Lotlot de Leon acknowledges daughter Janine Gutierrez as the better actress

IMAGE Noel Orsal

Lotlot de Leon feels proud when she hears praises for daughter Janine Gutierrez: "Siyempre, kapag napupuri ang anak ko, ang acting niya, ako ang unang tuwang-tuwa. Ako ang unang nakakaramdam ng kaligayahan, as an actress."


Espesyal daw para kay Lotlot de Leon ang Mother’s Day episode ng Magpakailanman na pinamagatang “Ang Ina Kong Abortionista.”

Kasama niya kasi rito ang anak na si Janine Gutierrez.

“Pangalawang Magpakailanman na namin ito ni Janine. Yung una, aswang kami.

“Dito naman, pareho kaming abortionist,” ang patikim na kuwento ni Lotlot sa MPK episode sa direksiyon ni Gina Alajar.

Dagdag ni Lotlot, “Siyempre, gusto ko naman talaga na makasama si Janine sa trabaho.

“Sana nga sa isang regular drama series, yung matagalan.

“Pero kung sa tingin ng GMA, e, hindi pa panahon para pagsamahin kami ni Janine in a soap opera, masaya na kami sa mga guesting.

“Tulad nga ng Magpakailanman or ng Karelasyon or once sa Dear Uge, nagkakasama kami ng anak ko.”

Nabanggit kamakailan ni Ricky Davao, ang direktor ni Janine sa Legally Blind, na “better Lotlot” daw ang turing niya kay Janine, dahil sa kakayahan nito bilang aktres.

“Dapat lang,” bulalas ni Lotlot.

“Siyempre, kapag napupuri ang anak ko—ang trabaho niya, ang acting niya—ako ang unang tuwang-tuwa.

“Ako ang unang nakakaramdam ng kaligayahan.

“Na kapag nakakarinig ako ng mga papuri kay Janine, parang ako na rin ang pinupuri.

“Kung better Lotlot siya, happy ako.

"Ibig sabihin, ginagalingan niya ang trabaho niya, minamahal niya ang trabaho niya.

“Kaya kung iyon ang bansag sa kanya, dapat lang.”

FILMFEST AWARD. Samantala, “surreal” daw para kay Lotlot ang pagwawagi niya bilang Best Supporting Actress sa 50th Houston Worldfest International Film Festival sa Houston, Texas.

Ito ay para sa pagganap niya sa indie movie na 1st Sem.

“Hindi pa rin nagsi-sink in sa akin hanggang ngayon,” bulalas ng aktres, na dumating mula sa Amerika noong May 4.

“Actually, kaya ako pumunta sa Texas, bilang suporta sa mga directors ko, sina Allan Ibañez at Michael Hemedez, dahil ang pelikula nila ang alam kong may nomination.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tumanggap ang 1st Sem at sina Allan at Michael ng Gold Remi Award sa kategoryang Theatrical Feature Film/Coming of Age sa 50th Houston Worldfest International Film Festival.

“Just like noong pumunta kami sa India last year sa All Lights India International Film Festival, suporta sa mga directors ko ang ipinunta ko sa Houston.

“Kaya nung tinawag na ang pangalan ko, na nanalo nga ako as Best Supporting Actress, hindi ako makapaniwala.

“Alam mo yung parang nabingi ako!” at tumawa ang aktres.

Bida ang role ni Lotlot sa 1st Sem bilang ina ng bidang karakter played by newbie actor Darwin Yu.

Wala rin ibang female lead ang pelikula maliban sa kanya.

Bakit Best Supporting Actress ang napagwagian niyang award?

Pagsasawalang-bahala ni Lotlot, “Noong una, aaminin ko, medyo nagulat rin ako.

“Pero ang sa akin, iyong ma-nominate man lang sa isang international film festival…

“Or sa kahit na anong award-giving body sa abroad man o dito sa Pilipinas ay isa nang malaking karangalan.

“Kaya yung manalo ako, bilang Best Actress man o Best Supporting Actress, napakalaking karangalan iyon.   

“Siguro yung mga jurors, may sarili silang pamantayan o opinyon, nirerespeto ko iyon, pinahahalagahan ko iyon.

“Kaya labis-labis ang pasasalamat ko sa award na ibinigay nila sa akin.”

Pagkauwi ng bansa noong Huwebes, kinabukasan ay nag-taping na agad si Lotlot para sa Destined To Be Yours.

Nitong Sabado, May 6, ay nag-taping si Lotlot ng “Ang Ina Kong Abortionista.”

Ipalalabas ang episode na ito ng Magpakailanman sa GMA Network ngayong Sabado, May 13.

Tampok rin dito sina Aaron Yanga, Annalyn Barro, Alyssa del Real, Joemarie Nielsen, Trisha Cabias, Dayara Shane, at Neil Ryan Sese.  


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN