Balik sa pagiging leading man si Dion Ignacio pagkatapos ng ilang teleserye kunsaan support lang siya o paminsan-minsan ay gumaganap bilang kontrabida.
Sila ni Yasmien Kurdi ang bida ngayon sa bagong Kapuso serye na Hiram na Anak.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dion sa media conference ng Hiram na Anak sa GMA Network Center kamakailan.
Lahad niya, “Never naman akong naging mapili sa roles na binibigay sa akin.
“Ang importante ay lagi tayong may trabaho.
“Halos lahat ng roles nagawa ko na, e...
“Best friend, bayaw, barkada ng bida, mamamatay-tao, selosong boyfriend, member ng sindikato, taong ibon, pulis, at kung anu-ano pa.
“Natuwa naman ako na muli akong ginawang leading man sa Hiram na Anak at si Yasmien Kurdi pa ang naka-partner ko ulit after so many years.”
REUNITING WITH YASMIEN ONSCREEN
Eleven years din daw ang nagdaan bago ulit sila nagkasama ni Yasmien Kurdi sa isang teleserye.
“2008 pa kami huling nagsama sa teleserye na Saan Darating Ang Umaga?
“Si Direk Maryo J. delos Reyes pa ang direktor namin.
“That time, pareho pa kaming mga teenagers ni Yasmien. Mga baguhan pa talaga.
“Ngayon matured na kami at may sarili na kaming pamilya.
“Unforgettable sa akin yung teleserye na Saan Darating Ang Umaga? kasi pinatakbo ako ni Direk Maryo na naka-underwear lang pero may gitara na nakatakip sa harapan ko.
“Basta ginawa ko na lang yung eksena na walang tanung-tanong kasi may tiwala kami kay Direk Maryo.
“Na-miss ko kay Yasmien kung pagiging iyakin niya.
“Mabilis siyang umiyak talaga. Mahirap makipagsabayan sa kanya sa iyakan!" tawa pa niya.
Hindi pa rin daw nawawala ang husay ni Yasmien sa mga mabibigat na eksena nila.
“Madadala ka ni Yasmien sa mga eksena ninyo. Ang galing kasi niya talaga.
“Kaya nung pinagsama ulit kami sa isang teleserye, sabi ko mapapraktis na ang pag-iyak ko kasi ang tagal kong hindi nakapag-drama dahil puro kontrabida ako dati.
“Ngayon lang ulit ako iiyak ng husto sa teleserye,” pagtatapos ni Dion.