Roderick Paulate compares himself as a child star to Awra

IMAGE Noel Orsal


Hindi na matandaan ni Roderick Paulate kung gaano katagal na ang huling pinagsamahan nilang programa ni Carmi Martin. Kilala sina Roderick at Carmi bilang partner sa kanilang variety show na Tonight with Dick & Carmi noon.

Pero muli silang mapapanood simula ngayong Linggo sa Wansapanataym: Amazing Ving na pinagbibidahan ni Awra Briguela.

“Decade ba? Parang decade, e,” pag-alala ni Roderick kung gaano na katagal na huli silang nagkasama ni Carmi.

Ang huling programa pa raw niya sa ABS-CBN ay ang Singing Bee. Pagkatapos nito, ang Abangan ang Susunod Na Kabanata.

“Actually, very excited. Very excited kaming magkita. Una, yung concept, maganda. Tapos si Carmi kasama pa. Excited din kaming makasama si Awra kasi first time.
“Masaya and in fact, kahit gabi na kami natatapos, kuwentuhan, reminiscing, yung ganun. Tapos, nakikita namin si Awra, yung dedication niya, napag-uusapan din namin.”

Madalang na rin talaga siyang mapanood at hindi lahat ay tinatanggap niya, lalo na nang pasukin niya ang pulitika.

Ngayong pumayag siya sa Wansapanataym, for good na ba ang pagbabalik niya?

“For good? E, okay lang din naman, nagkataon lang na yung mga schedules hindi nagkaka-ayos. Pero very open ako. Noong inoffer sa amin ‘to ni Deo [Endrinal], I’m very happy.

“Ngayon ko lang din naisip habang nagtatanungan na ngayon pa lang pala ko gumanap na Tatay na comedy. Kasi, lahat ng naging Tatay ako, drama sa Maala-Ala Mo Kaya.

“And I hope, sana tuloy-tuloy na ‘to. Depende rin naman sa mga projects na ibinibigay nila. Of course, I love to do, yung mga musical like Singing Bee, namimiss ko rin yun.

“Pero dito, iba naman. Feel good show. Magkakasama kami, ang saya.”


ON AWRA. Napapanood at nakikita na raw niya si Awra. Pero ngayon lang niya ito nakasama.

Anong masasabi niya kay Awra?

“First time na maka-work si Awra. Sa set kasi, napag-uusapan namin ni Carmi at ni Direk Allan [Chanliongco] yung noon, I started sa movies, four years old lang ako.

“Magaling, magaling na bata.

“Nakikita ko lang siya sa TV at pakonti-konti lang. This time, naka-eksena ko na. And he really has a flair for comedy. At saka, may timing siya, e. Natural lang.

“Kapag magka-eksena kami, yung iba hindi na kasama sa eksena, e. Batuhan na lang. Magaling yung bata, nakaka-cope siya sa situation. Kahit medyo puyat, kaya pa rin niya. He’s very good at talagang dapat lang na tangkilikin siya.”

Millennial child actor na si Awra, pero kapag nakikita niya ito, naire-relate niya rin ang sarili noong bata pa siya?

“Una kasi, nakikita ko na very busy siya. Naaalala ko noong bata ako, di ba, sunod-sunod din ang trabaho. In fact, during my time...parang ang luma! E, during that time, gumagawa kami ng seven movies a year.

“Kunwari mag-i-start ako ng pelikula ngayon, dalawa agad, tatlo ang binubuksan namin sa Regal. Kapag nakikita ko siyang busy, sinasabi ko na ganun talaga. Kaya sinasabi ko sa kanya, pasensiya, blessing ‘yan, kailangang mag-tiyaga ka lang dito.”

Si Roderick ang gumaganap na Tatay ni Awra sa Amazing Ving.

Aniya, “Anak ko si Awra at ang ganda kasi, I’m a loving father, mapagmahal na ama. Tapos, kung titingnan mo, gusto ko yung comedy. I love doing comedy, pero gusto ko sana yung may laman.

“Eh itong ginagawa naming Wansa, kahit na nagku-comedy-fantasy ito, yung relationship namin as family, magandang mapanood ng Filipino. I’m very supportive sa anak ko. We don’t talk about gender.

“Sa aming tatlo, normal lang. Mahal ko ang asawa ko, mahal ko ang anak ko. Ayoko lang na sasaktan o ibu-bully ang anak ko. Kahit sinong Tatay, hindi papayag.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN