Dalawang linggo na sa ere ang Victor Magtanggol ng GMA ngunit tila hindi pa rin nito napataob sa ratings ang katapat nitong FPJ’s Ang Probinsyano ng ABS-CBN na magtatatlong taon na sa ere.
Ang bida sa Victor Magtanggol ay si Alden Richards samantalang si Coco Martin naman ang bida sa Ang Probinsyano.
Sa trade launch ng kauna-unahang anime series sa bansa na Barangay 143 noong nakaraang August 8, 2018, inusisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Edu Manzano tungkol sa ratings.
Anong ang masasabi niya na hindi pa rin nagpapatinag sa ratings ang kanilang Kapamilya show?
Tugon ni Edu, “You know malaki naman yung ating merkado. Malaki naman yung ating industriya.
“Actually, magandang incentives ito para sa mga network na pagandahin pa lalo ang kanilang mga programa dahil at the end of the day nga ang magtagumpay dito ay yung mga manonood.
“So, lahat naman ng kumpetisyon is always welcome.”
Si Edu ang gumaganap na Vice President Lucas Cabrera na matinding kaaway ng bidang si Ricardo “Cardo” Dalisay.
Samantala, may patikim naman si Edu kung ano pa ang susunod na mangyayari sa Ang Probinsyano:
Kinamumuhian na ng viewers ang karakter niya sa show at ayon pa sa kanya nagsisimula pa lamang daw siya.
Sabi niya, “Ay sorry, kulang pa yan. Dadagdagan ko pa, nagsisimula pa lang si VP Lucas Cabrera."
Babalik din ngayong buwan sa teleserye ang isa pang kontrabidang si Don Emilio na ginagampanan naman ng veteran actor-director na si Eddie Garcia.
Biro pa ni Edu sa pagsasanib ng puwersa nila, “Kawawa na talaga si Cardo. Tumakbo na siya.”