Pormal na ang pagiging Kapuso ni John Estrada matapos ganapin ang contract signing niya with GMA Network ngayong Miyerkules, May 2.
Sa pamamagitan ng social media accounts ng Kapuso network, ipinost ang ilang larawan ng 44-anyos na aktor sa kanyang contract signing, kasama ang ilang executives ng Kapuso Network.
Una nang inanusyo ang paglipat ni John sa GMA-7 noong March 27, matapos kumpirmahin ni Angel Javier-Cruz, GMA Vice President for Corporate Communications, ang impormasyon.
Noong March 25 ay nag-post ng status sa Instagram si John tungkol sa bago niyang proyekto.
Bamaga’t hindi pa kinukumpirma, may mga lumutang na balitang makakasama umano si John sa susunod na teleserye ni Alden Richards sa GMA-7, ang Mitho.
Bago lumipat sa GMA, tumagal ng maraming taon si John bilang Kapamilya star.
Ang pinakahuling teleserye niya sa ABS-CBN ay ang primetime teleserye na The Good Son, kung saan nagkaroon siya ng kontrobersiya.
Diumano ay nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ang co-star na si Mylene Dizon bago patayin ang karakter ng aktor sa teleserye.
Ilan pa sa mga huling proyekto ni John sa ABS-CBN ay ang Magpahanggang Wakas (2017), Walang Iwanan (2015), at Ikaw Lamang (2014).