Local version of "Marimar" premieres on Monday, August 13


Marian Rivera, dubbed the "Next Big Star" of GMA-7, said that she really prepared when she auditioned for Marimar. "Ang dami-rami ko pong simbahan na sinimbahan para makuha ko ‘to. Ang dami! Tagaytay, Quiapo, Baclaran! Ang dami, kulang na lang siguro, lahat ng simbahan pasukin ko."


Muli na namang matutunghayan ng mga Pilipino ang makulay na buhay ni Marimar sa Pinoy version nito na mapapanood simula Lunes, August 13, sa GMA-7 Telebabad.

Nauna nang ipinalabas ang Mexican version ng Marimar noong 1996 sa RPN-9. Sinasabing hit ang telenovelang ito noong panahong iyon na halos abangan na ng buong Pilipinas ang mga kapana-panabik na eksena sa pagitan ni Marimar at ng kanyang nobyong si Sergio Santibañez. Kitang-kita rin na hindi pinagsasawaan ng mga Pinoy ang istorya ni Marimar nang muli itong ipalabas ng GMA-7 noong 2002.

Kung dati ay ang Mexican Telenovela Queen na si Thalia ang gumanap na Marimar, ngayon ay ang "Next Big Star" naman ng GMA-7 na si Marian Rivera ang magbibigay saya sa local version ng Marimar.

Ayon sa senior vice president for entertainment ng GMA-7 na si Wilma Galvante, matagal nang naisip ng kanilang network na gawin ang remake ng Mexican telenovelang Marimar.

Kwento pa ng lady executive, "Medyo matagal na conversation. But we’re only given this year, we have to produce before the end of the year. That’s why naka-schedule talaga siya, papasok pa lang ang taong ito alam na namin ang gagawin namin."

At ang huli pang dagdag ni Galvante, isa ang Marimar sa mas pinagtutuunan ng pansin ngayon ng GMA-7 para sa mga masugid nilang manonood.

MARIAN AS MARIMAR. Sa August 7 presscon na ginanap sa Studio 3 ng Kapuso Network, marami na ring showbiz reporters ang nagkakamali at tinatawag ng Marimar si Marian. Marami rin ang nagsasabi, kasama na ang director ng telenovela na si Direk Joyce Bernal, na deserving talaga si Marian na gumanap bilang Marimar.

Masaya naman si Marian sa comment na ito dahil pinaghandaan daw niya ng husto ang audition para sa nasabing character. Nag-research pa raw siya tungkol sa Marimar, nagpagawa ng damit, at talagang pinaghandaan ang pagsasayaw. Dagdag din ni Marian, "Hindi naman po ako nahihirapan kasi gusto ko ‘yung ginagawa ko, kaya hindi ko masasabing nahihirapan ako. Kasi hilig kong talaga ang pagsasayaw. Bata pa lang po ako, talagang sumasali na ko sa mga dance competitions."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya naman nang matanggap siya ay sobrang natuwa siya at hindi pa man nagsisimula ang programa ay marami na ang kumikilala sa kaniya bilang Marimar. "Napakasarap talaga ng feeling. Hindi pa man nag-e-air ang Marimar, pero kapag may mga nakakakita na po sa akin, ang tawag na nila sa akin, ‘Marimar,’" kwento ng aktres.

THE PLOT. Bata pa lamang ay nahiwalay na si Marimar sa kanyang mga magulang na sina Gustavo Aldama (Jestoni Alarcon) at Lupita (Rita Avila) dahil sa isang trahedya. Sa kabutihang palad, natagpuan siya ng mag-asawang Pancho (Leo Martinez) at Cruz (Caridad Sanchez) sa dalampasigan at kinupkop bilang tunay na anak.

Sa piling ng kanyang bagong pamilya, nakilala niya ang kababatang si Angelika (Katrina Halili), isang ambisyosang babae na nobyo ng mayamang si Sergio Santibañez (Dingdong Dantes). Ngunit dahil hindi siya pinakasalan ni Sergio bago ito umalis ng bansa, napilitang magpakasal si Angelika sa ama ng kaniyang nobyo, si Renato Santibañez (Richard Gomez), upang makaahon sa kahirapan.

Magbabalik si Sergio at gagantihan ang dating kasintahan sa tulong ng inosenteng si Marimar. Mapapaibig ang dalaga at di kalaunan ay magpapakasal kay Sergio nang walang kaalam-alam sa tunay na layunin ng binata.

Dito magsisimula ang mga pagpapakasakit ni Marimar sa mga kamay ng mapanglait na si Angelika.

Maaangkin pa ba ni Marimar ang puso ng lalaking pinakamamahal o tuluyan bang madadala si Sergio ng poot at paghihiganti? At paano magtatagumpay si Marimar sa kabila ng lahat ng kanyang paghihirap?

Tunghayan ang magiging kapalaran ni Marimar at ang kahihinatnan ng kanyang pag-ibig kay Sergio simula Lunes, August 13, sa GMA Telebabad.

Bisitahin ang gallery upang makita ang larawan ng mga kasapi sa Marimar.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN