Pinakamasakit sa loob ni Andrea Torres na eksena sa Victor Magtanggol ay ang pagkaputol ng buhok niya at ang pagkawala sa piling niya ni Ratatoskr.
“Naaalala ko kasi nung shinoot namin yung scene… actually nakita ko pa lang yung script medyo kinilabutan na ako, saka parang days ko ng nasa utak ko siya, kasi nga ang bigat nung eksena, e.
“Parang siyempre puputulin ko yung hair ko, tapos mawawala si Ratty, so ang bigat.
"Dalawa yung nangyari dun sa isang eksena. Tapos naaalala ko nag-tweet pa ako kasi the next day dala-dala ko pa din siya, ang sad, sad ko.
“Parang tinuweet ko lang na abangan nila yung eksena, kasi nga nafi-feel ko pa rin lahat ng na-feel ko nung shinoot ko siya.”
Ang Victor Magtanggol ay GMA-7 prime-time series na pinagbibidahan ni Alden Richards. Sa telefantasya na ito, ang kapangyarihan ng karakter ni Andrea na Diyosang si Sif ay nanggagaling sa kanyang mahabang buhok.
“Oo, sa loob, yung fact lang na yun nga, siyempre ang laking part nung book ni Sif sa kanya, e, yun yung powers niya, e, tapos siyempre si Ratty, may…kami yung inseparable.”
Si Ratatoskr naman ay ang alaga o sidekick ni Sif na isang nilalang na tila isang squirrel.
Kaya kahit raw wala sa eksena na kailangan niyang mag-breakdown ay nag-breakdown si Andrea sa sobrang sama ng loob.
Hindi raw kasi niya alam na sa kuwento ay mawawala si Ratatoskr o Ratty, na kukunin ito ng kalaban.
“Nagulat lang din ako, kasi late din nasabi sa akin e, parang hinabol siya. Surprise, ganyan.”
Sa simula pa lamang ng Victor Magtanggol ay kasama na ni Andrea si Ratatoskr.
“Oo, saka siyempre pag ganun kahit papaano ma-a-attach ka e, kahit na stuffed toy lang yun.
“Oo, kami ang magkabatuhan, e.”
Naapektuhan rin si Andrea sa eksenang pinutol ang kanyang buhok at mawawalan siya ng kapangyarihan.
“Sacrifice ko para kay Victor, para matulungan si Victor.”
Samantala, hindi man nila ganap na matalo ang kalaban nilang programa na Ang Probinsyano ay lumalaban pa rin naman sila sa ratings.
“Opo, yun naman po yung importante, e, yung… ang hirap kasi pag ginawa mong goal yung ratings, yung main goal ha, parang mapa-praning ka?
“Na yung attention mo nandun sa numbers, imbes na dun sa istorya, sa role mo.
“Happy naman kami, at least nakikita namin yung mga tweets nila, na-appreciate nila yung story, yung ginagawa namin, yun.”
Monday-Wednesday-Friday ang taping ni Andrea para sa Victor Magtanggol, in between days ay “me” time ang Kapuso actress.
“And siyempre, promo, raket.
“Me time ko unang-una gym talaga.”
Kahit pagod sa trabaho ay regular ang workout ni Andrea.
“Actually, minsan tinatamad ako pero right after kasi iyon yung gusto kong feeling, parang feeling mo may na-accomplish ka sa araw na yun.”
Bukod sa pagdyi-gym, hilig ni Andrea na, believe it or not, kumain!
“Mahilig akong kumain sa labas, malakas akong kumain, e.”
Pero napaka-sexy niya.
“Minsan nga nahihiya ako, e, nahihiya ako minsan kasi ano, siyempre depende sa taong kasama mo e, siyempre minsan mag-a-adjust ka na huwag naman masyadong grabe kumain, pero pag family ko yung kasama ko, yung talaga yung nawawala yung poise ko,” at tumawa ang aktres.
“Kaya gusto ko gym muna para ano na, out of the way na siya, hindi nakaka-guilty masyado kapag kumain ako ng marami.”