Marian Rivera remembers her Darna days because of Super Ma'am

IMAGE Noel Orsal (right frame)

Marian Rivera says about her new show, "Kung ano ang naging training ko noon as Darna, mas doble o triple pa yata ngayon kasi may mga bagong fight techniques tayo dito sa Super Ma'am.


Isa sa mga naging pangarap noon ni Marian Rivera-Dantes bago siya naging artista ay ang maging isang teacher.

Malaki ang paghanga ni Marian sa mga guro noong bata pa lang siya kaya naitanim na sa isipan niya na magiging isang teacher siya paglaki niya.

Pero kahit na naiba ang direksyon ng buhay ni Marian, hindi pa rin daw nawawala ang paghanga nito sa mga teachers kaya tamang-tama lang daw ang GMA-7 primetime series na Super Ma’am para sa kanya.

“Ito siguro yung isa sa mga paraan para mamulat ang mga mata nila, na ang mga teacher kailangan nirerespeto natin, pinapakinggan natin.

“At tinuturing nating pangalawang magulang natin.

“Itong Super Ma’am, para ito sa mga teacher na dedicated sa trabaho nila, at walang sawang mahalin at turuan ang mga estudyante nila,” pahayag ni Marian sa press launch ng Super Ma’am sa Le Reve Events Place.

Maganda nga raw ang kabuuan ng character ni Marian sa Super Ma’am bilang si Minerva Henerala, dahil kahit na mga pasaway ang mga estudyante niya sa school, dedicated teacher pa rin siya sa mga ito.

“Si Minerva ang tipong hindi naggi-give up.

“Passion niya kasi ang pagtuturo so lahat gagawin niya para matuto yung mga estudyante niya at hindi siya basta-basta susuko kahit na yung mga estudyante niya hindi nakikinig sa kanya.

“Hindi siya nawawalan ng pag-asa.

“Kaya hanga ako sa mga teachers natin kasi hindi madali ang magturo ng maraming bata sa isang araw. Tapos uuwi ka pero tuloy pa rin ang trabaho mo bilang teacher.

“Walang pahinga at iyon si Minerva sa Super Ma’am.”

Pero hindi raw basta-basta na simpleng guro si Minerva. Meron siyang super powers na nakuha niya nang minsang kagatin niya ang isang halimaw na kung tawagin ay Tamawo.

Dahil sa pambihirang kapangyarihan na nakuha niya, naging superhero siya ng kanilang lugar na siyang pinamumugaran ng mga Tamawo.

Hindi na bago kay Marian ang gumanap na super hero dahil gumanap na siya bilang Darna sa GMA-7 at naging si Super Inday naman siya para sa 2010 movie na Super Inday and the Golden Bibe.

“Na-miss ko din maging superhero. Na-miss ko yung mga fight scenes na ginagawa din namin.

“Sabi ko nga, parang ang daming flashback sa akin kapag nakikipag-fight scene ako.

“Siyempre, hindi ko makakalimutan yung pagiging Darna ko noon. Kung ano ang naging training ko noon as Darna, mas doble o triple pa yata ngayon kasi may mga bagong fight techniques tayo dito sa Super Ma’am.

“Ginagawang biktima kasi ng mga Tamawo rito ay ang mga bata sa school. Kaya sila ang pinoprotektahan ni Super Ma’am,” ngiti pa ng Kapuso actress.

Bago ang leading man ni Marian sa Super Ma’am at ito ay ang Fil-American model-turned-actor na si Matthias Rhoads.

Bukod daw sa pareho sila ng birthday (August 12), ikinatutuwa ni Marian na nage-effort na magsalita ng diretsong Tagalog si Matthias.

“Nose bleed kapag kinakausap namin siya!” tawa pa ni Marian.

“Pero in fairness, may effort siya na matutunan ang Tagalog.

“Mahilig siyang magtanong at makikita mo na nagta-try siya.

“Nag-post nga siya sa Instagram at ang caption niya Tagalog.

“Nakakatuwa lang kaya nag-comment ako na magaling na siyang mag-Tagalog,” pagtapos pa ni Marian Rivera-Dantes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN