Nanlamig daw si Jo Berry nang malaman na may pisikalan sila ng co-star at prima-kontrabida na si Cherie Gil sa kanilang prime-time series na Onanay.
Ipinalabas na ang naturang eksena noong isang gabi at base sa mga komento ng netizens at manonood, tila natuwa ang mga ito sa naturang eksena. Lalo na dahil sa tangkad ni Cherie at sa maliit na taong tulad ni Jo ay nasunggaban niya ito at nasaktan.
“Nanlamig ang kamay ko,” natawang pag-amin ni Jo nang makausap namin noong January 16 sa taping ng Onanay sa New Manila, Quezon City.
Ayon pa sa GMA-7 actress, “Kasi, nabasa ko na po. Pero hindi ako sure na ipapagawa nang ganun. Kaya nung pina-practice ko, sabi ko kay Direk Gina [Alajar], gagawin ko po talaga ‘yan?
“Kaya nung ginagawa ko, ang lamig po ng kamay ko.
“Pero sabi naman ni Miss Cherie, gawin ko raw po. At game naman siya kaya ganun ang nagawa ko sa kanya, kasi sinabihan niya ko na okay lang.”
Yung panlalamig daw niya, kahit tapos na ang eksena nila, hindi nawawala.
“Before and after, kasi kabado,” saad niya.
Kahit kabado at nanlalamig sa ginawang pagsugod at pagsabunot kay Cherie Gil, itinuturing naman ni Jo na isang malaking pribilehiyo sa kanya ang masaktan ang aktres.
“Privilege yun, e, si Miss Cherie yun,” lahad niya.
Masaya si Jo at talagang hindi inakalang hanggang ngayon ay nasa ere pa rin ang Onanay at isa sa itinuturing na top-raters sa primetime ng GMA-7.
“Masayang-masaya po at hindi ko akalain na aabot ng ganito kahaba.
“Nagugustuhan ng mga tao and thankful po akong talaga,” saad niya.
Tanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jo, nagkaroon ba siya ng “pride” sa sarili na nakaya niyang magdala at magpa-rate ng isang primetime teleserye?
“Pride? Hindi po pride, e,” tangggi niya.
“Wala pa rin po yung—kapag sinasabi nila na sikat, ganun. Happy lang kasi happy po talaga ko sa ginagawa ko.”
Aminado rin naman si Jo na ibang-iba rin ang naging pagdiriwang niya ng Pasko at Bagong Taon.
Sa pagkakataong ito, naramdaman daw niya na may naging malaki siyang partisipasyon.
“With family po, na-enjoy ko sila kasi, hindi ko na sila palaging nakakasama. Isa po ito sa masaya kasi, isa po ito sa taon na kasali ako sa nag-provide ng handa ng New Year.
“Sinabi ko sa parents ko at masaya po ako kasi, nakasali ako sa ambagan sa handaan. Kasi, kahit ngayon naman po, hindi po ako binibigyan ng toka.
“Bahala na po kami.
“Pero siyempre, gusto ko naman pong mag-share.”
NEW PROJECT
Tuloy-tuloy na talaga ang pagiging artista ni Jo dahil bukod sa Onanay, may pelikula rin siyang gagawin in the future.
Aniya, “Grateful po. Grateful ako noong una sa Onanay pa lang. Ngayon, doble na, triple na. From teleserye, may movie na agad.”
Nagpapasalamat din daw siya dahil halos lahat ng co-stars niya, madalas ay nakaalalay sa kanya.
“Ang suwerte ko nga po, kahit mga guest lang, palagi pong nag-a-adjust sila for me. In a way na ako nga po ang pinakabago lang, palagi silang nakaalalay.
“Isa po yun sa pinagte-thank you ko bago ako matulog. Kasi, alam ko naman po na hindi ganun lagi. At para sa akin na bago sa showbiz and differently abled person, sobrang big deal nun na nirerespeto ka ng mga tao sa paligid mo. Na tinutulungan ka nila kasi bago ka run sa craft.”
Kumpara dati, ngayon daw, kapag nagkakaroon siya ng oras na makapunta ng mall, talagang halos karamihan na ay lumalapit sa kanya at nagpapa-picture.
“Palagi na pong nakikilala, excited sila. Ang tawag nila sa akin, Onay. Minsan naman, sa name ko rin, Jo Berry.”