Ang comedy bar host na si Mitch Montecarlo Suansane ang kinoronahan bilang Miss Q and A InterTALAKtic 2019 ng It’s Showtime.
Ang grand finals ng ABS-CBN noontime show segment ay ginanap sa Araneta Coliseum kahapon, February 23.
Umpisa pa lang ng labanan ay isa na sa mga paboritong kandidata ang comedy bar host sa grand finals ng “Miss Q and A Intergalactic 2019: The Final Chukchak...Vaklang Twooo!”
Kaya naman nakasama agad na ang pangalan ni Mitch sa Top Ten finalists kabilang ang iba pang kandidata na sina Chad, Czedy, Kwancky, Anne, Ayesha, Asia, Patricia, Angel, at Brain Damage.
Pagkatapos ng announcement ng Top Ten ay nagsimula na ang unang round ng labanan, ang BalakahJudge. Umani ng mataas na puntos ang sagot ni Mitch sa tanong ng isa sa mga hurado at host ng show na si Karylle na nagbigay-daan sa kanya para makapasok sa Top Six.
Bukod kay Mitch, nakapasok din bilang finalist sa Top Six sina Brain Damage, Anne Lorenzo, Ayesah Lopez, Chad Kinis, at si Czedy Rodriguez, ang nagiisang Hall of Famer sa 2019 Miss Q and A.
Naglaban-laban naman ang anim na kandidata para sa second round ng kompetisyon, ang DeBATTLE!
Ang unang nagharap para sa DeBATTLE ay si Anne at Chad, sumunod si Braindamage vs Mitch at Ayesha vs Czedy.
Tumaob si Anne kay Chad, si Braindamage kay Mitch at si Ayesha kay Czedy. Kaya sa huling round ng labanan, ang The Final Chukchak, ang natira ay sina Chad, Mitch, at Czedy.
Sa huli, si Mitch ang nanalo kina Chad at Czedy dahil sa mahusay na paglalahad niya ng kanyang argumento sa tanong na: "Ano ang isang dahilan na pinakapumipigil upang lubusang matanggap ng lipunan ang inyong kasarian?"
Narito ang sagot ni Mitch na nagbigay sa kanya ng titulo bilang bagong Miss Q and A sa It’s Showtime:
"Marahil po ang isa sa mga dahilan kung bakit pinipigilan kung ano man ang aming kasarian, which is bakla, 'yong parang tayo ay sagrado Katoliko.
"Dahil tayo ay namulat o napag-aralan natin mula sa pagkabata na sa Bibliya ay walang bakla kundi lalaki at babae lamang.
"Maaaring tumatatak sa ating isipan kaya mas mahirap para sa kanila na tanggapin kami bilang bakla ngunit kung inyo pong bibigyan ng panahon o kung bibigyan ng pagkakataon na kami ay tanggapin, inyong malalaman na kaming mga bakla ay isang superyor din kaya nga po tinawag na bakla...ba-ka-la...kami po ay bahagi ng lahat so kami po ay kinakailangan na kami po ay makiki-belong din kaya walang diskriminasyon.
"Walang sino man ang pwedeng di tumanggap dahil tayo ay pantay-pantay na ginawa ng Diyos. And I thank you!"
Nakakuha ng markang 95.8% si Mitch sa kanyang sagot. Habang 92.5% naman si Czedy na siyang naglagay sa kanya sa pwesto bilang first runner-up at 92.1% naman kay Chad na naging second runner-up.
Kalakip ng titulo ni Mitch bilang 2019 Miss Q and A ang mga papremyo gaya ng korona na gawa ni Manny Jalasan, trophy na nilikha ni Agi Pagkatipunan, at ang kanyang throne and sash.
May all-expense-paid trip siya for two sa South Korea kung saan plano niyang isama ang kanyang “asawa” na si Allan.
Ang ibang premyo ay: P200,000 worth of pampa-fresh, P200,000 worth of negosyo package, P500,000 worth of retoke package, brand new car and P50,000 worth of body care products from a fragrance company, at cash prize na P2 million.
Kalahati ng napanalunan na cash prize ni Mitch ay plano niyang ibahagi sa nasunugan niya na mga kababayan sa Orion, Bataan few weeks ago.
“Sabi ko, kung sakaling maka-pwesto ako kahit hindi grand, kasi may guaranteed naman, di ba?
“So, sabi ko, parte ko kahit sa mumunting bagay hindi man lahat, tutulungan ko talaga sila. Kasi up to now, wala pa rin talaga silang matinong tirahan. Nakikisiksik lang sila sa mga schools.
"So, sabi ko, actually, wala akong kamag-anak doon although may mga friends ako roon. Pero sabi ko, gusto kong tumulong in my own way.
"Sabi ko, kahit magkano lang yung guaranteed na makukuha ko, part talaga noon makukuha ko ibibigay ko.
"Yun lang ang hiningi ko pero binigay naman Niya lahat.
"Pero hindi ko naman ibibigay lahat. Pero siguro mas bigger. So, ayun,” pahayag ni Mitch.