Hindi biro ang tumagal ng tatlong dekada sa industriya, lalo na sa mga na-achieved ni Ogie Alcasid sa loob ng tatlumpung-taon. Na kung tutuusin, iilan lang silang local artists ang tumatagal ng 30 taon na matagumpay pa rin.
“Alam mo totoo, totoo ang sinasabi mo,” pagsang-ayon ni Ogie.
“Hindi ko namalayan, noong iniisa-isa ko ang mga kanta ko, sabi ko, ang dami ko na palang nagawa.
“And then, looking back, yun nga, 30 years na pala ko. Tapos nakikita ko ang anak ko, kumakanta na. Dalawa yun, e, kapanahunan na nila. Pero yung relevant ka pa, parang nakakatuwa yun.”
Bukod dito, nagkaroon pa raw siya ng mga bagong tagahanga.
“Nagkaroon ako ng mga bagong fan na mga bata. Sa You’re Face Sounds Familiar, tapos siyempre, sa Tawag ng Tanghalan [ng It's Showtime], kapag napapanood nila ang Home Sweetie Home.
“Tapos, nagkaroon din ako ng millennial fans dahil sa Cinemalaya. Na puwede pala siyang gumawa ng ganun. Well, nandoon na ang matatanda na mahilig sa music ko.”
Sa Cinemalaya 2018 ay bida si Ogie sa entry titled Kuya Wes.
Wala ba sa bokubalaryo niya ang retirement?
“Wala, siguro ano lang, sabi ko nga sa asawa ko, 'Hon, mag-ano naman tayo every three months, yung tayong dalawa lang. Mag-Balesin tayo, mag-sex tayo,'” natatawang sabi ni Ogie.
May concert tour raw silang mag-asawa ngayong October.
Hindi raw nila kasama ang mga anak at 15 days silang mawawala.
Sa kabila ng pagiging busy nilang mag-asawa, hindi naman sila nagkukulang sa isa’t-isa?
“Ako, nararamdaman ko na nagkukulang ako,” pag-amin niya.
Sa sex?
“Ah hindi,” natatawang paglilinaw ni Ogie.
“Parang kailangan namin ng more time. Kasi minsan, gabing-gabi na, nag-uusap pa rin kami. E, ako, alas-dyes lang, tulog na ko. Minsan 9:30 tulog na ko.”
ON HIS LEGACY.
Bukod sa pagiging singer/songwriter, si Ogie ay kilala rin sa pagiging actor, komedyante, at TV host.
Para sa veteran performer, ang pinakamalaking contribution niya ay sa Philippine music industry.
“It will always be my music,” saad niya.
“Diyan ako nag-ambag ng marami.
“Although, binilang ko, I made 38 films, ang dami rin pala. Although, mas consistent yung pagiging singer.”
Sa kanyang OA: Ogie Alcasid concert sa August 24 sa Araneta Coliseum, ilan sa mga una raw niyang gagawin pa lang dito
ay ang makasamang mag-perform ang tatlong anak na sina Leila, Sarah, at Nate Alcasid.
Unang beses din daw nila ni Vice Ganda na mag-perform on stage.
Special guests din niya ang mga kaibigan na sina Janno Gibbs at Michael V.
Mag-o-OJ sila ni Janno at Koreano raw sila ni Michael V kasama ang Bansot Mee character nito.
Habang sila naman ng Misis na si Regine Velasquez ay kakantahin nila ang mga kanta niya.
Special guests din sina Rey Valera, Moira, at Yeng Constantino. Ang OA concert ay sa ilalim ng direksiyon ni Paolo Valenciano.
Parang throwback na rin sa tatlumpung taon niya sa industriya ang magaganap sa concert.
“Of course,” mabilis na sagot ni Ogie.
“Kasi, ano ‘yan, e, yung journey ko sa buhay ko at saka sa career ko, kung mapapansin mo, nandun sa lahat ng kanta ko.
“So, yun yung pinaka-buod ng concert.
“Para sa akin, it’s really my way of saying thank you. Thank you, nandito pa ako.”
AFFECTED BY BILLY CRAWFORD INCIDENT.
Kung ang ibang artist, sumasagi sa isip na mag-quit, si Ogie ay hindi raw ito naisipang gawin.
Pero, may mga pagkakataon na napu-frustrate raw siya talaga.
“Maraming beses akong napu-frustrate. Lalo na kapag flop ang movie. Mahina ang kanta, hindi masyadong nag-hit. May TV show, hindi masyadong tinanggap. Umigsi yung takbo ng teleserye.
“Siyempre, napu-frustrate ka rin.”
Napa-amin din si Ogie na huling beses daw siyang na-frustrate o nagduda sa kakayahan niya ay noong 2017. Noong sa halip na siya ang makuha, mas pinili ng franchise owner ng show na mas bata sa kanya ang mag-host.
Si Billy Crawford ang napili kesa sa kanya sa 2017 ABS-CBN show na Little Big Shots.
“I guess noong last year, nag-doubt ako sa sarili ko. Kasi, may show noon na ako dapat ang host, si Billy ang napili. Naramdaman ko yun na parang hindi ako magaling.
“Pero in hindsight, hindi pala ko nilalagay ni Lord dun.”
Siya raw sana ang gusto ng ABSCBN, pero ang franchise owner, si Billy naman ang gusto.
Na-heartbroken ba siya?
“Medyo, kasi parang, hindi pala ko magaling. Pero parang, okay lang, panahon na talaga ng mga bata…. But, hindi pala ko nilalagay ni Lord doon.
“Mas gusto pala niya kong mag-Showtime at saka yung music ko, dun pala niya ko gustong ilagay, then Home Sweetie Home.”
Kahit daw ang misis niya na si Regine Velasquez, excited sana sa show na yun.
“Mas sobra siyang excited sa show na yun. So I said, 'Honey, hindi ko nakuha yung show. Sabi niya, what?!' Lungkot na lungkot siya nun, e.
“But you know, it’s good that you experience it. Mari-realize mo na hindi ka perpekto. At may mga bagay na hindi para sa ‘yo.”
Tinanong din namin si Ogie kung hanggang kailan pa niya nakikita o ilang dekada pa niya nakikita ang sarili na sumusulat ng mga kanta, umaawit at umaarte.
“Alam mo, hanggang humihinga ko,” lahad niya.
“Alam niyo nga, si Max Surban nakasama ko sa ASAP. Alam niyo, tingin ko nga 77 na siya. Sabi ko, Tito Max, kumusta ang health niyo? [Sabi niya] 'E, okay pa naman. Galing nga akong Australia, nag-gig ako.'
“Sabi ko, wala, ganyan talaga tayo, e.”
Sabi pa niya, “Si Tito Eddie [Garcia], 89.
“Hindi ako titigil,” pagdidiin ni Ogie.