Meet Kevin Francisco, Star Factor’s young padre de familia


"Ramdam ko na po na ako na yung pumalit sa papa ko parang ako na po yung naging padre de familia. Sobrang hirap po na ibinibigay ko ang oras ko dito sa pangarap ko na maging artista at sa family ko. Pero alam naman nila na ginagawa ko ito para sa kanila," says Kevin Francisco, one of the Top 18 Star Hopefuls in the TV5’s reality artista search, Star Factor .


Mas naging masigasig ang aspiring actor na si Kevin Francisco na ituloy ang laban niya sa bagong reality artista search ng TV5 na Star Factor, lalo na ngayong nakapasok siya sa Top 18 Star Hopefuls. Aniya, ginagawa niya ito para matulungan ang kanyang pamilya dahil namatay na ang kanyang tatay sanhi ng kumplikasyon sa lungs, kidney at liver kaya’t siya na ang tumatayong padre de familia ngayon kahit na 17 years old pa lang siya.

"Yung pagsali ko rito sa Star Factor ay para sa mama ko at sa kapatid ko. Inaalay ko rin po sa papa ko ang pagsali ko rito dahil kamamatay lang po niya last year," pahayag ni Kevin nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon para sa Top 18 Star Hopefuls ng Star Factor last Saturday, September 18, sa KB Studio sa Cainta, Rizal.

Hanggang ngayon daw ay dinaramdam pa rin niya ang pagkawala ng kanyang ama.

"Sobrang nami-miss ko siya, hanggang ngayon naiisip ko pa rin siya. Pero happy na ako na nakapasok ako rito. Siguro si Papa rin ang tumutulong sa akin para makapasok ako dito. Si Papa po ang guardian angel ko."

Dahil si Kevin nga ang panganay sa kanilang dalawang magkapatid kaya’t nasa kanya ang burden na tulungan ang mama niya na maitaguyod ang pamilya nila.

"Ramdam ko na po na ako na yung pumalit sa papa ko parang ako na po yung naging padre de familia. Sobrang hirap po na ibinibigay ko ang oras ko dito sa pangarap ko na maging artista at sa family ko. Pero alam naman nila na ginagawa ko ito para sa kanila."

Wala raw work ang mama niya ngayon.

"Pension na lang po ng papa ko at saka ng lola ko yung inaasahan namin. Dati po nagwo-work po si mama sa Japan. Pero nung nagkasakit po si Papa, umuwi po siya rito. ’Tapos naibenta na po lahat, naubos na yung mga naipundar nila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

KEVIN’S IDOLS. Gaano niya kagustong maging artista?

"Sobra po, hilig ko po. Nag-umpisa ko pong ma-realize na gusto kong mag-artista last year po."

Ang standout talent daw ni Kevin ay sa acting at sa dancing. Sino naman ang idolo niyang artista?

"Ang idol ko po si Piolo [Pascual] kasi magaling siyang umakting, kumakanta siya, minsan sumasayaw rin. Sa mga babae naman hinahangaan ko si Cristine Reyes kasi maganda, hot at magaling din umarte."

Sa dancing naman, hangang-hanga raw siya sa galing sumayaw nina Jhong Hilario at Vhong Navarro ng Streetboys.

FACING THE STAR MAKERS. Sa pagharap ni Kevin sa Star Makers na kinabibilangan nina Talent5 Head Audie Gemora, director Joey Reyes, photographer Raymund Isaac, music maestro Ryan Cayabyab at talent manager Annabelle Rama, ipinakita niya raw ang kanyang galing sa pagsayaw at na-impress naman ang mga ito sa kanya.

Aminado si Kevin na kinabahan siya sa pagharap sa Star Makers.

"Kabado po talaga ako bago ako pumasok doon sa room. Iniisip ko po kung ano yung sasabihin nila sa akin. Pero nawala na po yung kaba ko nung pagpasok ko at sumayaw na ako. Maganda naman po ang naging comments nila."

Sa mga sinabi ng mga Star Makers, ano ang hindi niya makalimutan?

"Pinakanagustuhan ko po yung kay Direk Joey kasi natutuwa po ako sa kanya nung ipinataas niya yung hair ko kasi mahaba po ang hair ko noon. Sabi niya, ’Okay.’ Gumanun po siya. Sobrang happy po ako."

STILL WANTS TO FINISH SCHOOL. Pansamantalang huminto sa pag-aaral si Kevin para tuparin ang pangarap niyang maging artista.

"Dapat po second year college na ako. First year college po nung nag-stop ako. HRM [Hotel and Restaurant Management] po ang course ko sa FEU."

Hindi naman daw ibig sabihin na titigil na siya totally sa pag-aaral ngayong artista na siya.

"Itutuloy ko po pag nagkaroon po ng chance na makapag-aral ulit. Kung sakali man pong hindi ako suwertihin dito sa Star Factor or hindi man ako maging artista, mag-aaral po ako ulit. Gusto ko rin pong makapagtapos. In that way ko po matutulungan din ang family ko para makahanap ako ng mas magandang trabaho. Pero kung kakayanin ko po na pagsabayin ang pagiging artista at pag-aaral, gagawin ko po. Pangarap ko po kasing mapag-aral ang kapatid ko. Maipagpatayo ng bahay ang mama ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ngayon daw ay inihahanda na ni Kevin ang sarili niya anuman ang magiging resulta ng pagpasok niya sa Star Factor. Siyempre, inaasam niya na makasama sa Top 12 finalists and eventually ay manalo lalo na’t malaki ang maitutulong sa family niya ng premyong P1 million cash, a TV5 management contract worth P1 million at pati house and lot.

Mapapanood si Kevin at ang iba pang Star Hopefuls sa Star Factor, hosted by Ruffa Gutierrez, tuwing Linggo, 5:30 p.m. sa TV5, pagkatapos ng Aksyon Weekend.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN