Nora Aunor feels honored to work anew with Christopher de Leon via Sa Ngalan Ng Ina


"Ibang istorya kasi ito, e. Kumbaga sa ano, hindi ito tulad ng dati naming ginagawa na pa-cute," said Nora Aunor about her TV5 show Sa Ngalan ng Ina.


Masayang-masaya si Superstar Nora Aunor matapos niya mapanood ang unang episode ng mini serye ng TV5 na Sa Ngalan Ng Ina.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang entertainment press si Ate Guy sa ginanap na red carpet premiere ng Sa Ngalan Ng Ina noong Setyembre 22 sa Cinema 2 ng SM The Block sa North Avenue, Quezon City.

"Masaya [ako] dahil unang-una ngayon ko lang nakita ulit ang sarili ko sa screen," tuwang-tuwa na sinabi ni Ate Guy.

"At masaya dahil nakita ko ’yong pinaghirapan namin na lumabas na maganda, at no doubt naman ’yon ’pag si Mario [O’Hara] ang direktor namin.

"Talagang ’pag pinanood mo ’yong gawa niya, talagang sigurado ’yong magagandahan ka."

Bukod sa nagbabalik showbiz na si Ate Guy, nasasabik din ang kanyang mga fans sa muling pagtatambal nila ng kanyang ex-husband at ka-love team na si Christopher de Leon.

Malaking karangalan daw para sa kanya na makatrabahong muli ang King of Drama. Gayunman, mas mature na Ate Guy at Boyet na daw ang mapapanood sa mini serye na ito.

Paliwanag niya, "Ibang istorya kasi ito, e. Kumbaga sa ano, hindi ito tulad ng dati naming ginagawa na pa-cute.

"Dito, kapupulutan ng aral talaga ito, lalo na sa nangyayari ngayon sa atin sa politics, sa pulitika ’ika nga.

"Pero, wala naman pinapatamaan ang aming ginawa."

WORKING WITH TV5. Matapos na mawala ng walong taon, sa Kapatid Network napili ni Ate Guy na gumawa ng isang comeback show.

Ito daw ay dahil sa mainit na pagtanggap at magandang pagtrato sa kanya ng naturang network.

Aniya, "Happy ako talaga, walang biro. Walang ibang studio o ibang network na talagang nagbigay ng importansya sa akin, nag-alaga at talagang pinakita ang kanilang pagmamahal sa isang katulad ko po.

"Kaya ang aking pasasalamat sa TV5, sa lahat-lahat maging sa mga cameraman at mga staff na talagang wala po akong reklamo, wala po talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Isa po kaming pamilya na nagta-trabaho.

"Katulad ng lagi kong sinasabi, na maganda magtrabaho kapag kayo ay isang buong pamilya na walang intrigahan at masaya lahat ng mga kasama mo."

Bukod sa magandang working relationship niya sa TV5, masaya din daw siya na makatrabaho ang mga talents ng naturang network.

Katunayan, kinabahan pa nga daw siya habang kinukunan ang mga eksena kasama ang mga ito.

"Actually, hanggang ngayon ninenerbiyos ako kapag nagte-taping kami," pag-amin niya.

"’Pag bawat eksenang kinukunan nandoon ’yong nerbiyos.

"Maski naman sa paggawa ng pelikula noong araw hindi nawawala sa akin ’yong nerbiyos kapag andiyan na ’yong magte-take, ’yong ako lang ’yong kinukunan, lalo na kapag [nandiyan na] ’yong artista na ka-eksena mo."

Pero, ang higit daw na pinasasalamatan ni Ate Guy ay ang kaniyang mga fans na walang sawang sumusuporta pa rin sa kaniya.

"Iyon ang talagang sa akin ano, buong buhay ko nang ipagpapasalamat sa mga fans ’yon," nakangiting sinabi ng Superstar.

"Kaya nga ang sa akin, ang gusto kong gawin para sa kanila maipakita ’yong pagmamahal na ibinibigay sa akin.

"’Yong makagawa ng project lalo na ’yong sa pelikula o sa TV na isang magandang-magandang proyekto na puwede nilang ipagmalaki."

Makakasama ni Superstar Nora Aunor sa mini serye na ito sina Christopher de Leon, Ian de Leon, Nadine Samonte, Alwyn Uytingco, Edgar Allan Guzman, Joross Gamboa, Eugene Domingo, Eula Caballero, Rosanna Roces, Karel Marquez, Jay Aquitania at Bembol Roco.

Ang Sa Ngalan Ng Ina ay sa direksyon nina Mario O’Hara at Jon Red, na magsisimula na sa October 3, Lunes, pagkatapos nga Wil Time Bigtime sa TV5.



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN