Derrick Monasterio admits other GMA-7 stars feel envious of him

When asked if there are celebrities who feel envious of his projects, Derrick Monasterio reveals, "Meron po, nararamdaman ko at saka, inaamin naman nila, e."



Isa si Derrick sa nakasama sa special bookazine na 100 YES! Most Beautiful Stars.

Nasa kategorya siya ng Network Bets. Pero hindi siya nakarating sa event dahil nasa taping siya ng Mars.

Nararamdaman ba niyang isa na nga siya sa network bets ng GMA-7?

“Opo naman, siyempre naman po,” pag-amin ng 21-year-old actor.

“Binigyan ako ng magandang role at ito yung role na maraming may gusto, pero sa akin ibinigay. Nararamdaman ko po talaga na pinapahalagahan po talaga nila ko.”

Diretsahan naming tinanong si Derrick kung nararamdaman niyang may naiinggit sa kanya.

“Meron po, nararamdaman ko at saka, inaamin naman nila, e,” natatawang sagot niya.

Anong ginagawa niya kapag may nagsasabing naiinggit sa kanya?

“Wala po, come what may kung ano ang gawin niya sa akin. Pero siyempre, okay na hindi okay ang pakiramdam. Okay siya kasi siyempre kahit paano, yun nga, naiinggit sila sa akin kasi maganda ang role at kasama ko sa Mulawin.

“At hindi rin okay kasi, nababawasan ka ng kaibigan.”

Kaibigan niya pala ang naiinggit sa kanya...

“Hindi naman po, siyempre, nasa isang network tayo. Dapat walang ganun, di ba?”

Sa isang banda, marami ang nagsasabing nagma-mature na raw si Derrick. Kahit ang staff ng Mulawin vs. Ravena ay yun ang sinasabi tungkol sa Kapuso star.

“Dati pa naman, Tsuper Hero pa lang. Siyempre, tumatanda na tayo. Dapat nagma-mature na rin tayo.”

Paano niya nasabing nagma-mature na nga siya?

“Well siguro, nabawasan na ang laro. Nagbabasa na ko ng script palagi. Kasi dati hindi ako nagbabasa ng script,” natawang pag-amin niya.

“Ngayon binabasa ko from first to last.”

Nakilala si Derrick bilang si Tsuper Hero pero ngayon ay masaya siya dahil tinatawag na siya bilang si Almiro, ang karakter niya sa Mulawin vs. Ravena.

Aniya, “Nakakatuwa kasi ang tawag na nila sa akin Almiro. Doon sa bahay namin sa labas, kapag nakikita nila kong lumalabas, palagi nilang sinasabi na nanonood sila ng Mulawin.

“Nakakatuwa kasi, sinusubaybayan talaga nila and kung ano ang ginagawa kong show at the moment, yun ang character na tinatawag nila sa akin.”

Sa tingin ba niya ay nabura na sa tingin ng publiko ang karakter niya na si Tsuper Hero?

“Siguro sa mga bata hindi pa, pero sa mga may edad na po, Mulawin vs. Ravena na ang pinapanood nila at yun na ang tumatatak sa kanila. Nagagalit din sila kapag inaapi ako, ganun."

Pinangarap daw niyang talaga na makasama sa Mulawin vs. Ravena. Na-meet ba ang expectations niya ngayong ginagawa na niya ito?

“Sobra po,” mabilis na sagot ni Derrick.

“Hindi ko akalain na ito ang role na ibibigay nila sa akin. Pero hayun, I’m so happy rin dahil ipinagkatiwala nila sa akin ang role na ito.”

Natuwa rin si Derrick dahil nalaman niyang masaya ang GMA bosses sa halos lahat ng primetime shows ng Kapuso network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN