Natawa na lang ang GMA-7 star na si Manolo Pedrosa dahil nalilinya siya sa karakter na mayaman at may pagka-mayabang, mula sa unang teleserye niya na Pamilya Roces hanggang sa bagong afternoon serye niyang Inagaw na Bituin.
“Feeling ko, mas mayabang dito,” natatawang sabi ni Manolo nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.
“Siyempre, yun nga, mas ipapakita na... medyo mahirap yung character ni Kyline, so ipapakita yung difference.”
Nagkasama na sila ni Kyline sa Daig Kayo ng Lola Ko, si Therese Malvar naman, ngayon pa lang daw niya makakatrabaho.
Ano ang naging impression niya kay Therese?
“Very friendly and feel ko, very open din siya. And I think, magiging comfortable rin po kami gaya ni Kyline,” saad niya.
Natupad ang wish niya nang pumasok sa GMA na makapareha ang ilan sa young actresses ng Kapuso Network.
Isa si Kyline sa binanggit niya noon at ngayon nga, sila na ang ipinareha sa isa’t isa.
“I’m really grateful and si Kyline rin po, kasi wala siyang wall kaya I easily got comfortable with her.
“I also like her professionalism. Very professional and mature for her age.”
Leading man na si Manolo ngayon sa ikalawang teleserye niya sa Kapuso Network.
“I’m very happy na after Pamilya Roces, nabigyan ako ng role na ganito and with Kyline pa na kumportable na nga po ako dahil nakatrabaho ko na siya sa Daig Kayo ng Lola Ko.”
Nararamdaman daw ni Manolo ang pag-aalaga sa kanya ng Kapuso Network.
“Sobra,” mabilis niyang sagot.
“After signing, nabigyan na ako agad ng maraming trabaho. Tuloy-tuloy po ang trabaho and ramdam mo po talaga ang warm welcome nila.”
Alam namin na pinag-isipan ding mabuti ni Manolo ang pagbabalik-showbiz niya.
Sabi niya, “Very lucky po kasi, kahit na nawala ako ng dalawang taon, marami pa rin po ang sumusuporta sa akin.”
Nagkaroon siya noon ng injury sa kanyang likod kaya kinailangan ni Manolo na tumigil pansamantala sa showbiz.
Yun nga lang, pagbabalik niya ay isa na siyang Kapuso sa halip na Kapamilya pa rin. May kasabihan na “it pays to be loyal.”
Sa part niya, mas marami ba siyang oportunidad ngayong Kapuso na siya?
“Hindi naman po, I wouldn’t say naman na hindi po ako loyal. It’s no one’s fault naman na na-injure po ako.
“Nag-decide lang po ako na when I went back to showbiz, it’s GMA. It’s not naman po of being loyal or not.”
Isa si Manolo sa mga huling nakumpirmang cast ng Inagaw Na Bituin na nag-pilot episode na nitong Lunes, February 11.
Nag-audition pa raw siya at pinalad namang makapasa.
Nakapag-taping na ang ilan sa cast, lalo na ang mga kilalang teen stars noong '90s na sina Angelu de Leon, Angelika dela Cruz, Marvin Agustin, Gabby Eigenmann, at Sunshine Dizon bago pa siya nakapag-taping.
Aminado si Manolo na may kaba siyang nararamdaman dahil makaka-eksena niya ang mga kilalang mahuhusay na aktor at aktres ngayon ng GMA.
“Kinakabahan po talaga ko kaya I need to work harder. Nagpapasalamat naman po ako na binibigyan ako ng workshops ng GMA Artist Center para kahit paano po, makasabay rin po.”
Kahit naman daw Kapuso na siya, may komunikasyon pa rin daw siya sa mga naging kaibigan at ka-batch niya noon sa Pinoy Big Brother tulad nina Maris, Loisa Andalio, Joshua Garcia at iba pa.
“May group chat po kami,” sabi niya.
“Pero yun lang, dahil lahat po kami ay busy, hindi na po kami nagkikita nang personal, through group chat lang.”
Diretsong tinanong namin si Manolo kung wala siyang panghihinayang sa dalawang taon na nagpahinga siya kapag nakikita niya ang estado ng kanyang batchmates ngayon.
“Wala naman po, hindi naman po ako isang insecure na tao, I’m happy for them. And I see na happy rin po sila sa akin.”