Maricel Soriano to get Lifetime Achievement Award at 30th Star Awards for TV

IMAGE Noel Orsal



Ang Diamond Star na si Maricel Soriano ang napili ng Philippine Movie Press Club (PMPC) upang gawaran ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award para sa 30th PMPC Star Awards for Television ngayong 2016.

Gaganapin ang annual awarding ceremonies sa October 23, 2016 sa Monet Grand Ballroom ng Novotel, Araneta Center, Cubao, Quezon City.

Hindi matatawaran ang mga kontribusyong naiambag ng award-winning actress na si Maricel sa daigdig ng telebisyon sa Pilipinas magmula pa noong siya ay child star pa lamang hanggang sa maging multi-awarded actress sa pelikula.

Sino nga ba ang makakalimot sa hit children show nilang Kaluskos Musmos (1978) at sa classic, iconic Pinoy TV show na John En Marsha (mula pa noong 1973) na nagkaroon ng ilang blockbuster movie versions?

Sa larangan ng musical variety show naman, naging host rin si Maricel noong mid-80s sa I Am What I Am, Maricel Live!, at Maria, Maria at nagkaroon pa ng patok na concert sa Araneta Coliseum noong dekadang ‘yon.

Nagkaroon rin si Marya ng sariling drama anthologies na tunay namang “nagmarka” sa telebisyon (na lahat ay sa ABS-CBN umere): Maricel Regal Drama Special (1988-1992), The Maricel Drama Special (1992-1997) pati na rin ang teleseryes tulad ng Vietnam Rose (2005) at Florinda (2008).

Hindi rin malilimutan ang hit comedy series niyang Kaya Ni Mister, Kaya Ni Misis (1997-2001) at Bida Si Mister, Bida Si Misis (2002-2005).

Huli siyang nagka-teleserye sa GMA-7 para sa Ang Dalawang Mrs. Real (2014).

“Versatility” ang isa sa mga taglay ng isang Maricel Soriano sa mahigit apatnapung dekadang pagkinang ng kanyang bituin sa kamalayan ng Filipino televiewers mula noong siya’y batang paslit pa lamang--mahusay sa drama, comedy, horror, fantasy, hosting, at lalo na sa paghataw sa pagsayaw.

Ilan lamang ang mga ito sa naging matagumpay na TV shows ni Maricel na umukit na sa sensibilidad ng mga manonood sa loob ng mahabang panahon.

Dahil dito, nagkaisa ang PMPC voting members, sa pamumuno ng PMPC President na si Fernan De Guzman, na panahon na upang igawad sa aktres ang pinakamataas na karangalan ng PMPC Star Awards for Television para sa isang artistang may “remarkable achievements and contribution” sa kanyang TV career: ang Ading Fernando Lifetime Achievement Award.

Sa ikatlong dekada ng pamamahagi ng TV awards na ito ng PMPC, nagkataong ang nasabing lifetime achievement honor ay ipinangalan ng nasabing writers group sa yumaong batikang direktor na si Ading Fernando, director ng John En Marsha, kunsaan naging mainstay si Marya bilang si Shirley, isa sa mga anak ng Purungtong couple na minahal ng sambayanang Pilipino--ang mga haligi ng Philippine Comedy na sina Dolphy at Nida Blanca.

Bakit nga ba ipinangalan kay Ading Fernando ang lifetime recognition na ito?

Thirty years ago (1986), itinatag ang Star Awards for Television and at that time ay nagkasundo ang PMPC members na si Ading Fernando ang masasabing “Father of Philippine Television” sa pamamayagpag ng legendary comedy show na John En Marsha na tunay na minahal ng masang Pilipino, kung kaya’t in his honor ay idinikit ng grupo ang kanyang pangalan sa Lifetime Achievement Award na ito na ipinagkakaloob sa mga deserving na artista, director, producer sa larangan ng TV drama, comedy, hosting, etc.

Ang iba pang nabigyan ng PMPC ng lifetime honor na ito ay sina:
Pilita Corrales and Tony Quirino, Armida Siguion-Reyna, Nida Blanca and Helen Vela (posthumous awards), German Moreno, Al Quinn, Loida Viria, Dely Atay-Atayan, Sylvia Latorre, APO Hiking Society, Pepe Pimentel, ang trio nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon, Inday Badiday, Luz Valdez, Eddie Mercado, Charo Santos-Concio, Rosa Rosal, at Johnny Manahan.

Ang Star For All Seasons na si Vilma Santos ay pinarangalan nito noong 1998 at ang Superstar na si Nora Aunor ay noon namang 2001 para sa kanilang mga natatanging record sa Philippine television industry.

For the past six years, ipinagkaloob ng PMPC ang Ading Fernando Lifetime Achievement Award kina Antonio Tuviera (2010), Susan Roces (2011), Gloria Romero (2012), Kitchie Benedicto (2013), Nova Villa (2015), at Coney Reyes (2015).

Igagawad naman ang Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award kay Luchi Cruz Valdez.

Ang mga kumpirmadong hosts sa nasabing awards night ay sina Luis Manzano, Robi Domingo, Alex Gonzaga, at Jodi Sta. Maria.

As a blocktimer TV special, produced ito ng Airtime Marketing ni Ms. Tess Celestino at sa direksyon ni Bert de Leon.


(To view list of nominees, read: 2016 Star Awards for TV nominees revealed)




ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN