Masaya ang magkapatid na sina Rodjun Cruz at Rayver Cruz na pinag-usapan ng viewers ang two-part Magpakailanman (MPK) episodes nila na umere noong November 17 at 24.
Ito ay para sa ika-anim na anibersaryo ng drama anthology ni Mel Tiangco sa GMA-7.
Kuwento ito ng magpinsan na nakikipagsapalaran sa ibang bansa ngunit nabihag ng mga Somali pirates kung saan halos anim na taon silang nakapiit sa kampo nila.
Pinamagatan itong "Impyerno sa Dagat."
Kuwento ni Rodjun, “Thankful kami ni Rayver dahil nabigyan kami ng pagkakataon na pagsamahin sa MPK.
"Kasi siyempre iba pa rin yung feeling na magkasama kaming magkapatid.
"Kasi bukod sa love namin ang trabaho namin, iba pa rin yung feeling na katrabaho mo yung kapatid.
"So, mas maganda yung mga eksena kasi nagkakahugutan kami. Siyempre yung connection namin sa isa’t isa, mas natural yung koneksiyon namin.
"Nakakatuwa naman na madaming bumabati sa amin ng tao."
Sa ratings na inilabas ng AGB Nielsen, tinalo ng Magpakailanman (10.3%) ang ABS-CBN rival show na Maalaala Mo Kaya (9.8%) noong November 17.
Tinalo pa din ng Magpakailanman (11.7%) ang Maalaala Mo Kaya (9.7%) base sa Nielsen overnight ratings noong November 24.
Si Loisa Andalio ang bida sa November 17 episode ng MMK. Pinakita niya ang buhay ng isang babae na nakatira sa sementeryo kasama ang kanyang pamilya.
Sa November 24 episode naman ng MMK, gumanap si Kim Chiu bilang babae na na-possess ng isang evil spirit.
Base naman sa Kantar Media ratings, ang Magpakailanman ay nakakuha ng TV rating na 16.1% noong November 17. Ito ay mas mababa kumpara sa 23.4% rating na nakuha ng MMK.
Nagkalapit naman ang ratings ng dalawang drama anthology shows sa sumunod na linggo. Noong November 24, ang MMK ay nagtala ng Kantar rating na 20.7% at ang Magpakailanman ay nakakuha ng Kantar rating na 19.2%.
