Randy Santiago will avoid antagonizing MTRCB over sexy comedy sitcom A1 Ko Sa 'Yo



After more than 20 years ay nagbalik sa bakuran ng GMA-7 ang singer-actor-TV host na si Randy Santiago.

Ang huli programa ni Randy sa Kapuso network ay ang noontime variety show na SST (Sama-Sama Together) na nagtapos noong 1995 pa.

“After SST, kinuha akong maging co-host ni Sharon Cuneta sa The Sharon Cuneta Show. From there ginawa ko na yung ‘Sang Linggo nAPO Sila, MTB: Magandang Tanghali Bayan at marami pang shows sa ABS-CBN 2.

“Tapos pinagdirek na nila ako ng iba’t ibang shows like Aalog-Alog and Parekoy.

“My last directorial job was in TV5 yung No Harm, No Foul.

“It’s great to be back sa original na tahanan ko. GMA-7 talaga ako nagsimula at nakilala.

“Paminsan-minsan naman ay nakakapag-guest ako sa mga shows sa GMA-7.

“Actually, noong magsimula ang Wowowin ni Willie Revillame, nandito na ako kasi ako ang director niya. Pero hindi ako masyadong nagparamdam muna.

“Ngayon lang ako humarap ulit sa press conference dahil nga meron tayong comedy series na niraraket!” tawa pa ni Randy nang makapanayam namin siya sa press launch ng A1 Ko Sa ‘Yo sa GMA Network Center. Ito ay mapapanood sa GMA-7 every Thursday simula June 2.

Noong inalok kay Randy na maging director ng sex comedy series na A1 Ko Sa ‘Yo, hindi na siya nagdalawang-isip na gawin ito dahil nagandahan siya sa cast nito.

“Siyempre, ayokong pakawalan ang opportunity na madirek ko si Ms. Jaclyn Jose.

“Biruin mo ‘yon, mananalo pala siya bilang best actress sa Cannes? E, noong sinimulan namin ang taping nito, yung pagpunta pa lang nila sa Cannes ang napagkukuwentuhan namin.

“Matagal ko na kasing kilala si Jaclyn. Never pa kaming nagkatrabaho sa TV. Ngayon lang talaga kaya nakakatuwa ang mga pangyayari.

“Kaya maituturing naming blessing ang pagkapanalo niya para sa show namin,” ngiti pa ni Randy.

Promise ni Randy na hindi dapat mag-worry ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa kanilang show dahil binabantayan daw nila ang mga magiging eksena pati na ang mga dialogues.

“Gusto namin na good shot kami sa MTRCB. Kahit na PG [Parental Guidance] kami, may responsibilidad pa rin kami sa mga televiewers.

“Hindi naman malaswa o sobra-sobra sa kapilyuhan ang show namin.

“Naughty lang siya. May konting kiliti para sa iba’t ibang audience namin,” diin pa niya.

Ang kiliti na sinasabi ni Randy ay ang pagiging masyadong game ng ibang cast members sa show.

“Bilib ako sa cast namin. Game sila talaga.

“Tulad na lang ni Solenn [Heussaff], talagang nag-bikini siya. Walang tapis-tapis. Kaya sulit ang mga manonood na mga lalake sa amin.

“Sila Benjamin [Alves] at Ervic [Vijandre] naman, game din na ipakita ang mga six-pack abs nila. Kaya mga beki, matutuwa kayo!

“At siyempre, meron kaming mga comic scenes involving sina Jaclyn at Gardo [Versoza]. Matutuwa sila sa mga bedroom scenes ng dalawa. Napaka-witty ng palitan nila ng dialogues.

“Abangan din nila rito si Roi Vinzon kasi first time niyang gaganap na isang beki. Matatawa kayo sa mga kilos niya kasi parang awkward, pero bentang-benta.

“Kaya there’s something for everybody sa show naming ito.”

Bilang pagbalik-tanaw, sumikat si Randy Santiago sa noontime show na Lunch Date noong 1986.

Mga kasama pa niya sa show ay sina Chiqui Hollman-Yulo, Toni Rose Gayda at ang singer na si Keno. May grupo din si Randy na kung tawagin ay Hawi Boys kunsaan miyembro noon sina Dennis Padilla at ang musician na si Jong Cuenco.

Nabigyan ng sariling weekly primetime musical si Randy na may titulong  Shades noong 1987.

Dahil sa pagsikat noon ni Randy ay na-link siya romantically kina Kris Aquino, Pops Fernandez, at Maricel Soriano.

Kinasal si Randy sa modelong si Marilou Coronel kung kanino meron siyang tatlong anak na lalake.

Bago sumikat si Randy sa TV, naging lead vocalist siya ng Cicada Band at nagtatrabaho siya bilang assistant director ng kanyang yumaong ama, ang film director na si Pablo Santiago.

Panganay si Randy sa magkakapatid na Rowell, Reilly at Raymart Santiago.

Ang ina nila ay ang veteram actress na si Cielito Legaspi na pumanaw noong 2014.


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN