Magsisimula na ang pagre-reformat ng ABS-CBN Sunday noontime show na ASAP. Simula ngayong Linggo, November 18, ito ay tatawaging ASAP Natin 'To!
Katapat nito ang Sunday comedy variety show ng GMA-7 na Sunday PinaSaya.
Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makausap ang Head of Production at President ng Triple A Management na si Rams David at tinanong namin siya kung may mga gagawin silang pagbabago sa SPS dahil sa pagre-reformat ng katapat nilang programa.
“Wala, walang gagawing pagbabago,” simulang pahayag niya.
“We will still continue to give funny sketches, funny gags, funny entertainment per segment every Sunday. Eight segments ‘yan every Sunday na nakakatawa with all our twenty plus hosts.
“So, it’s a full effort of all the hosts na gagawin namin kung ano ang ginagawa namin. May kantahan, may sayawan but basically, 80% of the show, comedy pa rin.
“Kung ano ang ginawa namin since 2015, siguro gagamit kami, mag-iimprove since every year, may bagong nangyayari sa mundo. Sinasabi nga nila, millennials. So may millennials' flavor.”
Ngayong Linggo, November 18, isa sa maihahandog nila sa mga patuloy na sumusuporta at nanonood ng SPS ay ang pagbabalik-tanaw nila sa mga past hits ng Kapuso network pagdating sa comedy.
“So we will pay homage,” lahad niya.
“Actually, hindi this Sunday lang. This Sunday lang namin uumpisahan and next week, we will pay homage with different sitcoms. This Sunday, we will refresh the viewers sa matagal nang show na Cafeteria Aroma.
“Parang magpapatikim kami ng konting patawa na ganung flavor. So you will see flavors from the '70s, '80s, '90s and other shows na we want to feature. Sa umpisa is Ober da Bakod.”
Usap-usapan na sa pagre-reformat ng ASAP, posible raw na lagyan na rin ito ng comedy.
Pagdating sa mga Sunday noontime shows, masasabi ba niya na ang Sunday PinaSaya ang naging trendsetter sa ganitong genre?
“To each his own,” sabi naman niya.
“Kung yun ang gusto nilang gawin, pagandahan na lang tayo.
"Kung saan sila natatawa, masaya naman dahil maraming nabibigyan ng entertainment.”
Sila naman daw kasi sa SPS, ang magpasaya talaga ang pinaka-goal nila.
“Magpasaya talaga ng televiewers here and abroad. That's our aim since we started and natutuwa kami na naa-appreciate ng mga tao. Gusto nila ang brand ng comedy namin which is, yung brand ng comedy ng Sunday PinaSaya ay sa Sunday PinaSaya mo lang makikita.”
Sinigurado niyang maraming artista na darating at mapapanood ngayong Linggo sa SPS.
Ayon kay Rams, “We invited all the Kapuso and since it’s also the grand launch of Cain at Abel. Maraming mangyayari at ngayong Sunday rin ang aming campaign for Christmas and it will run for seven weeks.
“So this Sunday, meron kaming pasasayahin na lugar. Mapapanood nila. Isu-surprise namin [sila]. This is our third year.”
Matagal na ring nangunguna sa ratings ang Sunday PinaSaya pero sa kabila nito, sinisigurado nila na hindi sila magiging kampante lang.
“Siyempre, hindi rin naman kami kailangang magpabaya," sabi ng tumatayong manager ng ilang sikat na Kapuso stars tulad nina Marian Rivera at Maine Mendoza.
“Mas matinding brainstorming.
“Siyempre, buong creative team. Lahat kami nagbo-volt-in every now and then.”