Toni Gonzaga grateful to Piolo Pascual for not allowing her to be replaced in Written In Our Stars




Sa ngayon, ang masasabing mine-maintain talaga ni Toni Gonzaga na regular program niya sa ABS-CBN ay ang Home Sweetie Home, ang sitcom na pinagbibidahan nila ni John Lloyd Cruz tuwing Sabado ng gabi.
 
Sa taping ng naturang programa sa Studio 5 ng ABS-CBN compound nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Toni kamakailan lang.  Tinanong namin siya kung ano na ang mga plano niya ngayong nasa ika-second trimester na siya ng pagbubuntis at pagkatapos niyang manganak.
 
“Actually, ang Home Sweetie Home ang may kasalanan kung bakit ako nabuntis,” natawang biro niya.
 
“Kasi, palagi nilang sinasabi sa show na next year, buntis ka na.  Ako pa yung tawad ng tawad, hanggang sa mabuntis ako, sabi nila, yes, buntis na si Julie! Kasi, dapat ganun ang plan nila, kasi magti-third year na kami. Parang hindi naman daw  normal sa mag-asawa na wala pa, unless may problem.
 
“E, gusto nila sa story, lumalaki ang family at nagde-develop ang story ng show.”
 
Napansin din daw ni Toni na ang daming milestones sa buhay niya na parang konektado sa sitcom nila.
 
Ayon dito, “First year, engaged ako.  Second year, kinasal ako. Tapos ika-third year, baby.
 
“E, noong first year, hirap na hirap ako bilang asawa, di ba?  Ang hirap talaga, hindi ko mahawakan si Lloydie, hindi ko alam ang himas, yung hagod. Palaging fake ang dating.
 
“Siyempre sa romcom naman, kilig lang ang kailangan niyo. E, dito, past na kayo ng kilig, nasa level na kayo ng comfort. Doon ako medyo hirap kasi, hindi naman ako sanay.
 
“Kaya sabi ko, hindi ko kaya yata talaga, ang hirap palang may asawa. Pero noong nagka-asawa ako, ang sabi nila, alam mo, parang sumu-swak na sa ‘yo. Kasi kahit sila, noong nag-taping ako after five months, six months na may asawa na ko, sabi nila, yung mga hawak ko, marunong ka na may asawa.”
 
Personally, katulad ng ibang cast ng Home Sweetie Home mahal din daw ni Toni ang sitcom nila at masaya siya na magta-tatlong taon na at mukhang magtatagal pa dahil palagi silang naa top rating shows ng Kapamilya network.
 
Sabi nga ni Toni, “Palagi ko ngang ikinukuwento kay Paul, sabi ko nga, part na siya ng sistema ko.  Kasi for three years, almost three years, parang nagiging—naka-program ka na for this day, si Julie ka.
 
“Kahit si Paul, alam niyang kapag Tuesday, taping kami, si John Lloyd ang asawa ko.  Kasi dati, noong nag-start pa lang kami sabi niya, ang hirap namang kumuha ng schedule sa 'yo.
 
“M-W-F si Piolo [Pascual] ang asawa mo. Kasi, taping namin for the soap. Kapag Tuesday, si John Lloyd.  Grabe naman, Thursday, Saturday, Sunday lang ako.  So  ngayon masaya siya, kasi Tuesday lang.”
 
Natutuwa rin siya sa kanyang leading man sa Home Sweetie Home dahil nararamdaman niya ang suporta nito sa pagbubuntis niya.
 
Ani Toni tungkol kay John Lloyd, “Maalaga siya.”
 
Sa isang banda, aminado si Toni na nalungkot daw talaga siya nang dahil na rin sa kalagayan niya, hindi talaga natuloy ang dapat ay primetime series niya, ang Written In Our Stars.
 
Ayon kay Toni, “Na-feel bad ako.
 
“Na-feel bad ako for the whole team kasi, first time kong ma-experience na parang feeling ko, ako yung naging cause of delay for everyone.  Siyempre, given the chance, gusto ko talagang ituloy-tuloy ang project.
 
“Kaya yun ang talagang first concern ko, more than anything else.  Sabi nga ng doctor ko, you shouldn’t feel that way, you shouldn’t feel guilty, that’s a blessing. Sabi ko, 'kaya nga po Doc, I feel bad lang kasi, may show na maghihintay, made-delay.'
 
“E, sabi naman nila, everything happens for a reason.”
 
Nagkataong may anak din daw siya sa naturang serye.
 
Kaya sabi ni Toni, “Baka pagbalik ko, mas may affiliation ako sa bata, mas maging totoo ang approach ko.”
 
Nilinaw rin namin kay Toni kung pagka-panganak niya, posibleng ituloy pa rin nila ang pagti-taping at mai-ere na ito.
 
Aniya, “Oo, nakapagsimula na kami.  Ang dami na naming nakunan. Nakuha na namin ang mga pivotal scenes.  Pilot, establishing ng story.”
 
Nabanggit din ni Piolo na ayaw rin nito na palitan pa siya at ibang aktres na lang ang magpatuloy ng karakter niya.
 
“Wow, thank you,” natuwang sabi naman ni Toni.
 
Dugtong din niya, “Akala ko nga rin, hindi na rin ako, baka papalitan na ko. Ang bait naman ni PJ, thirteen years kami bago nakapag-movie. Ganun yata kami, laging may konting delay.
 
“Yung hindi puwedeng matuloy agad.
 
“Ngayon, medyo made-delay lang kami ng ilang months.”
 
Pagkatapos manganak, balik trabaho raw siyang muli.
 
Pero sabi rin ni Toni, “Siyempre, priority ko ang baby ko. May maternity leave naman ako.  Naka-plano lahat yun kasi, naka-bangko kami ng episodes sa Home Sweetie Home.
 
“I’m just asking for the first three months na matutukan ko, yung breastfeeding, gusto kong ma-experience.”





ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN