Mike Tan explains why he remains a loyal Kapuso for 12 years

Mike Tan on GMA-7 talents who transferred to rival networks: "Hindi ko rin naman sila masisisi kung bakit sila umalis kasi personal choice nila yun."



Halos tatlong taon ang lumipas bago muling naging leading man si Mike Tan sa isang drama series. Ngayon ay bida siya sa GMA-7 teleserye na The Millionaire’s Wife.

Huli siyang naging bida noong 2012 para sa Kapuso soap opera na Faithfully.

Ano ang pakiramdam na bida siyang muli sa isang teleserye?

“Hindi ko naramdaman yung, ‘Wow!’, hindi ko naramdaman na ‘Thank you!’ or… thankful lang ako na nangyari siya at na-pressure ako na kailangan kong mas galingan at mas i-portray ng maayos yung role ko.

“Kasi nakakakaba na maging leading man ulit.

“Unlike before na  ang alam ko lang support ako,  kailangan ko lang galingan, kailangan ko lang makilala yung character ko  ng husto, wala ng masyadong burden sa akin.

“Kasi I’m just there to support.

“But this time, kasama ako sa mga bida, at kailangan ko talagang suportahan si Andrea Torres dun sa pagganap niya dito sa The Millionaire’s Wife.”

Sa primetime show na ito, female lead si Andea Torres bilang si Louisa Ignacio.

Sa direksyon ni Albert Langitan, kasama rin sa show si Robert Arevalo bilang si Alfredo Vergara, Sid Lucero bilang Jared Montecillo; Ina Raymundo bilang Allison Montecillo; Rich Asuncion bilang Rio Samson at Jaclyn Jose bilang Stella Vergara-Montecillo.

Ultimate Male Survivor si Mike sa season 2 ng StarStruck.

Nakaka-anim na season na ang naturang artista-search ng GMA; ang pinakahuli nga ay ang season 6 last year kung saan ang ga nanalo ay sina Klea Pineda at Migo Adecer.

Pero sa karamihan ng mga produkto ng StarStruck ay hindi lahat ay nanatiling Kapuso.

May ilan sa mga ito na umalis na sa GMA at lumipat sa ibang istasyon, tulad na lamang ng mga kapwa winners ni Mike na sina Steven Silva, Martin Escudero, Jewel Mische at Sarah Lahbati.

Pero si Mike, sa loob ng 12 years ay nananatiling loyal Kapuso.

Ano ang masasabi niya sa mga kapwa niya produkto ng StarStruck na umalis na sa GMA?

“Tingin ko yung mga nangyaring yun, personal choice nila yun.

“Kung anuman ang masasabi ko sa kanila? Good luck dun sa pinili nilang ano. Hindi ko rin naman sila masisisi kung bakit sila umalis kasi personal choice nila yun.

“Hindi na nila nakikitaan ng… kasi mga nagtatrabaho din kami.

“Kung wala ng trabaho dun sa isang lugar, siyempre lilipat ka, di ba?”
Si Mike, bakit siya loyal Kapuso?

“May trabaho naman ako, consistent naman yung takbo at least once or twice a year may trabaho ako.

“Tsaka hindi ko pa nakikitaan ng opening para makalipat ako or lumipat ako.
“Parang so far, okay ako dito at mahal ko yung GMA, kung papaano nila ako mina-manage.

“Kuntento ako.”

Sa indie movie na Anino sa Likod Ng Buwan ay nagpaka-daring nang husto sa sexy scenes si LJ Reyes, ang ka-batch niya sa StarStruck at ex-girlfriend niya.

Hindi raw niya napanood ang pelikula kaya hindi niya alam kung gaano katapang ang mga eksenang hubaran at lovemaking nina LJ at Luis Alandy sa naturang pelikula.

Kaya ba ni Mike ang ganoong katinding mga eksena sa isang pelikula? May butt exposure at pumping scenes doon si Luis.

“Tingin ko kaya siya nanalo [ng acting award] dun, dahil sa bukod sa magaling siyang umarte , tingin ko dahil din dun sa flow nung istorya.

“So kaya rin yun ginawa ni LJ dahil maganda yung istorya nung indie movie na yun.

“At ako rin gagawin ko rin iyon kung ganun ding kaganda yung istorya.”

Kahit sobrang maseselan ang mga eksenang ipagagawa sa kanya?

“Aktor kami, kasama yun sa pag-arte!”

Kahit walang limitasyon?

“Kapag kailangan at hiningi ng script,” ang sinabi pa ni Mike bilang pagtatapos sa aming panayam.


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN