Ayon kay Patricia Javier, nalilinya sa sibling rivalry ang tema ng panibagong GMA-7 teleserye na pagbibidahan nina Sanya Lopez at Thea Tolentino, ang Haplos.
Magkapatid sa ama ang papel na gagampanan ng dalawang Kapuso stars na may kanya-kanyang powers.
Ang isa ay para sa kabutihan at ang isa naman ay para sa pansariling kapakanan.
Nakagawa na rin si Patricia ng teleserye sa ABS-CBN dati—ang Doble Kara na pinagbidahan naman ni Julia Montes.
Kambal ang papel na ginampanan ng Kapamilya star at mayroon ding rivalry sa kanila.
Ayon kay Patricia, “Nakakatuwa kasi yung Doble Kara kambal, magkapatid.
“Tapos, ito naman [Haplos], dalawa ring magkapatid na... ang kaibahan naman, may powers naman ang magkapatid dito.
“Ako bilang nanay ni Angela [Sanya] ang ginagampan ko, the whole time na si Angela na naging mabait at mabuting babae, kasi inalagaan namin siyang mabuti ng asawa ko [Emilio Garcia].
“So, nagkaroon siya nang positive power.
“Ako napunta naman sa positive side.
“Dun sa kabila [Doble Kara], kontrabida naman ako.
“Ngayon, sinasabi nila na kahawig ko raw si Sanya, kaya bagay talaga kaming mag-ina.
“Talagang happy ako kasi, biruin mo, wala akong anak na babae, puro lalake.
“So, at least man lang dito sa Haplos, maramdaman ko ang pagkakaroon ng anak na babae.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Patricia sa press launch ng Haplos nitong nakaraang Martes, June 27, sa 17th floor ng GMA-7.
Naroon din sa launch ang ibang miyembro ng cast, gaya nina Rocco Nacino, Pancho Magno, Thea Tolentino, Emilio Garcia, Francine Prieto, at ang director ng teleserye na si Gil Tejada.
Nakunan na ang ibang mga eksenang magkasama nina Rocco at Sanya na napapabalitang mayroon raw romantic understanding sa isa’t isa. Itinanggi ito ng dalawa sa presscon proper.
SANYA-ROCCO LOVE TEAM. Dahil madalas kasama ni Patricia si Sanya, posibleng nakikitaan niya ng sensyales sina Sanya at Rocco para masabing nagkakaunawaan na nga ang dalawa.
Nakangiting sabi naman ni Patricia, “Alam mo, sobrang cool nilang dalawa.
“Hindi naman sila yung clingy na palaging magkahawak, yung magkadikit.
“Siyempre, we make it sure kaming lahat sa set na hindi naiilang sa kanila.
“Sobra talaga silang mag-best friend na wala kang makikitang malisya.
“Kung akbayan man siya ni Rocco, hindi yung parang nakaka-ano.
“I can say it’s a good love team itong dalawang ito.
“Ang ganda ng chemistry nila sa isa’t isa pag nakita mo talaga.
“At sa mga katrabaho ko talaga, wala kang mararamdamang... alam mo yung minsan parang medyo out of place ka, di ba?
“Pero itong grupo na 'to, feel na feel ko na parang it’s really a family."