unang bumati at kumausap sa akin, e.”

Kung mabibigyan ng pagkakataong maging third party siya sa isang project kasama sina Alden at Yaya Dub, tatanggapin niya ba ito?

Mabilis na sagot ni Charlon, “Opo naman, malaking break po iyan and it’s an honor na makatrabaho ang AlDub.

“Pero sana lang po huwag magalit ang fans nila sa akin kasi trabaho lang naman po iyon kung sakali.

“Huwag silang mag-alala kasi solid ang samahan ni Alden at saka ni Maine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sobrang makulit ni Maine at saka sobrang romantic din ni Alden. Talagang hangang-hanga ako sa kanila.

“Kaya huwag pong mag-alala ang fans nila, trabaho lang po.

“Katulad ng labas ko sa Lenten special ng Eat Bulaga, doktor lang po ako doon.”

EX-PBB HOUSEMATE. Bagamat sa Lenten special ng Eat Bulaga! sa GMA Network mapapanood si Charlon, una naman siyang nakilala at nagkaroon ng exposure sa ABS-CBN.

Naging housemate si Charlon sa Pinoy Big Brother 737 noong 2015, kung saan itinanghal na Big Winner si Miho Nishida at Teen Big Winner si Jimboy Martin.

Sa pagpasok niya sa PBB, nakilala si Charlon bilang “Soldiers’ Boy ng Pampanga” dahil lumaki siya sa pamilya ng mga sundalo.

Memorable experience daw na naging housemate siya ni Kuya.

Kuwento niya, “Siyempre thankful ako sa PBB at sa ABS-CBN, kasi ang dami kong natutunan noong nasa loob ako ng Bahay ni Kuya.

“Hindi man ako ang nanalo, puwede ko ring sabihing naging winner ako dahil sa magandang experience at nakatagpo ako ng mga bagong kaibigan sa mga co-housemates ko.

“Pag may time, nagba-bonding at lumalabas pa rin kami.”

Charlhone ang unang spelling ng pangalan niya na ginamit niya sa PBB, pero nagdesisyon daw siya at ang managers niya na gamitin ngayon ang hindi nakalilitong spelling na Charlon.

Nanghihinayang lang si Charlon na hindi siya nabigyan ng proyekto sa ABS-CBN paglabas niya ng PBB house.

Kaya malaking pasalamat ni Charlon nang papirmahin siya ng management contract nina Jojo at Angel ng JAMS Artist Production.

Sabi niya, “Masaya na ako dahil alam kong may mag-aalaga na sa akin at magkakaroon na rin ako ng mga proyekto.

“Iyon nga, nagka-project agad ako sa Lenten special ng Eat Bulaga.

“Gusto ko talagang mag-focus sa career ko at pagbutihan ang pag-arte at pagkanta ko.”

Sa ngayon, freelance daw ang status ni Charlon at puwede siyang magtrabaho kahit saang network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

COLORFUL LIFE STORY. Masasabing makulay ang buhay ni Charlon bilang isa siyang foundling, na dalawang beses inampon.

Kuwento niya, “Hindi ko na po nakilala ang biological parents ko na mga Amerikano raw.

“Dahil noong ipinanganak po ako sa Olongapo ay ibinigay na raw agad ako ng nanay ko sa naging second parents ko na mga Amerikano rin.

“Kaya lang, after two years, ibinigay po ako sa third parents ko na mga Pilipino naman.

“Doon na po ako lumaki sa Pampanga.

“Sabi po sa akin, ibinigay daw po ako sa kanila ng second dad ko dahil sinasaktan daw ako ng second mom ko.

“Suwerte naman ako dahil mababait po ang third parents ko. Lahat po ginagawa nila para sa akin.

“May anim na po silang anak noong dumating po ako kaya parang ako na yung bunso.

“Nag-abroad na po yung mga kapatid ko kaya kami na lang ni Mama yung natira sa Pampanga.

“Noong nag-aaral po ako, sinusuportahan po ako ng mga kapatid ko na nasa abroad.

“Hindi po nila ako itinuring na iba sa kanila.

“Hindi ko po naramdaman na ampon ako dahil ibinigay po nila lahat sa akin at itinuring nila akong tunay na anak at kapatid.”

Hanggang ngayon daw ay gumagawa pa rin ng paraan si Charlon para matunton ang biological parents niya, gayundin ang naging second parents niya.

Gusto niya raw gawin ito upang maging buo ang kanyang pagkatao kahit na masaya na siya ngayon sa piling ng ikatlong pamilya niya.

Kung halimbawang magkainteres sa kanyang life story alinman sa Magpakailanman ng GMA-7 o Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN, sinong aktor ang gusto niyang gumanap bilang siya?

Sagot ni Charlon, “Kung puwede pong ako ang gumanap, siyempre malaking break po iyon sa akin.

“Pero kung ibang artista, siguro po yung mga kasing edad ko rin.

“Sa GMA po siguro, si Derrick Monasterio o kaya si Alden Richards.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung sa ABS po, puwede po siguro si Enrique Gil.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN