Second castaway voted off Survivor Philippines: Palau


Forty-five-year-old school teacher Carol Gementiza was voted off in the second Tribal Council of Survivor Philippines: Palau.


Sa ikalawang magkasunod na pagkakataon ay napilitan ang Koror tribe na magbawas ng kanilang miyembro sa ikalawang Tribal Council ng Survivor Philippines: Palau.

Ang napili ng karamihan sa kanilang i-vote off ay ang istriktong teacher mula sa Iloilo na si Carol Gementiza. Sa simula pa lang ay naging target na si Ma'am Carol dahil sa pagmamando nito sa kanyang mga katribo at hindi naging kasundo ng karamihan sa kanila. Bukod pa rito na hindi rin gaanong maasahan ang teacher sa physical challenges dahil siya ang pinakamatanda sa lahat ng castaways sa edad na 45. Pero dahil siya ang binigyan ng Immunity bracelet ng Airai tribe pagkatapos ng unang Immunity Challenge ay nakaligtas siya sa boto sa unang Tribal Council.

Si Ma'am Carol ang ikalawang natanggal mula sa Koror tribe at sa Survivor Philippnes: Palau pagkatapos ma-vote off ni Justine Ferrer noong unang Tribal Council. Isiniwalat ni Justine sa naturang Tribal Council ang kanyang tunay na katauhan—na isa siyang transsexual at nagpa-sex change operation.

Pero nilinaw ng mga natitirang miyembro ng Koror tribe, partikular na si Louie, na walang kinalaman ang sexual preference ni Justine sa pagkaka-vote off nito. Paliwanag ni Louie, inisip lang nila ang kalagayan nito sa mga susunod na challenges.

Lumalabas na si Louie rin ang nagdidikta sa kanyang mga katribo kung sino ang dapat na matanggal. Sa usapan nila ni Charles at Suzuki habang naliligo sa dagat, plinano nito na isusunod nilang tanggalin pagkatapos ni Ma'am Carol sina Tara at Marvin. Itinuturing na threat ni Louis ang pinakabata sa castaway na si Marvin kaya nais nila itong tanggalin habang maaga.

Sa kanyang exit interview, sinabi ni Ma'am Carol na sana'y nag-isip nang mabuti ang kanyang mga tribemates dahil mas deserving daw siyang manatili kumpara kina Tara at Charles.

"ISLA PURGATORYO." Binigyan pa ng pagkakataon si Justine na makabalik sa laban sa bisa ng "black-eye bracelet" na kakambal ng Immunity bracelet na ibinigay kay Ma'am Carol. Pagkatapos mapatalsik mula sa Koror tribe ay dinala si Justine sa "Isla Purgatoryo"—na ang tunay na pangalan ay Snake Island dahil pinamumugaran ito ng mga ahas. Binigyan siya ng sapat na supply habang namamalagi siya sa isla. Kasama ni Justine na maninirahan doon ang isang aso na nagngangalang Jumbo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ipinaliwanag ng host ng Survivor Philippines: Palau na si Paolo Bediones kay Justine na ang sinumang sumunod na castaway na ma-vote off mula sa laro ay dadalhin din sa Isla Purgatoryo. Kailangang ipaglaban ng sinumang nakatira sa isla ang karapatan na manatili roon sa pamamagitan ng isang challenge. Ang sinumang matalo sa kanila ay tuluyan nang pauuwiin, samantalang ang mananalo ang siyang titira sa isla hanggang sa pasamahin na siya sa pinagsamang tribo o "merged tribe."

SECOND REWARD CHALLENGE. Pagkatapos matalo ng tatlong sunod na challenges ay nagwagi na rin sa wakas ang Koror tribe sa ikalawang Reward Challenge.

Dito, pitong miyembro ng bawat tribo ang tatayo sa makitid na kahoy sa ibabaw ng tubig. Bawat miyembro ay may nakapintang letra sa kanilang dibdib at likuran. Magtatanong si Paolo ng bugtong at aayusin ng mga castaway ang kanilang sa sarili ayon sa pagkasunud-sunod ng sagot sa bugtong habang nakatayo sa makitid na kahoy at hindi nahuhulog sa tubig. Ang unang tribo na makakuha ng tatlong puntos ang siyang mananalo ng reward na "fishing gear." Kung mananalo ang Koror ay makukuha na nila ang kanilang supply crate. Kung ang Airai na naman ang mananalo, sila ulit ang magdedesisyon kung makukuha ng Koror ang supplu crate nila.

Nasagot ng Koror ang unang bugtong (COBRA), samantalang nakuha naman ng Airai ang ikalawa (RANK). Ang Airai ulit ang nakakuha sa ikatlong bugtong (TRIBO), pero nagawang makahabol ng Koror sa ika-apat (CORAL).

Dahil tabla ang score sa 2-2, naging mahigpit ang labanan para sa huling bugtong. Sa huli, nauna ang Koror na hulaan ang huling bugtong (BARIL) na naging dahilan para sa kanilang unang panalo.


SECOND IMMUNITY CHALLENGE. Naging pisikal naman ang ikalawang Immunity Challenge sa pagitan ng Airai at Koror, kung saan mag-aagawan ang dalawang tribo ng buko at kailangang i-shoot nila ito sa goal na nakalagay sa magkabilang dulo ng playing field. Ang unang team na makaiskor ng tatlong puntos ang siyang mananalo at ligtas sa Tribal Council.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

In-announce din ni Paolo na wala siyang ibibigay na Immunity bracelet sa isang miyembro ng natalong tribo.

Sa unang laban, tatlong babaeng miyembro ng bawat ang nagsulpukan—sina Carol, Echo, at Tara sa Koror, at sina Amanda, Mika, at Maya sa Airai. Pagkatapos ng agawan at takbuhan, si Amanda ang naka-score ng unang puntos para sa Airai.

Ang ikalawang laban ay sa pagitan ng tatlong lalake sa magkabilang tribo—sina Louie, Marvin, at Suzuki para sa Koror, at sina Cris, Shaun, at Vlad sa panig ng Airai. Bagamat mas malalaki ang nasa Airai, nagawang makalusot ni Marvin upang makapuntos para sa Koror.

Sa sumunod na round, dalawang babae at dalawang lalake sa bawat tribo ang naglaban—sina Suzuki, Marvin, Echo, at Tara para sa Koror, at sina Shaun, Troy, Mika, at Amanda para sa Airai. Nakaiskor ulit si Marvin para sa Koror upang makalamang sila ng isang puntos sa Airai.

Lahat na ng miyebro ng bawat tribo ang kasali sa sumunod na laban, kung saan ipinasa ng dating PBA player na si Cris ang buko sa "mentalist" na si Troy para maitabla ang iskor sa 2-2.

Sa huling round, nagsalpukang muli ang lahat ng miyembro ng Koror at tribe para desisyunan kung anong tribo ang pupunta sa Tribal Council. Pagkatapos ng bungguan, hatakan, at habulan, nagawang makalusot ni Mika para ipanalo ang Airai.

Dahil dito, muling bumalik ang Koror sa Tribal Council upang i-vote out ang isa pa nilang miyembro. At sa huli nga, si Ma'am Carol ang napili nilang tanggalin.

Sa episode ng Survivor Philippines: Palau sa Lunes, August 31, ipapakita ang pagpunta ni Ma'am Carol sa Isla Purgatoryo upang samahan si Justine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN