Thea reveals Mikoy's reaction when she got to work with Maine: "Ang daya ko raw kasi naunahan ko siya!"


Excited na kinakabahan ang pakiramdam ng GMA-7 actress na si Thea Tolentino dahil sa pagkakasama niya sa cast ng primetime teleserye na Destined To Be Yours.

Ginagampanan ni Thea ang role na Trish, ang ex-girlfriend ni Benjie (Alden Richards) na naging sanhi ng unang heartbreak nito.

Sa isang flashback ni Benjie sa teleserye, pinakitang nahuli nito si Trish na nakikipaghalikan sa ibang lalaki. Kaya simula noon ay walang sineseryosong babae si Benjie para hindi na siya masaktan muli.

Nakailang taping na si Thea para sa Destined To Be Yours at nakasama na niya pareho sa mga eksena sina Alden at Maine Mendoza na gumaganap na Sinag.

Kuwento ni Thea na magkakagulatan ang characters nila ni Alden dahil magkikita sila ng aksidente. Wala kasing naging closure sa relasyon nila noon.

“Doon magsisimula ang lahat ulit sa amin ni Benjie dahil walang opisyal na break-up sa aming dalawa.

“Ayokong magbigay pa ng details kung ano ang mangyayari pa. Abangan na lang po nila ang pagpasok ulit ni Trisha sa buhay ni Benjie.”

Natuwa si Thea dahil siya lang daw ang napili para sa role na Trish.

Pagkakataon daw niyang makatrabaho ulit si Alden na unang niyang nakasama sa napanalunan niyang reality competition search sa GMA-7 na Protege: The Battle For The Big Artista Break noong 2012.

“Noong sinabi po nila sa akin na ako ang gaganap sa role ng ex-girlfriend ni Alden sa Destined To Be Yours, natuwa ako kasi first time ko makakatrabaho si Alden sa isang teleserye.

“Nakasama ko na siya before sa isang challenge namin sa Protege. Tapos nakakasama ko rin siya before sa Party Pilipinas at sa mga regional shows ng GMA-7.

“Nagulat nga ako nang may mag-post ng isang photo namin na kuha sa isang event ng GMA-7. Mabuti pa sila may photo no’n samantalang ako wala!

“Kaya thank you sa kung sinuman ang nag-post na ‘yon at may maise-save na ako!” tawa pa ni Thea nang makapanayam namin siya sa GMA Network Center noong March 22.

Ayon pa kay Thea na hindi raw nagbabago ng ugali si Alden. Kahit na raw isang big star na ito, gano’n pa rin daw ito kabait at napaka-professional.

“Kung paano ko unang nakilala si Alden five years ago, gano’n pa rin siya. Very humble at laging naka-smile.

“Noong magkita po kami sa set ng teleserye for the first time, napaka-warm ng welcome niya. Sabi niya na relax lang ako and it will be pleasure daw to work with me.

“Sa totoo lang, ako po dapat ang magsabi no’n sa kanya, ‘di ba? Patunay lang na he’s such a down-to-earth person. Hindi siya nabago ng fame niya ngayon,” diin pa ni Thea.

Kumusta naman si Maine na katrabaho?

“Okay po si Maine. Though hindi pa kami nagkakakuwentuhan pa, masaya siya sa set. Yung ang kulit niya.

“Iba ang energy na dinadala ni Maine sa set, e. Saka very positive ang personality niya. May ready smile siya sa kahit kanino.

“Gusto ko rin siya makakuwentuhan balang araw.

“Kasi very busy din po si Maine. Tulad ng isang taping namin, after ng scene niya, mabilis siyang umalis agad kasi may event siyang pupuntahan.

“Kaya kailangan siguro timing-an mo na hindi siya masyadong busy para may time kayo magkuwentuhan.”

Hindi nga raw makikilala ni Thea si Maine bilang Sinag dahil nag-iba ito ng kanyang pangalan.

“May reason po kung bakit siya ng iba ng name niya. Surprise po iyon kaya abangan na lang po nila,” bitin na kuwento pa ni Thea.

Isa pa sa ikinatutuwa ni Thea ay ang feedback ng mga fans nila Alden at Maine na AlDub Nation sa pagpasok niya sa teleserye.

So far daw ay puro positive ang feedback sa kanya dahil magaling daw siyang kontrabida.

Hindi raw sila threatened kay Thea dahil alam nilang may boyfriend ito in real life.

“Yun po ang mga nababasa ko sa social media.

“Kaya medyo nawala ang kaba ko kasi alam ko na very protective ang AlDub Nation kina Alden at Maine bilang loveteam.

“Siguro isang beses lang ako na nakabasa ng isang negative na comment: endangered na raw ang career ko dahil magiging ka-love triangle ako nila Alden at Maine.

“Natawa na lang po ako. Kasi work lang naman po ito kaya they have nothing to worry about.

“Saka, nanggaling na nga po sa ibang fans na hindi ako threat kasi may boyfriend ako sa totoong buhay. Hindi ba, pati yun alam nila?” sabay tawa pa ni Thea.

Ano naman pala ang reaction ng boyfriend niyang si Mikoy Morales sa pagiging ka-love triangle niya sa Alden-Maine loveteam?

“Happy po siya. Isa siya sa mga nag-congratulate sa akin.

“Sabi niya na galingan ko raw dahil magagaling ang mga makakaeksena ko.

“Magkakilala naman sila ni Alden at wish din niyang makatrabaho rin si Maine. Ang daya ko raw kasi naunahan ko siya!”




ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN