Chin-Chin Gutierrez and Gina Pareño will portray the life of Nanay Curing Villar


Empress Schuck (standing) portrayed the young Curing Villar in the November 21 episode of Maalaala Mo Kaya. In the second part of this episode, the story of Manny Villar’s mother will be brought to life by Chin-Chin Gutierrez (2nd generation) and Gina Pareño (3rd generation).


Naipalabas na ang unang bahagi ng lifestory ni Nanay Curing, ang ina ni Senator Manny Villar, sa drama anthology show ng ABS-CBN na Maalaala Mo Kaya.


Sa November 21 episode ng MMK, ginampanan ng batang aktres na si Empress Schuck ang role ni Nanay Curing na isang dalaga noong panahon ng World War II. Hindi natupad ni Nanay Curing ang kanyang pangarap noon na makapagtapos ng pag-aaral. Pinahinto siya ng kanyang mga magulang na tumigil na sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng pera tatlong buwan bago ang kanyang graduation.


Dahil dito, napilitang lumuwas ng Maynila si Nanay Curing kasama ang ilang mga kababaryo niya sa probinsya. Sa Maynila nakilala niya ang lalaking mapapangasawa niya na si Maning na ginampanan naman ni Matt Evans.


Ngayong Sabado, November 28, mapapanood sina Chin-Chin Gutierrez at Carlos Morales sa pangalawang henerasyon ng kwento ng buhay ni Nanay Curing at mister na si Maning kapiling ang kanilang mga anak kabilang na ang batang Manny Villar.


Mapapanood naman sa second part ng lifestory ng ina ni Senator Villar sa Maalaala Mo Kaya ang pagganap ng award-winning actress na si Gina Pareño bilang si Nanay Curing sa kasalukuyang panahon.


Sa final episode matutunghayan ang hirap na pinagdaanan sa buhay ni Nanay Curing at kung paano’ng pinasok niya ang iba’t-ibang uri ng hanapbuhay tulad ng pagiging modista, labandera, tindera ng isda at biyahera hanggang sa pagtatagumpay sa negosyong pinasukan. Makikita ng mga manonood kung paano niya ginampanan ang pagiging maybahay at pagiging ina sa kanyang siyam na anak.


FROM BATAAN TO LAS PINAS.
"Nahihiya nga ako na maipalabas ang aking buhay sa TV kasi ordinaryong tao lang naman ako. Hindi naman ako artista. Pero alam kong mapupulutan ito ng mga aral sa buhay kaya masaya na rin ako na malaman ng mga tao ang kwento ng aking buhay," pahayag ni Nanay Curing.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Si Nanay Curing ay ipinanganak sa Orani, Bataan. Ang kanyang amang si Nicolas ay isang mangingisda at nagtrabaho bilang karpentero nang mapadpad sa Maynila. Ang ina niyang si Matea ay isang modista. Ang kanyang asawang si Maning ay namatay nong 1983.


"Madami akong hirap na dinaanan. Bata pa lang ako nasunog ang aming bahay sa Bataan. Marami din akong trabahong pinasukan para lang mabuhay hanggang nagtinda ako ng isda at hipon sa Divisoria noong ako ay mayroon nang pamilya," kwento ni Nanay Curing.


Sa edad na 82, hindi na halos makakita si Nanay Curing dahil sa sakit na glaucoma ngunit patuloy pa rin itong tumatao kasama ang kanyang mga tindera sa kanyang grocery store sa Las Piñas.


"Magpahinga na daw ako sabi ng mga anak ko. Hindi ko sila sinusunod. Nagtitinda pa rin ako hanggang ngayon. Di kasi ako sanay na walang ginagawa. Sa totoo lang, ako at hindi ang anak kong si Manny ang orihinal na Sipag at Tiyaga," sabi pa niya.


Bilang pagkilala sa kanyang sipag at tiyaga, pinarangalan ng isang magazine si Nanay Curing at binigyan ng ’Nanay Negosyante’ award noong 2005.


Maliban sa paglabas sa MMK, sumabak na rin si Nanay Curing sa mga TV ads kasama ang anak na si Manny noong 2007 elections.


"Masaya ako sa buhay ko. Minsan, pinamimigay ko ang mga paninda ko kaya ’pag pumupunta dito si [Senator] Manny at iba kong mga anak, binibilhan nila agad ako ng mga paninda na pamalit doon sa mga ibinibigay ko sa ibang tao," lahad ni Nanay Curing.


Ang two-part episode ng life story ni Nanay Curing sa Maalaala Mo Kaya ay mula sa direksyon ni Nuel Naval at sinulat ni Benson Logronio.


Mapapanood ang Maalaala Mo Kaya, hosted by Ms. Charo Santos Concio, tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN