Hataw 7 finalists of Danz Showdown: They have drama


Isa sa Hataw 7 finalists (ang tawag sa mga nalalabing contenders sa Danz Showdown) ang magiging bagong miyembero ng SexBomb Dancers.


From the thousands na nag-audition, they were whittled down to the hundreds, hanggang naging 60, at naging Magic 12. Ngayon ay Hataw 7 finalists ang nalalabing contenders sa Danz Showdown, ang dance reality show para mahanap ang next SexBomb Girl.

Ang mananalo ay hindi lang magiging bagong miyembro ng SexBomb Dancers (papipirmahin siya ng management contract ng Focus E, ang humahawak sa career ng SexBomb Dancers), makakapag-uwi rin siya ng P500,000 cash, isang Honda motorcycle at scholarship for a 4-year course mula sa STI College.

Ayon sa Danz Showdown judge at CEO/President ng Focus E na si Joy Cancio, galing sa iba’t ibang istilo ng sayaw ang paglalabanan ng remaining 7 contenders. Kaya naman very exciting at talaga raw kapanapanabik ang labanan ng mga ito, araw-araw, mula Lunes hanggang Biyernes.

Sabi pa ni Ms. Joy—nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa ginanap na presscon sa mismong taping ng show sa Semicon Studio, Semicon Bldg., Marcos Highway, Marikina City—magagaling, palaban at nakakaantig daw ng damdamin ang mga pinagdaanang buhay ng Hataw 7 Finalists.

Heto ang pitong maglalaban-laban para sa titulong "Next SexBomb Dancer" at konting impormasyon tungkol sa kanila.

Julie Anne Septimo. Tubong-Dasmariñas, Cavite, isang SK Kagawad at 2nd year Mass Communications student, dream daw ni Julie Anne ang mapabilang sa Sexbomb dahil gusto na nitong huminto ang ina sa pagtitinda ng balot. Ulila na sa ama at may walong kapatid si Julie Anne, kaya naman pursigido itong manalo para na rin sa kanyang ina at mga kapatid. Ang mga ito raw ang tanging nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para mas pag-igihan ang pagsasayaw at makamit ang minimithing tagumpay.

Dona Veliganio. Mula sa Cebu, panganay sa apat na magkakapatid si Dona. Aminadong isang dreamer, sumali raw siya sa Danz Showdown upang matupad ang kanyang mga pangarap. Noon daw ay ninais lang niyang makarating ng Maynila. Nang magawa niya iyon, ang maging miyembro naman ng SexBomb Dancers ang pangarap niya ngayon. Kaya nga raw pursigido siyang manalo sa Danz Showdown, para maiahon na sa kahirapan ang kanyang pamilyang nasa Cebu. Gusto rin daw niyang patunayan na kahit isa siyang probinsiyana at lumaki sa isang isla, hindi sagabal ito para maabot niya ang tagumpay at mabago ang kanilang buhay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Jane Albarracin. Nag-iisang babae sa limang magkakapatid ang tubong-Davao na si Jane. Maagang nagretiro sa pagtatrabaho ang kanyang ama habang nagtitinda naman ng bagoong sa palengke ang kanyang ina. Si Jane lang daw ang kaagapay ng kanyang mga magulang para makaahon sa kahirapan at ang pagsali sa Danz Showdown ang naisip nitong paraan upang magawa ito. Pansamantala na nga munang tumigil sa kursong HRM si Jane upang sumali sa show. Hinasa sa pagsali sa mga dance contests sa kanilang baranggay, baon daw ni Jane ang determinasyon para tanghaling bagong miyembro ng Sexbomb Dancers.

Yui Gutierrez. Pinay-Japanese ang tubong-Binangonan, Rizal na si Yui. At katulad ng karamihang anak ng mga Hapon, iniwan siya at ng kanyang inang mang-aawit ng Hapon na ama na nakilala lang niya sa pangalang Hiromi Tanaka. Tatlo raw ang kahilingan ni Yui na gusto niyang matupad kaya siya sumali sa Danz Showdown: Una, ang maiahon sa hirap ang kanyang ina, pangalawa, ang sumikat at makilala bilang miyembro ng SexBomb Dancers, at pangatlo, ang makita’t mayakap na muli ang kanyang amang Hapon. Balak niya ring mailipat ng maayos na tirahan ang kanyang ina at magkaroon ng perang panustos sa kanyang pag-aaral.

Emeliza Diesta. Galing sa dating marangyang pamilya at kilala sa bayan nila sa Marilao, Bulacan, bilang "Butchek" si Emeliza. Dahil sa pagbagsak ng negosyo ng kanilang pamilya, nalugmok sila sa hirap. Ang mga panalo ni Emeliza sa pagsali sa iba’t ibang dance contests ang naging tulong niya sa kanyang pamilya. Mula sa pagnenegosyo ay nag-driver ang kanyang ama, habang tindera naman sa palengke ang kanyang ina. Ang manalo sa Danz Showdown daw ang sagot para makabawi muli ang kanyang pamilya sa kamalasang inabot nila sa negosyo.

Kabilang din sa Hataw 7 ang tinaguriang "Wild Card Contenders." Heto sila at kaunting impormasyon tungkol sa kanila.

Jean Roxas. Determinado talagang maging miyembro ng SexBomb ang Nursing student na pambato ng Bataan. Kahit na hindi pinalad sa Pampanga auditions, bumiyahe pa ito sa Batangas, kung saan pinalad na siyang makasali sa show. Pero sa kamalasan ay muli siyang natanggal sa 3rd wave eliminations. Ang determinasyon niya ang siyang naging susi upang maging wild card siya’t mapasali sa Hataw 7. Magpupursigi raw si Jean na maiuwi ang tagumpay sa Bataan. Bukod sa pagsasayaw ay hilig din daw ni Jean ang pag-arte, pagkanta at pagho-host.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Trizia Ramis. Panganay sa tatlong magkakapatid, namulat sa isang magandang buhay si Trizia na tubong-Paco, Manila. Pero minalas na masunugan at nawalan ng malaking negosyo ang kanyang pamilya. Hindi nga raw siya nagdalawang-isip nang malaman ang tungkol sa Danz Showdown. Baon ang kanyang galing sa ballet, ito raw ang gagamitin niya upang magtagumpay sa Danz Showdown, maging bagong miyembro ng SexBomb Dancers at makabangon sa matinding dagok ng buhay ang kanyang pamilya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN