Ken Chan quips, "Baka babaan ako ng GMA ng fat memo, ayokong mangyari iyon."



Pitong block screening na ang dinadaluhan ni Ken Chan para sa This Time I’ll Be Sweeter, ang pelikula nila ni Barbie Forteza.

Ang mga nabanggit na block screening ay sponsored ng mga fan clubs ni Ken.

Ang pampito ay ang grupong KENdys ang nagpa-block screening sa SM Light Mall sa Boni, EDSA.

Sa pitong beses na panonood ni Ken ng pelikula nila ni Barbie, ano ang nararamdaman niya ngayon?

“Nagtataka nga po ako, kasi everytime na pinapanood ko siya, imbes na magsawa ako, hindi ako nagsasawa, parang laging may bago akong nakikita, ewan ko.

“Sa acting ko ba, sa istorya, parang may bago akong natututunan every time, ini-enjoy ko siya kahit paulit-ulit.

“Kasi normally pag pampito, parang ano ka na, nagsasawa ka na kahit sarili mong pelikula, e. Kasi pitong beses mo nang napapanood.

“Pero ako hindi. Parang may bago akong natutunan dun sa pelikula, sa teknikal and dun sa acting namin and dun mismo sa istorya.”

Proud si Ken sa eksena niya ng breakdown sa rooftop; ganoon daw kasi siya umiyak sa tunay na buhay.

Ang huling beses raw na umiyak siya ng todo ay nang pumanaw ang Master Showman at itinuturing ni Ken na “tatay” niya na si Mr.German Moreno almost two years ago.

Noong January 8, 2015 namayapa si Kuya Germs.

Ang hindi naman raw masyadong gusto na eksena niya sa This Time I’ll Be Sweeter ay ang eksenang hubad siya at nagsu-swimming.

“Magpapa-abs ako,” ang tumatawang bulalas ng Kapuso actor. “Ang sarap kumain, e! Pero ibabalik ko po yun. Kasi baka babaan ako ng GMA ng fat memo, ayokong mangyari iyon,” at tumawa si Ken.

“Lalo na kailangan kong magpa-flat ng tiyan kasi malapit na ang Bench show.”
Rarampa si Ken sa Under The Stars show ng Bench (sa November 18 sa SM Mall of Asia Arena) pero hindi siya maghuhubad. Sa apparel endorser si Ken at hindi sa underwear line ng ng naturang clothing line.

“Kakapirma ko pa lang po last two weeks,” pahayag ni Ken bilang pagiging opisyal niyang endorser ng Bench.

Hindi raw siya nakasama sa launch ng mga bagong Bench endorsers dahil nasa Singapore siya that time.

Kapag maganda na raw ang katawan niya ay papayag siyang rumampa ng naka-underwear for Bench Body.

Samantala, aalis si Ken sa December 2 para magbakasyon ng sampung araw sa Amerika.

“Una ko po sa Maryland, nandun po kasi yung tita ko. Then Vegas, New York, Chicago kasi sa Chicago pinilit ko kasi may snow na!”

Pagbalik raw niya ay may meeting sila ng Regal Entertainment, Inc. producer na si Mother Lily Monteverde para pag-usapan ang follow-up movie niya sa This Time I’ll Be Sweeter.

“Nakakatuwa! Sana matuloy po kasi nga may bagong pelikula na akong gagawin.”

May bago na rin daw siyang soap sa 2018 sa GMA.

“May idea pa lang po.”

ON BOYS OVER FLOWERS. Kamakailan ay pumirma ng co-production deal ang GMA Network Inc. kasama ang JU Entertainment Movie and Drama Inc., isang Philippine company na may Korean counterpart, para i-produce ang Filipino version ng popular television series na Boys Over Flowers.

Ang Boys Over Flowers ay base sa Japanese manga series na Hana Yori Dango. Ito ay kuwento ng isang spunky school girl na nakatanggap ng scholarship grant para makapasok sa isang prestihiyosong paaralan. Sa kanyang pagpasok dito, mapupukaw niya ang interest ng apat na mayayaman at gwapong mga lalaki na tinatawag na F4 (short for Flower 4).

Ang nasabing series ay sumikat at nagkaroon ng sariling bersyon sa ibang bansa gaya ng Taiwan, Japan, at Korea.

Nag-audition ba si Ken para maging member ng bagong Boys Over Flowers cast na gagawin ng GMA?

“Naku ang dami nga pong nagsasabi sa akin, sabi ko hindi na dahil tapos na kami ng Meant To Be sa ganun, e.”

Apat silang lalaking bida sa Meant To Be (na tapos nang umere sa GMA): si Ken, Addy Raj, Ivan Dorschner, at Jak Roberto at solong female lead naman si Barbie Forteza.

“E, parang ang sabi naman bibigyan ng chance yung mga bago, mga bagong artista para dun sa show, deserve ng mga baguhan iyon,” sinabi pa ni Ken.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN