Stairway to Heaven might start airing by September


Dingdong Dantes has been chosen to portray Cholo in the Philippine version of Stairway to Heaven. GMA-7 has not yet announced the identity of his leading lady named Jodi.




Narinig ng PEP (Philippine Entertainment Portal) nang i-announce ni Atty. Felipe Gozon, Chairman, CEO and President of GMA Network sa S.O.P. noong Linggo, May 10, ang pagkakapili kay Dingdong Dantes para gumanap sa role ni Cholo, ang male lead sa Pinoy adaptation ng Koreanovela na Stairway to Heaven.

Sinundan ang announcement ng congratulatory remarks nina COO Jimmy Duavit at SVP for Entertainment TV Wilma Galvante. Nagulat si Dingdong, pero kita ang tuwa sa mukha nito sa bago niyang series na sa S.O.P. lang niya unang narinig. Pagkatapos ng TV announcement, ipina-interview ng GMA-7 si Dingdong at kasama roon ang PEP.

"Nagulat talaga ako, ‘di ako alam na may special announcement. Kaya pala sa show, para akong may birthday sa presentation na ginawa. Actually, may mga naririnig na akong gagawin ko raw ang Stairway to Heaven, pero hangga't ‘di pa pormal na sinasabi sa akin, ayoko pang maniwala. Ngayon lang naging formal ang lahat," pahayag ni Dingdong.

Tinakot ng press si Dingdong na may shower scene ang role niya sa Stairway to Heaven, iba sa ginawa niya sa Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, handa ba siya sa eksena?

"Unang-una, I have to watch the whole series, but definitely, ang interpretation ko ay Pinoy na Pinoy. May touch nang pagka-Pinoy. First time kong gagawa ng adaptation ng Korean novela, alam kong malaki ang expectation dahil sobrang minahal ng tao si Cholo. I promise I won't let everybody down," pangako ni Dingdong.

Sa July pa sisimulan ang taping ng Stairway to Heaven at baka September ang airing. May napili ng director, pero bawal pang ipaalam at wala pa ring napipili to play the role of Jodi na sa Koreanovela ay ginampanan ni Choi Ji-woo.

Nabanggit ang pangalan nina Jennylyn Mercado at Heart Evangelista na posibleng maging leading lady ni Dingdong. May naniniwala ring bagay kay Maxene Magalona, kay Nadine Samonte ang role at nabanggit din ang pangalan ni Iza Calzado. Given the choice, sino ang gugustuhin niya sa role ni Jodi?

"Hindi ko alam. Hindi ko kasi alam kung anong qualities ang hinahanap at kailangan panoorin ko muna ang Koreanovela para magka-idea ako kung kanino babagay. Pero, ang management pa rin ang magdedesisyon at masusunod kung sino ang makakapareha ko."

Magiging komportable ba siyang gumawa ng remake ng Koreanovela o mas gusto niya ng original material?

"It doesn't matter kung remake o original. Kung magandang material naman ang remake, why not? Remake ang Marimar, Dyesebel at Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, maganda rin ang original. Basta, pagta-trabahuan ko ito."

Napi-feel na ba niyang siya si Cholo?

"Sa S.O.P., after the announcement, Cholo na ang tawag sa akin. Kita ko ang excitement at enthusiasm ng tao, kaya excited na rin akong maging Cholo. May pressure na agad sa akin, ka-a-announce pa lang dahil marami ang nagsasabing maganda ang material , kaya todo na ang kaba ko."

Paano niya paghahandaan ang role ni Cholo?

"I have to be in love. Not necessarily sa magiging partner mo, but you have to know how to bein love dhail kailangang alam mo ang feeling ng in-love. Dapat pamilyar sa'yo ang pakiramdam."

How true na tinotoo niyang ma-in love sa nagiging leading lady?

"Ganu'n ako! I get into the character, pero choice ko pa rin at anuman ang nangyari in the past at mangyayari, choice ko ‘yun."

"Oo" ang sagot ni Dingdong sa tanong kung makaka-back-to-back ba ng Stairway to Heaven ang Darna ni Marian Rivera, pero may nagsabi sa kanya na June na ang aring ng Darna, kaya malabong magkasunod ang series nila ng actress.

Nabanggit na rin lang si Marian, tinanong ng PEP si Dingdong kung kailan sila last nangkita ng actress pinaniniwalaang girlfriend na niya. Wala kasi ang dalaga sa S.O.P. last Sunday, kaya hindi na-congratulate si Dingdong sa bago niyang show.

"Last kami nagkita kahapon [May 9], sabay kaming nag-merienda sa Shangri-La Hotel (EDSA). Nagdyi-gym ako at nagpa-facial naman siya malapit sa hotel, kaya nagkayaan," sagot ni Dingdong na may kasamang blush.

Bakit hindi pa nila maamin na sila na? Tapos na ang soap nila at wala nang magsasabing gumigimik sila para sa show nila?

"Kung anuman meron kami, I just want it to be private."

Ikinuwento na rin ng PEP na ibinuking ng pamangkin at inaanak niyang si Paul Salas na girlfriend na niya si Marian nang makausap ng PEP ang bagets sa birthday presscon ng Star Magic.

"Talaga? Anong sinabi ng inaanak ko nang mapalo. Kung anuman ang nakikita ninyo, sa amin na lang ‘yun at ibalato n'yo na lang sa amin. Ngayon lang ako nag-request, kaya sana pagbigyan n'yo ako," second pakiusap ni Dingdong.

Hindi nga lang nagpaawat ang press dahil inusisa si Dingdong kung kailan ang anniversary nila ni Marian at kung nagsi-celebrate ba sila ng anniversary?

"Basta! Wala ng anniversary."

Bago tapusin ang interview, nagbigay ng message si Dingdong sa fans nila ni Marian na nalulungkot sa kanilang paghihiwalay at patuloy na nagpe-petition sa GMA-7 na sila pa rin ang pagtambalin.

"Gusto ko lang sabihin sa kanila na magtatambal pa rin kami ni Marian and I'm looking forward to be working with Marian again, hindi man sa TV, sa pelikula at sigurado akong magugustuhan nila. Hahataw ako sa movies next year, as of now, hiwalay muna kami ng projects. Magko-concentrate ako sa Stairway to Heaven at siya naman may Darna. I'm very optimistic na may bago akong ipapakita and definitely, a Filipino Cholo ang kanilang mapapanood," pagtatapos ni Dingdong.

Ang Stairway to Heaven ay tungkol sa dalawang magkababata na parehong naulila sa magulang. Pinaghiwalay sila ng tadhana at haharap sa maraming aksidente ngunit mananaig ang pag-ibig nila sa isa't isa.


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN