Hindi halos maitago ang kaligayahan ng GMA-7 actor na si Ken Chan sa storycon pa lang ng bago niyang afternoon prime na My Special Tatay. Muli siyang pinagkatiwalaan ng GMA-7 ng panibagong teleserye kunsaan gagampanan niya ang karakter ng isang taong may intellectual disability.
“Sobrang saya po,” ang nakangiting pag-amin ni Ken.
“Siyempre, pinagkatiwalaan na naman ako ng GMA-7 ng isang role na sobrang kakaiba. Before, it was Destiny Rose, a life of a transgender. Ngayon naman, My Special Tatay, isang buhay ng may mga intellectual disabilities.”
Pinaliwanag din ni Ken ang tungkol sa mga taong ganito ang sitwasyon.
Aniya, “May iba’t-ibang klase ang intellectual disability.
“Nag-immersion ako kaya ready ako riyan. So, ipinaliwanag sa amin na may iba’t-ibang uri. May severe, moderate at mild. Yung case po ni Boyet dito sa My Special Tatay is mild. Mild intellectual disability.
“Mentally challenged people.
“Hindi baliw, hindi po sila ganun. It means, hindi naayon sa edad nila ang pag-iisip nila.”
Katulad daw ng character niya sa teleserye, late ang development ng isip niya, pero ang katawan niya, as is sa edad niyang talaga.
Nag-immersion daw siya kasama ang director nila na si L.A. Madridejos sa Independent Learning Center (ILC), doon daw niya nakita ang iba’t-ibang case ng may ganitong situwasyon.
Ayon kay Ken, “Nakisalamuha po ako sa kanila.
“Kasama ko po si Direk L.A. at mga creatives and special team ng My Special Tatay para maintindihan namin kung ano ba dapat. Kasi, napaka-sensitive na issue nito.
“At lahat ng tao, hindi pa nila masyadong maintindihan. Akala natin, isa lang ang kundisyon, marami pala.”
Dalawang beses daw siyang nag-immersion sa ILC at may mga immersion pa raw siyang gagawin bukod sa acting workshop na mga paghahanda niya sa bagong teleserye.
Masuwerte si Ken dahil ipinagkakatiwala sa kanya ng Kapuso network ang mga kakaibang karakter na nahahamon talaga ang pagiging actor niya.
Pag-amin niya, “Kinakabahan po ako kasi mahirap yung mga roles na naibibigay sa akin.
“Pero, natsa-challenge po akong talaga.
“At sa tuwing natsa-challenge ako, nandoon ang eagerness mo na galingan mo, di ba? So, pagbubutihan ko talaga rito para ma-inspire ko ang mga tao.”
Halos mapatalon daw siya sa sasakyan niya nang ibalita sa kanyang gagawin niya ang My Special Tatay.
“Sinabi po sa akin ‘to, last month lang,” sabi niya.
“Nagtatalon po ako sa kotse, sobrang na-challenge ako noong malaman ko. And kaagad-agad, nag-research ako ng mga pelikula na puwede kong mapanood.
“Pinanood ko ang Forest Gump ni Tom Hanks, I Am Sam ni Sean Penn, Miracle in Cell Number 7, ganda nun! At ang dami kong natutunan sa kanila.”
Hindi lahat ng artista nabibigyan ng oportunidad tulad ng nangyayari sa kanya.
At ramdam na ramdam nga raw niya yun bilang isang Kapuso.
“Sobrang blessed po ako,” lahad niya.
“Napaka-suwerte ko na palagi po akong nabibigyan ng Kapuso network na magkaroon ng mga teleserye at sobrang inaalagan po nila kami rito at ramdam ko po yun bilang isa sa kanilang mga actor.”
Naniniwala naman si Ken na ang naging tagumpay ng Destiny Rose ang naging daan sa kung anuman ang magagandang nangyayari sa career niya.
“Sa tingin ko po, yun po talaga ang nag-open ng opportunity sa akin para maipakita ko ang passion ko sa pag-arte.
“At ang Destiny Rose po ay mahirap isabuhay. At maganda po ang naging recall ng Destiny Rose at katulad ngayon po, palabas po siya sa Thailand.
“At siguro po, nakita ng GMA network na ipagkatiwala sa akin ang mga ganitong klase ng role. And I’m so thankful and grateful po.”
Ang dalawang leading ladies ni Ken sa My Special Tatay ay sina Isabelle de Leon at Arra San Agustin na pareho na rin daw niyang naka-trabaho sa mga nakaraang teleserye niya sa GMA.