Can comedian Boobay claim Yan Ang Morning! as his biggest break so far?

Comedian Boobay (left) speaks highly of Marian Rivera's thoughtfulness: "Kahit parang hindi kami magkita, yung communication, talagang hindi niya pinuputol. Kasi may iba, bisi-bisihan, ganyan, pero siya hindi siya ganun."

 



Tinanong namin ang comedian/host na si Boobay kung ano ang pakiramdam na naging malapit siyang kaibigan ni Marian Rivera, na mahal siya at itinuturing siya bilang isa sa kanyang pinakamalapit na kaibigan.

Sabi niya, “Siyempre, pag naiisip mo na yun, nao-overwhelm ka pa rin.

“Kasi parang never ko namang naisip na, alam mo yun, na darating yung chance na ganyan, na maging ganyan kaming ka-close.

“E ayun, si Lord na siguro ang nag-ano na mag-meet kami, tapos maging mabuting magkaibigan.

“So ano, wala, nata-touch pa rin ako until now na pag naiisip ko siya na, ‘Ay, ganun siya sa akin.’

“Tine-text pa rin niya ako every now and then para mangumusta.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Boobay sa presscon ng Yan Ang Morning!, ang bagong talk show ni Marian kunsaan si Boobay ang kanyang co-host.

Ginanap ang presscon noong nakaraang Huwebes, April 28, sa 17th floor ng GMA Network Center.

Ayon kay Boobay, galanteng kaibigan daw si Marian, at isa sa mga nairegalo na nito sa kanya ay ang mamahaling sapatos na Christian Loubotin.

Natatawa niyang kuwento, “Parehas kasi kami ng size ng paa.

“Tsaka may mga iba pang mga brands, sinusuot ko naman talaga. Pampasabog!”

MARIAN'S ENDEARING TRAITS AS FRIEND. Ano ang pinakagusto niyang ugali ni Marian, bukod sa palasimba ang Primetime Queen?

Aniya, “Yung ganyan, kahit napaka-busy, nag-aano pa rin siya talaga na, may group kasi kami sa Viber.

“So every now and then, nagpaparamdam pa rin siya.

“Tapos, talagang halimbawa nung kapapanganak pa lang niya kay Zia, sine-sendan niya kami ng mga pictures, ina-update niya kaming mga friends niya.

“So kahit parang hindi kami magkita, yung communication, talagang hindi niya pinuputol.

“Kasi may iba, bisi-bisihan, ganyan, pero siya hindi siya ganun.”

Bilang bestfriends, never pa raw silang nagkatampuhan ni Marian.

Pagpuri niya, “Maintindihin siya, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Like minsan birthday ng lola niya.

“E, malapit din ako sa lola niya, e. Hindi ako nakapunta kasi may event ako.

“Sabi niya, ‘Okay lang, raket 'yan, unahin mo 'yan.”

PATIENTLY WAITING FOR BIG BREAK. Apat ang shows ni Boobay sa GMA: ang Ismol Family, Day-Off, Yan Ang Morning!, at madalas din siyang mapanood sa Eat Bulaga! pero wala pa siyang launching movie.

Saad niya, “Hindi ko po alam.

“Feeling ko naman kasi, ang naiisip ko pag ganyan, paisa-isa lang talaga, parang ganun.

“Siguro inaano ni Lord na one at a time, so kailangan maging patient ka.

“Tsaka kung darating para sa akin yun, okay lang. Kung hindi, okay din lang.”

Ang kapwa niya stand-up comedian na si Vice Ganda ay sikat na sikat rin bilang artista sa pelikula.

May pananaw din ba si Boobay na tulad ni Vice na matagal din ang hinintay, balang-araw ay sisikat rin siya bilang artista sa pelikula?

Ayon sa Kapuso comedian, “Ang ano ko, kung ibibigay sa ‘yo, ibibigay talaga sa ‘yo kahit ano’ng mangyari.

“So it’s up to you na lang kung ano ba, pag lalagyan mo ba ng hard work yung chance na ibibigay sa ’yo.

“Like this [Yan Ang Morning!], hindi ko naman in-expect na... alam mo yun, mag-co-host kay Yan, tapos daily pa, Monday to Friday. So ayun.

“If it’s for you, it’s meant to be.”

Hindi ba siya napu-frustrate na kahit medyo matagal na siya sa showbiz ay wala pa siyang solo movie?

“Hindi naman.”

Mapapanood ang Yan Ang Morning! simula Lunes, May 2, mula 10:45 to 11:30 ng umaga, sa direksyon ni Louie Ignacio.

HUMBLE BEGINNINGS. Gaanong katagal na ba siya sa showbiz?

Aniya, “Nag-start akong mag-extra 2006, yung dumadaan-daan lang.”

Kailan ba siya nakilala bilang si Boobay?

Ang tunay niyang pangalan ay Norman Balbuena.

Pagbalik-tanaw niya, “2010 yata.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi naman ako napu-frustrate kasi hindi naman ako pinapabayaan ng GMA, ng GMA News and Public Affairs.

“Kasi di ba, dun talaga ako nag-ano sa News and Public Affairs, na binigyan nila ako ng mga shows.

“Tapos ito, may dumarating na mga ganyan, so okay lang, hangga’t may trabaho.”

ROLE. Sa Yan Ang Morning! ay audience moderator siya.

Detalye niyang kuwento, “Yung role ko dito, aside from yung nagba-banter kami, siyempre nagkukuwentuhan, parang representative ako ng mga non-mothers, di ba?

“Kasi usually about mommies yung mga pag-uusapan, di ba?

“Tapos, may segment kami na parang debate-debate, so ako yung magpa-facilitate nung opinions ng mga mothers, ganyan.

“Di ba usually kasi, alam naman natin kapag mga beki, sila yung malalapit sa mga nanay.

“Kaya perfect yun na ako ang nakikipag-usap sa kanila tungkol sa opinion nila sa isang isyu about sa motherhood, sa mga nagaganap sa family.

“So gagawin nating masaya yung segment na yun, siyempre.”

HEEDING MARIAN'S ADVICE. Ano ang nakita niya kay Marian na gusto niyang tularan?

“Yung pagiging marunong niya sa buhay. Tapos, she’s always giving advice na, ‘Mag-ano ka na ng bahay!’

“Iyon ang lagi niyang inaano sa akin.

“Sabi ko, ‘Saglit lang! Kotse muna 'tsaka yung lupa muna bago bahay.’

“Iyon ang lagi niyang pinu-push sa akin na sana ako, in time, matupad ko, para maging proud naman siya sa akin,” panalangin ng komedyante.



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN