Paolo Ballesteros gives advice to Christian Bables: "Ikaw pa rin ang masusunod..."

IMAGE Glen Sibonga

Paolo Ballesteros (left) defends Martin del Rosario (right) who was chosen to be the new Barbs in replacement of Christian Bables. Paolo tells bashers, "Di mag-produce kayo."



Ibinigay na ni Paolo Ballesteros ang kanyang basbas kay Martin del Rosario bilang bagong Barbs.

Si Martin na ang gaganap na bagong best friend ni Trisha, na ginampanan ni Paolo sa box-office hit na Die Beautiful.

Ngayon ay magkasama sina Paolo at Martin sa Cignal Entertainment TV series na Born Beautiful, ang spinoff ng 2016 Metro Manila Film Fest entry na Die Beautiful.

Produced by The IdeaFirst Company at sa direksyon ni Jun Robles Lana, ang Born Beautiful ay iikot naman sa istorya ni Barbs habang may special participation si Paolo sa cable show bilang si Trisha.

Pinalitan ni Martin si Christian Bables, ang original Barbs sa Die Beautiful. Ayon sa official statement na inilabas ng IdeaFirst, na pinamumunuan nina Direk Jun at Direk Perci Intalan, nagpahayag si Christian at ang manager nito na hindi na nito magagawa ang Born Beautiful kaya nag-isip sina Direk Jun kung sino ang pwede nilang ipalit sa aktor. Dito na nga pumasok ang pangalan ni Martin.

Ang IdeaFirst ang nag-produce ng movie na Ang Manananggal sa Unit 23B na pinagbidahan ni Martin kasama si Ryza Cenon. Ang indie film na ito ay naging entry nila sa QCinema Film Festival noong October 2016. Nagkaroon din ito ng nationwide release nitong Agosto 2017 bilang bahagi ng Pista ng Pelikulang Pilipino.

Sa first taping day at teaser shoot ng Born Beautiful noong Nobyembre 19 sa San Juan ay masayang winelcome ni Paolo si Martin. Naka-full makeup at wig pa ang dalawa nang makausap sila ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang press.

Ano ang feeling ni Paolo na si Martin na ang bagong Barbs?

“Siyempre nagulat, nawindang. Pero siyempre kinilig,” biro ni Paolo sabay tawa nang malakas. “Kayo naman. Kinilig kasi babalik na ulit yung istorya nina Barbs at Trisha. Siyempre magsu-shoot na naman kami. Ngayon, mapapanood natin ang buhay ni Barbs.”

Kumusta naman ang unang pagkikita at tsikahan nila ni Martin?

“O, e, di ang saya! Bagong ano na naman ito, bagong best friend ng bayan, di ba? May tiwala naman ako kina Direk Jun at Direk Perci, yun nga na may tiwala rin sila kay Martin. And I think magagampanan naman ni Martin ng kung hindi man kasing ganda, mas higit pa.”

Ano ang advice niya kay Martin?

“Kay Martin, ibigay mo lang yung 100 percent. Tapos maging open sa mga kailangang gawin, pag-aralan. Tapos huwag mong intindihin yung mga sinasabi ng bashers kasi hindi naman sila ang producer.”

Ano ang mensahe niya sa bashers ni Martin?

“Kayo ang mag-produce. Ilagay niyo yung artistang gusto niyo. Ganun lang yun, e. Kasi ang hirap din para kay Martin, na parang siyempre trabaho lang naman ang gusto niya, e. Bilang artista gusto mo talagang maipakita yung galing mo, gusto mong ipakita yung talent mo. Tapos may mga taong sasabihin agad na, ‘Walang pwedeng pumalit.’ O, e, di mag-produce kayo.”

ON CHRISTIAN BABLES. Ayon kay Paolo, hindi niya raw alam ang mga kaganapan noong una at nakausap pa niya si Christian.

“Na-excite kasi ako, nakita ko yung title card ng Born Beautiful, so pinost ko ngayon tapos tinag ko pa siya [Christian]. Yun yung nag-message siya sa akin na hindi na nga raw siya. Siyempre hindi naman ako yung manager niya, hindi naman ako ang nanay niya,” biro ni Paolo.

Kumusta yung naging pag-uusap nila?

“Malungkot, kasi siyempre kami yung original, di ba? Doon kami nakilala, doon siya nakilala. Yung movie napamahal sa mga tao. But happy rin ako sa kanya kasi may mga bago siyang opportunities. And masaya rin ako for Martin na kami naman ang magkakatrabaho dito sa Born Beautiful.”

Ano naman ang sinabi niya o ibinigay na advice kay Christian?

“Sinabi ko sa kanya na, ‘Alam mo, next time i-consider mo yung kung saan ka masaya. Kasi at the end of the day, it’s still your decision. Kasi ikaw iyan, e.’

"Sinabi ko yun sa kanya bilang kaibigan, at saka bilang masyonda na [senior sa showbiz]. Kasi alam mo naman habang bata pa tayo minsan hindi natin alam kung ano yung ginagawa natin. Because we always trust our manager.

"But you know, based on my experience, you know 35 na ako, at the end of the day siyempre ikaw gagawin mo ba yung ayaw mo? Siyempre kung ano yung gusto mo, kung saan ka masaya. Ikaw pa rin ang masusunod, kung ano yung desisyon mo.”

Ano ang sabi ni Christian?

“Well, tinanggap naman niya. Pero yun na nga, it’s a done deal na, e. Nagdesisyon na sila.”

Hindi naman daw naapektuhan ng mga kaganapang ito ang pagkakaibigan nila ni Christian.

“Wala naman. Well, ako, wala. Nandito pa rin ako for him.”


Stories We Are Tracking

Christian Bables explains why he got replaced by Martin
Christian Bables explains why he got replaced by Martin
Martin to Christian Bables: Itutuloy ko lang ang laban mo.
Martin to Christian Bables: Itutuloy ko lang ang laban mo.
Martin del Rosario reacts to netizen questioning his casting
Martin del Rosario reacts to netizen questioning his casting
Christian Bables topbills Die Beautiful spin-off
Christian Bables topbills Die Beautiful spin-off




ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW





WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN