TV5’s "My MVP" airs finale today, Nov 9


The Mythical Five of the reality basketball show My MVP is composed of (L-R) Leemore Boliver, Julio Magbanua, Luis Palaganas, Alwin Elinon at Robby David. The finale of this show will be aired at 6 pm tonight, November 9, on TV5.



Nagpakitang-gilas ang 12 finalists ng kauna-unahang basketball reality show ng TV5, ang My MVP (Most Valuable Pinoy), nang talunin nila ang PBA Legends sa score na 109-101 sa My MVP Finals Face-off. Ginanap ito sa New Ynares Stadium sa Shaw Blvd, Pasic City last Friday, November 7.

Ilang entertainment press kasama na ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ang inimbitahan upang saksihan ang naiibang bakbakang ito sa pagitan ng My MVP Team at PBA Legends Team.


Sa pagtatapos pa lang ng first quarter ay mahigpitan na ang labanan sa pagitan ng My MVP Team at PBA Legends Team nang mag-tie sila sa score na 22 all.

Pagdating naman ng second quarter o first half ay lumamang naman ng 2 points ang My MVP sa score na 51-49.


Tumaas pa ang lamang ng My MVP sa 5 points pagdating ng third quarter sa score na 78-73.


Pagdating ng fourth quarter ay hindi na hinayaan pang makahabol ng My MVP contestants ang PBA Legends. Sa last two seconds ay 101-91 na ang score pabor sa My MVP. Tuluy-tuloy na ang panalo ng My MVP sa final score na 109-101.

Ang naturang finals face-off ay bahagi ng pagsubok ng 12 finalists upang mapagdesisyunan kung sino ang tatanghaling kauna-unahang My MVP (Most Valuable Pinoy).


Ang My MVP Team, na trained and supervised by champion coach Norman Black, ay binubuo ng 12 finalists na sina Luis Palaganas, Robby David, Alwin Elinon, Adrian Pellejera, Raymond Montaniel, Reneboy Banzali, Galen Cacha, Julio Magbanua, Jerry Orera, James Patrick Abugan, Leemore Boliver, at Gemar Isorena.


Ang PBA Legends Team naman, na coached by Ed Cordero, ay binubuo nina Alvin Patrimonio,Vergel Meneses, Jun Limpot, Jerry Codinera, Ato Agustin, Nelson Asaytono, Ronnie Magsanoc, Rey Evangelista, Bobby Jose, Joey Sta. Maria, Gerry Esplana, at Randy Garcia.


Pangalawang paghaharap na ito ng My MVP at PBA Legends, kung saan noong unang paghaharap ay nanalo ang PBA Legends. Pero sa pangalawang pagkakataon nga ay hindi na nagpatalo pa ang My MVP.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Maganda ang ipinakita ng incredible tandem ng My MVP na sina Luis Palaganas at Robby David na kapwa nagbigay ng score na mahigit 20 points upang dalhin sa kampeonato ang kanilang team.


Pabigat naman sa My MVP ang galing ni Vergel Meneses lalo na sa first half. Pero nagkaroon ng shoulder injury si Vergel sa second half na naging dahilan upang magpahinga na siya sa bangko.


After ng finals game ay binigyan ng champion medals at certificate ang 12 finalists ng My MVP. Dito na rin in-announce ang napiling Mythical Five na ibinase ang pagpili sa kanilang pinagsamang finals game at season performances. Ang My MVP Mythical Five ay kinabibilangan nina Luis Palaganas, Robby David, Alwin Elinon, Julio Magbanua at Leemore Boliver. Isa sa kanila ang hihiranging kauna-unahang My MVP (Most Valuable Pinoy) na mapapanood sa season finale ng show mamaya, November 9, sa ganap na 6 pm sa TV5.


Nagbigay din ng special awards that night ang ilan sa sponsors ng My MVP. Itinanghal bilang Mr. Flawless si Raymond Montaniel habang Mr. BioFresh Body Award naman ang inuwi ni Reneboy Banzali.


Nahingan ng pahayag ng PEP ang isa sa Mythical Five at top scorer na si Luis Palaganas at ayon sa kanya ay malaking karangalan para sa lahat ng My MVP finalists ang makalaro sa finals game ang PBA Legends. Ano ang feeling na tinalo nila ang PBA Legends?


"Sobrang saya. Kasi noong unang encounter namin sa kanila talo kami ng five points. E, ngayon panalo na kami, kaya masaya talaga," sabi ni Luis sa PEP. "Actually, hindi lang sila ang nakalaban namin e. Sa five games namin, una celebrity, tapos PBA Legends, then Burger Kings, tapos yung Quezon team ng Liga Filipina, then last yung PBA Legends ulit. Honored kami at thankful na nakalaro namin sila lalo na yung mga iniidolo namin sa PBA. Syempre dobleng saya dahil natalo pa namin sila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


POTENTIAL PBA STARS.
Na-interview din ng PEP ang dalawa sa PBA Legends na sina Alvin Patrimonio at Ato Agustin upang hingin naman ang kanilang side.


"Unang-unang I'm so happy to be here and I'm so honored. Second, gusto kong i-congratulate ang mga finalists ng My MVP. Talagang yung heart nila buhos. Of course yung patience nila dahil ilang weeks din itong nag-run. Plus the attitude, yun naman ang importante e, nakita yung attitude nila for so long, nakita ng mga coaches. They all deserve to be here in the finals. Maybe in the future, sa mga big leagues, mapapanood natin sila," pahayag ni Alvin.

Para kina Alvin at Ato, okay lang naman daw na tinalo sila ng My MVP. Ganun daw talaga sa basketball, minsan panalo, minsan talo. Ano ang nakita nilang naging winning points ng My MVP Team at tinalo nila ang PBA Legends?


"I think yung preparation naman ang importante e. Kasi they're solid na at matagal nang magkakasama. Kami ngayon lang nagsama-sama. Wala kaming practice na magkakasama kami. Of course, they are all physically and mentally ready. The coaching staff really did a great job. Well kami in-enjoy na lang namin. Gusto rin naming manalo but talagang...siguro their destined to win this time. Nakabawi sila sa amin. Pero given the chance again, babawi kami," ani Alvin.


Sinang-ayunan din ito ni Ato at idinagdag pa na, "Nandun yung speed nila, yung will to win, at saka talagang kumpleto sila sa training. Nandun yung teamwork nila. Malalakas ang katawan nila. Talagang good job yung ginawa nila ngayon. Okay lang naman na tinalo nila kami. Kasi sa isang team kailangan talaga na magkakasama kayong nagte-training. Kami, nagkita-kita kami ngayon lang. So, they deserve to win tonight."


Sa tingin ba nila, given the chance, pwedeng pumasok sa PBA ang mga finalists ng My MVP?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Of course, malaki yung potential nila. So, hopefully mapili sila sa future draft ng PBA. They're still young, pwedeng-pwede," ayon kay Alvin.


Sabi naman ni Ato, "Yeah, pwedeng-pwede talaga. Magiging asset sila sa team na mapapasukan nila."


Mapapanood ang kabuuan ng My MVP Finals Face-off with the PBA Legends pati na rin ang awarding ceremonies ngayon, November 9, 6 pm sa TV5. Mamaya na rin malalaman kung sino ang hihiranging kauna-unahang My MVP (Most Valuable Pinoy) Champion among the 12 finalists. Ang My MVP ay hosted nina Jason Webb at Bayani Agbayani.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN