Inamin ni Alden Richards na naisip niyang kausapin ang management upang ma-extend ang Victor Magtanggol alang-alang sa mga tao na nagtatrabaho para sa kanilang programa.
Kinuha ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang reaction ni Alden hinggil sa pagtatapos ng Victor Magtanggol ngayong Biyernes, November 16.
“Siguro more on yung sadness po kasi siyempre malungkot tayo na hanggang dito na lang yung Victor Magtanggol, mas marami pa rin po akong nabaon na magagandang memories at alaala sa show na ‘to.
“Marami po akong naging kaibigan, hindi lang mga artista kundi mas naging malapit po ako talaga dun sa mga staff at crew namin, yun talaga yung isa sa mga tine-treasure ko dito sa show, kasi since ako yung nabigyan ng pagkakataon na maging bida, kumbaga parang lahat po sila dinala ko, parang inalagaan ko po lahat dito sa set.”
Ano ang reaction niya sa mga pamba-bash sa kanila dahil mababa ang ratings ng Victor Magtanggol?
“Well, aminin po natin sa ratings po talaga hindi tayo makaagapay pero hindi po kami cut short, we ran a full season, actually extended po siya.
"We were supposed to only run for 13 weeks, pero during the pilot tapings pumirma na po kami ng extension contract, so hindi po kami cut short whatsoever.”
Ano ang pinakamaganda niyang natutunan sa Victor Magtanggol?
“Siguro more than anything, yung pakikisimpatiya po’t pakikibagay sa mga tao, na dito kasi…like for example po, pag suot ko yung costume na napaka-init, na nagsu-shoot ako sa arawan, pag andun na ko sa moment na parang gusto ko ng magreklamo na parang hindi na maganda sa pakiramdam yung costume, iisipin ko na lang yung mga nagse-set up na gaffer, na walang… nasa initan, arawan, walang tent, na nagse-set up.
“Ako may aircon tent, ako meron akong upuan na nare-recline, ako may pagkain, sila wala nun, talents na kung saan-saan lang natutulog po pag hindi sila kailangan, kanya-kanyang latag, so ang daming…iyon yung isa sa mga bagay po na natutunan ko dito, na bago ako magreklamo titingin muna ako sa paligid ko kung worth it bang magreklamo.”
Naging matatag si Alden sa lahat ng pinagdaanan niya sa Victor Magtanggol, tulad na nga ng mga pamba-bash.
“Yes po, mas kinaya ko po ngayon manindigan sa mga sinasabi ko’t mga ginagawa kong desisyon, na madalas po kasi pag lagi po tayong naka-antabay at nakasubaybay dun sa mga sasabihin sa atin ng tao, wala pong mangyayari sa buhay natin, e.
“Kumbaga, if words can control you, everyone else can control you, tinuweet ko po ‘yan, na parang dapat yung true power is just observing in silence and doing things na ‘yung mga bagay na alam mong makakabuti, na alam mong wala ka namang ginagawang masama.”
Gumawa si Alden ng paraan para ma-extend ang Victor Magtanggol alang-alang sa crew at staff na mawawalan ng trabaho pero hindi na talaga kakayanin.
“Hindi na po kasi talaga kaya, kasi…
“Kinonsider ko po yun, e, actually nandun po ako, nag-plano po ako na, 'Sige, kakausapin ko na po yung mga boss.' Kasi gusto ko talaga ma-extend yung show hindi po para tumalo ng show, hindi para kumita ako, kundi para po dun sa mga tao.
“Na yung timing po kasi nung soap is November, magki-Christmas, wala po silang work, especially po yung mga crew namin, nalaman-laman ko po na rotation siya, hindi po siya kung may kumuha, kukunin sila, so in short, wala po talaga silang trabaho sa December.
“So yun po talaga yung…kaya lang po and daming factors na kinonsider, yung show po kasi na darating ready na po, tapos yung bakasyon ko din po sa family hindi ko na rin po mai-move, saka yun lang din po yung day na napaalam ko po sa GMA, last year pa po actually.”
Ang Cain At Abel nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo ang papalit sa Victor Magtanggol sa GMA simula sa Lunes, November 19.
May nais gawin si Alden pagkatapos ng Victor Magtanggol.
“After Victor Magtanggol…actually po yung indie films po, e.”
Never pa ba siyang gumawa ng indie?
“Never pa po akong…ang nag-iisang indie film ko pong nagawa is yung ano, kay Ate Guy [Nora Aunor] po na short film, not considered as indie, pero parang indie film po kasi. napapanood ko po yung mga indie films ngayon especially Cinemalaya, kagaya nung mga konsepto na si Ms. Ai [delas Alas] nananalong Best Actress, yung mga ganyan.”
Papayag ba siyang maghubad sa isang indie film?
“Hindi naman siguro sa sexy, sa material po talaga ako naka-base, pero not really into sexy.”
Para sa Cinemalaya 2018 entry na School Service, mura nang mura ang karakter ni Ai-Ai. Dahil sa role niyang ito, nanalo si Ai-Ai bilang Best Actress sa Cinemalaya this year.
Kaya bang gawin ito ni Alden: ang magmura nang mura o maglasing?
“Opo, gusto ko pong makita nila yun, dark side, kaya ko po yun.”
Meron ba siyang dark side?
“Sinusubukan ko na lang pong i-contain sa sarili ko saka sa mga taong malapit sa akin.”
Nagmumura ba siya?
“Hindi naman po natin maiiwasan yun, e.”
Pag nagagalit si Alden, ano ang ginagawa niya?
“Nananahimik na lang po ako, kasi all the more na…na-experience ko po kasi ‘yan pag sa bahay, pag may mga moments po talaga na minsan siyempre tao lang din tayo, nagagalit tayo, hindi nating naiiwasan ‘yan, yung pinagsisihan ko po after ko pong masabi, so yun na po yung iniiwasan ko ngayon, na kapag feeling ko na, ah eto yun, eto na yung feeling na may masasabi ako na hindi maganda, kesa makasakit pa po ako tapos hindi ko na po mababawi…”
Kaya ba hindi rin siya masyadong nagsasalita sa mga issue?
“Hindi po, e, opo, e.”
Nakasuntok na ba siya ng pader?
“Hindi pa naman po.”
Meron na bang offer na indie film na maipapakita niya ang dark side niya?
“Wala pa naman po. Parang after this po, magpapahinga lang po ako for a couple months, magbabakasyon po kami ng family, kasi medyo hindi po naging madali yung tapings namin dito.”
Magbabakasyon si Alden kasama ang pamilya niya sa Amerika mula December 18 hanggang bago ang December 31. Babalik siya sa bansa upang mag-participate sa New Year Countdown ng GMA-7 sa December 31.